Pagpapatapon kay Jose Rizal sa Dapitan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Bumalik si Jose Rizal sa Pilipinas noong 1892. Dito niya binuo ang samahang La Liga Filipina. Isinusulong ng samahang ito ang pagkakaroon ng reporma sa pamamagitan ng legal na pamamaraan, ngunit ito'y binuwag ng gobernador.

Sa mga panahong iyon, tinuturing na si Rizal bilang kalaban ng estado ng pamahalaang Kastila dahil sa kaniyang mga nobela. Nasangkot si Rizal sa mga gawaing rebelyon at noong Hulyo 1892 ay pinatapon siya sa Dapitan sa probinsya ng Zamboanga. 

Habang nasa Dapitan ay nagtayo siya ng isang paaralan, ospital at isang sistema ng suplay ng tubig, at nagturo din ng pagsasaka.

Nagtayo si Rizal ng paaralan para sa mga batang lalaki. Sa paaralang ito, wikang Kastila ang ginagamit sa pagtuturo, at nagtuturo din ito ng Ingles bilang wikang banyaga. Ang layunin ng paaralang ito ay upang turuan ang mga mag-aaral ng pagiging maparaan sa buhay. Ang ilan sa mga mag-aaral ay naging matagumpay bilang mga magsasaka at tapat na opisyal ng pamahalaan. Isang Muslim ang naging datu, at isa pa, si Jose Aseniero, ay naging gobernador ng Zamboanga.

Nagkaroon ng misyon ang mga Heswita na pabalikin si Rizal mula sa Dapitan sa pamumuno ni Padre Sanchez, na dati niyang guro, ngunit nabigo sila. Muli itong tinangka ni Padre Pastelles, na kilalang bahagi ng Orden.

Naging tagapamagitan ang kaniyang matalik na kaibigang si Ferdinand Blumentritt sa kaniyang mga kaibigan sa Europa, at patuloy ang kaniyang pakikipagtalastasan sa kanila na siyang patuloy na nagpapadala ng mga liham na nakasulat sa mga wikang Olandes, Pranses, Aleman at Ingles na lumito sa mga sensura, kaya naantala ang kanilang mga pagpapadala.

Sa pananatili ni Rizal sa Dapitan sa loob ng apat na taon ay unti-unti ding umusbong ang Rebolusyong Pilipino na kinalaunan ay nagpahamak sa kaniya. Bagama't tutol siya sa himagsikan, ginawa siyang pandangal na pangulo ng mga kasapi ng Katipunan at ginamit din ang kaniyang pangalan bilang sigaw sa digmaan, pakikipag-isa at kalayaan.

Mga Sanggunian

Appendix II: Decree Banishing Rizal. Governor-General Eulogio Despujol, Manila, July 7, 1892. In Miscellaneous Correspondence of Dr. José Rizal / translated by Encarnacion Alzona. (Manila: National Historical Institute.)

"Rizalismo: Isang Sanaysay" Definitely Filipino.