Pamilya ni Jose Rizal

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Si Jose P. Rizal (i. 19 Hunyo 1861 — k. 30 Disyembre 1896) na may buong pangalang José Protasio Rizal Mercado y Alonso Realonda, ay ang Pambansang Bayani ng Pilipinas na lumaban sa mga kastila sa pamamagitan ng kaniyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo noong panahon ng pananakop ng Espanya sa bansa.

Mas kilala sa palayaw na Pepe, siya ang ika-pito sa labing-isang anak nina Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos.

Si Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro na kaniyang ang ama, ay kabilang sa ika-apat na henerasyong apo ni Domingo Lam-co, isang Tsinong mangangalakal na naglayag sa Pilipinas mula sa Jinjiang, Quanzhou noong kalagitnaan ng ika-labimpitong siglo. Si Lamco ay nakapag-asawa ng isang Pilipina sa katauhan ni Inez de la Rosa at upang makaiwas sa hostilidad ng mga Espanyol para sa mga Intsik ay pinalitan niya ang kaniyang apelyido ng "Mercado" (pangangalakal).

Ang pangalan namang Rizal ay nagmula sa salitang "Ricial" o kabukiran na ginamit lamang ni Francisco (dahil siya ay isang magsasaka) alinsunod sa kautusan ni Gobernador Narciso Calaveria noong 1849 na magpalit ng mga apelyido ang mga Pilipino. Kalaunan ay ginamit na rin ni Francisco ang Rizal Mercado upang makaiwas sa kalituhan mula sa kaniyang kasamang mangangalakal.

Ang ina naman niyang si Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos, ay anak nina Lorenzo Alonzo (isang kapitan ng munisipyo ng Biñan, Laguna, kinatawan ng Laguna sa Kortes ng Espanya, agrimensor, at kasapi ng isang samahan ng mga Katoliko) at ni Brijida de Quintos (na mula sa isang prominenteng pamilya). Ang kanilang apelyido ay pinalitan ng Realonda noong 1849.

May siyam na kapatid na babae at isang kapatid na lalake si Jose Rizal.

Si Saturnina (1850-1913) ang panganay sa magkakapatid. Ikinasal kay Manuel Timoteo Hidalgo ng Tanauan, Batangas.

Si Paciano (1851-1930) ang ikalawang anak ng pamilya. Nag-aral siya sa San Jose College sa Maynila at naging magsasaka, at heneral ng Himagsikan.

Si Narcisa (1852-1939) ang ikatlo sa magkakapatid. Ikinasal siya kay Antonio Lopez ng Morong, Rizal, at isa siyang guro at musician.

Si Olympia (1855-1887) ang ikaapat sa magkakapatid na Rizal. Ikinasal siya kay Silvestre Ubaldo, at namatay noong 1887 dahil sa panganganak.

Si Lucia (1857-1919) ang ikalimang anak ng pamilya. Ikinasal siya kay Matriano Herbosa.

Si Maria (1859-1945) ang ikaanim sa magkakapatid. Ikinasal siya kay Daniel Faustino Cruz ng Biñan, Laguna.

Si Concepcion (1862-1865) ang ikawalong anak ng pamilya. Namatay siya sa edad na tatlong taong gulang dahil sa isang sakit.

Sina Josefa (1865-1945) at Trinidad (1868-1951) ang ika-siyam at ika-sampung kapatid ni Rizal. Kapwa hindi nakapag-asawa ang dalawa.

Si Soledad (1870-1929) ang bunsong anak ng pamilya. Ikinasal siya kay Pantaleon Quintero.

Mga Sanggunian

"The Mercado – Rizal Family"

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.