Paglaban ng mga Pilipinong Muslim sa mga Espanyol
Nasakop nga ng mga Espanyol ang Luzon at Visayas, ngunit hindi ang Mindanao. Mula noong ika-16 hanggang ika-19 siglo, ang mga Moro o ang mga Pilipinong Muslim ay lumaban sa mga Espanyol na nagtangkang sakupin ang buong Mindanao.
Islam sa Mindanao
Ang mga Pilipinong Muslim ay binubuo ng iba’t ibang pangkat etniko. Bawat pangkat ay may kani-kaniyang paraan ng pamumuhay, kultura, at interpretasyon sa Islam. Gayunman, ang Islam ang isang mahalagang aspekto na nag-uugnay sa kanilang lahat.
Ayon sa Tarsila, sinaunang dokumento ng henealohiya ng Sulu, ang mga banyagang komunidad ng mga Muslim ay matagal nang namumuhay sa Bud Datu, Jolo mula pa noong ika-13 siglo. Isang banyagang nagngangalang Tuan Masha Ika o Tuan Masha’ika ang nagpakilala ng Islam sa mga mamamayan ng Jolo.
Noong 1380, isang misyonaryong Muslim na nagngangalang Karim ul’ Makhdum ang dumating sa Jolo. Higit na maraming tao sa Sulu at mga kalapit na lugar ang nahikayat niyang sumunod sa Islam. Sa pagtatapos ng ika-14 siglo, nakapagtatag si Raha Baguinda ng dinastiyang Muslim sa Jolo.
Sa kalagitnaan ng ika-15 siglo, dumating si Abu Bakr sa Jolo at pinakasalan ang anak ni Raha Baguinda. Itinatag niya ang sultanato ng Sulu. Ang Islam ay higit na pinatatag ng sultanato ni Abu Bakr sa Sulu at sa mga kalapit na lugar. At sa huling yugto ng ika-15 siglo, ipinakilala ni Shariff Mohammed Kabungsuwan ang Islam sa Mindanao at itinatag ang pamahalaang sultanato.
Digmaan Laban sa Espanya
Matapos masakop ang Luzon at Visayas (sa tulong ng mga Kristiyanong Pilipino), hinangad rin ng mga Espanyol na masakop ang Mindanao at gawing Kristiyano ang mga mamamayan nito, igiit ang kanilang pamahalaan, at pakinabangan ang mga likas na yaman ng rehiyon. Nilabanan ito ng mga Pilipinong Muslim mula 1578 hanggang 1898.
Ang paglaban ng mga Moro ay nagsimula noong 1578 nang magpadala si Gobernador Heneral Francisco de Sande ng hukbo upang sakupin ang Jolo. Nagulat ang hukbo sa puwersa at lakas ni Sultan Panguian at ng mga mandirigmang Tausug. Gayunman, nagawa pa rin ng mga Espanyol na sirain ang Jolo bago sila umalis. Dahil dito, nagdeklara si Sultan Panguian ng jihad, banal na pakikidigma ng mga Muslim, laban sa Spain. Ang pangyayaring ito ay nagpasimula sa 300-taong pakikidigma ng mga Pilipining Muslim laban sa mga Espanyol.
Noong 1596, sinubukan ng mga Espanyol na sakupin ang Cotabato, ngunit sila ay natalo ng mga mandirigmang Muslim. Nagpadala rin ang mga Espanyol ng mga ekspedisyong pangmilitar sa Mindanao at ang lahat ng ito ay nabigo rin na talunin ang mga Moro. Hindi lamang pinangalagaan ng mga Moro ang kanilang teritoryo, nilusob din nila ang mga bayan sa mga baybaying kontrolado ng mga Espanyol.
Nakaranas man ng ilang pagkatalo ang mga Pilipinong Muslim, patuloy pa rin silang lumaban at patuloy na pinangalagaan ang kanilang teritoryo. Sa kabuoan, nabigo ang mga Espanyol sa pagtatangkang pagsakop sa Mindanao.
Noong 1876, ang Sultan ng Sulu at ang mga Espanyol ay lumagda sa isang kasunduan kung saan kikilalanin ng Sultan ang kapangyarihan ng mga Espanyol kapalit ang taunang pensiyon para sa Sultan at sa mga tagapagmana nito. Gayunman, hindi pa rin nito napigil ang jihad na isinagawa ng ibang Moro.
Aral tungkol sa Kalayaan
Napanatili ng mga Pilipinong Muslim ang kanilang kalayaan, kultura, at tradisyon dahil hindi sila nagpalupig sa mga Espanyol. Imbes na magpakumbaba at tanggapin na lamang ang pagmamataas ng mga Espanyol, iba’t ibang pangkat ng mga Muslim sa ilalim ng Sultunato at Islam ang nagkaisa at nagtatag ng mga hukbo upang pangalagaan ang kanilang mga lupain at pananampalataya. Islam ang naging sentro upang ipaglaban ng mga Muslim ang kanilang kalayaan. Katunayan, nagulat ang mga Espanyol sa matibay na debosyon ng mga Moro sa Islam at kung gaano kaorganisado ang kanilang mga komunidad.
Ang paglaban para sa Islam at ang paglaban sa mga kaaway ay bahagi rin ng pagtuturo ng Islam. Dahil dito, ang paglaban ng mga Moro para sa kanilang buhay at para sa Islam ang nagpatibay ng kanilang pananampalataya sa loob ng maraming siglo.
Mga Sanggunian
- Deal Cruz, Nelia, Ruth Legaspi, and Evelina Villoria. Philippines: History and Government. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. 2005.
- Zaide, Gregorio. The Philippine History and Government. Manila: The Modern Book Company, 1978.
- Bara, Hannbal. “The History of the Muslim in the Philippines.” National Commission for Culture and the Arts, 30 April 2015. https://ncca.gov.ph/about-ncca-3/subcommissions/subcommission-on-cultural-communities-and-traditional-arts-sccta/central-cultural-communities/the-history-of-the-muslim-in-the-philippines. Accessed 20 Pebrero 2021.
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |