Pagnanakaw sa Golden Buddha

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang pagnanakaw sa Golden Buddha ay isa sa mga insidenteng nangyari sa panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, kung saan kinuha ng mga militar ang isang ginintuang estatwa ni Buddha at iba pang mga kayamanan mula kay Rogelio "Roger" Domingo Roxas na isang dating sundalo na naging panday-kaban (locksmith) na siyang nakatuklas umano sa ginintuang estatwa at iba pang mga kayamanan sa isang lupain malapit sa Baguio General Hospital noong ika-24 ng Enero 1971. Ayon kay Roxas, natatanggal ang ulo ng estatwa at may mga nakatagong diyamante sa loob nito. Pinaniniwalaang bahagi ang kayamanang ito ng tinatawag na Yamashita treasure.

Ayon kay Roxas, may nakilala siyang isang lalaki na ang ama ay dating nagsilbi sa mga Hapon at gumuhit ng isang mapa kung saan umano matatagpuan ang Yamashita treasure. Dagdag pa niya, pinuntahan niya ang mga tunnel na ito kung saan niya nakita ang estatwa ni Buddha, kasama ng kahon-kahong bloke ng ginto. Iniuwi ito ni Roxas sa pag-asang maibebenta niya ang mga ito.

Noong ika-16 ng Abril 1971, ilang kalalakihang mula umano sa National Bureau of Investigation at Criminal Investigation Service ang dumalaw sa bahay ni Roxas at sapilitang kinuha ang ginintuang estatwa at ang natitirang mga bloke ng ginto, maging ang ibang mhga personal na gamit ng pamilya ni Roxas. Noong ika-19 ng Abril 1971, isang estatwa ang dinala sa Baguio City Court, ngunit ayon kay Roxas ay hindi ito ang estatwang kinuha sa kaniya. Inakusahan rin niya si Marcos na siyang nag-utos ng pagnanakaw sa estatwa. Noong ika-18 ng Mayo 1971, inaresto si Roxas sa Cabanatuan City at dumanas ng pagpapahirap at tortyur. Ilang beses pa siyang inaresto at tuluyan lamang nakalaya noong Nobyembre 1974.

Nang mapaalis sa puwesto si Marcos noong 1986, sinimulan ni Roxas ang pagsasampa ng kaso laban sa pamilya Marcos para maibalik sa kaniya ang mga gintong ninakaw mula sa kaniya. Noong Marso 1988, isang kaso ang isinampa ni Roxas laban s apamilyang Marcos sa Estados Unidos at noong 1996, iginawad kay Roxas ang $22 bilyong halaga ng danyos. Noong ika-17 ng Pebrero 1988, binaliktad ng Hawaii Supreme Court ang desisyon dahil hindi umano sapat ang ebidensiya sa kabuuang halaga ng gintong kinuha mula kay Roxas. Hanggang noong Abril 2019 ay hindi pa tapos ang usapin sa danyos kaugnay ng kasong ito.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.