Pambansang Buwan ng Panitikan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Pambansang Buwan ng Panitikan, kilala rin bilang Buwan ng Panitikang Filipino, ay ipinagdiriwang sa Pilipinas tuwing Abril, sa bisa ng Proklamasyon Blg. 968 na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III noong 2015. Kinikilala ng batas ang kahalagahan ng panitikan sa pagpapanatili at patuloy na pagpapayaman sa mga pamanang kultural ng ating mga ninuno. Itinatampok sa pagdiriwang na ito ang mga akdang pampanitikan na likha ng mga Pilipino, anomang wika sa bansa ito nakasulat, na may malaking kaugnayan sa kasaysayan at kalinangang Pilipino.[1]

Pagpili ng Buwan ng Pagdiriwang

Napili ang Abril dahil ito ang buwan ng kapanganakan ng dakilang makata na si Francisco Balagtas (Araw ni Balagtas, Abril 2), gayundin ang paggunita sa anibersaryo ng kamatayan at kapanganakan ng mga kinikilalang haligi ng panitikan tulad nina Emilio Jacinto (kamatayan,16 Abril 1899), Paciano Rizal (kamatayan, 13 Abril 1930), Nick Joaquin (kamatayan, 29 Abril 2004), Edith Tiempo (kapanganakan 22 Abril 1919), at Bienvenido Lumbera (kapanganakan 11 Abril 1932).[1]

Tuwing Abril din taunang ipinagdiriwang ang mga okasyong may kaugnayan sa panitikan tulad ng International Children’s Book Day (Abril 2), International Day of the Book o World Book Day (Abril 23), at World Intellectual Property Rights Day (Abril 26).[1]

Ang pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Panitikan ay pinangungunahan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Katuwan din nila ang iba pang ahensiya ng pamahalaan na kumikilala rin sa kahalagahan ng ating panitikan, tulad ng National Book Development Board (NBDB).[1]

Pambansang Buwan ng Panitikan 2021

Ang tema ng Pambansang Buwan ng Panitikan 2021 ay “Limandaang Taon ng Pagsulat sa Kalibutang Filipino,” na maiuugnay sa paggunita sa quincentenario ng Kristiyanismo at pagdating ng mga Espanyol sa Pilipinas. Bunsod ng COVID-19, ang pagdiriwang ay ilulunsad sa mga online platform pangunguna ng NCCA, KWF, at NBDB. Sa isang virtual press conference ng NCCA, binigyang-diin ni Arsenio J. Lizaso, pangulo ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at chairperson ng NCCA, ang kahalagahan ng panitikan sa ating kasaysayan. [2]

“Maihahambing ang yaman ng ating panitikan sa ilog na dumadaloy sa ating bayan, nagiiba ng anyo ngunit patuloy ang pagusad sa agos ng kasaysayan. Katulad ng dagat na naging daan ng mga banyaga sa atin. Ang ating panitikan ay siyang daluyan rin ng kultura at malikhaing katalinuhan ng ating lahi. Kaya naman ipinagdiriwang natin ang yamang ito sa temang Limandaang Taon ng Pagsulat sa Kalibutang Filipino,” ayon kay Lizaso.[2]

Ilan sa mga pampanitikan at kultural na programa para sa virtual na selebrasyon ay ang Araw ni Balagtas sa Orion, Bataan. Maglulunsad din ng mga online webinar ang KWF hinggil sa mga panitikang-bayan at kasaysayan tulad ng “Wikang Katutubo: Wika ng Dekolonisasyon” ni Dr. Alicia Magnos ng University of the Philippines Visayas; “Mulang Babaylan hanggang kay Darna at ang Di-Matapos-tapos na Pakikibaka ng mga Filipina” ni Dr. Raquel Buban ng De La Salle University (DLSU); “Kasaysayan: Batis ng Panitikan” ni Dr. Lhai Taylan ng DLSU; at “Pagsasalin mulang Wikang Katutubo Tungong Filipino bilang Kultural na Dekolonasisasyon at Pagsasa-Filipino ng Filipino” ni Dr. Leo Tejano. [2]

Samantala, maaaring bisitahin ang https://fil.wikipilipinas.org/view/P%C3%B3rtal:_Panitikang_Pilipino at ang https://fil.wikipilipinas.org/view/Category:Panitikang_Pilipino para makapagbasa ng mga artikulo kaugnay sa panitikang Pilipino.

Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 “Proclamation No. 968, s. 2015.” Official Gazette. https://www.officialgazette.gov.ph/2015/02/10/proclamation-no-968-s-2015/. Accessed 22 Marso 2021.
  2. 2.0 2.1 2.2 Shaun Alejandre Yap Uy. “NCCA lines up events for National Literature Month 2021.” Philippine News Agency, 29 Marso 2021. https://pia.gov.ph/news/articles/1070748. Accessed 29 Marso 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.