Pagkompleto sa Unang Sirkumnabegasyon

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Nang mamatay si Ferdinand Magellan sa Labanan sa Mactan noong Abril 1521, pinangunahan ng Espanyol at nabegador na si Juan Sebastian Elcano ang pagbabalik ng mga natiráng Europeo mula sa Armada de Mollucas, tawag sa limang eskuwadron na pinangunahan ni Magellan noong 1519 na layunin maghanap ng ruta patungong Spice Islands galing sa kanluran.

Armada de Moluccas

Pinangunahan ni Magellan ang Armada de Moluccas na may 270 kalalakihan. Bagama’t malaking pabor ang ibinigay ng Hari ng Espanya para kay Magellan, hindi pabor sa kaniya ang mga kasamahan sa misyong iyon. Ayon sa historyador na si Lincoln Paine, may hinanakit ang mga tripulanteng Espanyol dahil pinamumunuan sila ng isang Portuges.

Mula sa Sanlucar de Barrameda, Spain, pinangunahan ni Magellan ang Trinidad, punòng barko, at ang apat pang barko: San Antonio, Conception, Victoria, at Santiago. Ang kanilang paglalayag ay nagsimula noong 20 September 1519. Binaybay nila ang Karagatang Atlantiko papuntang Kanlurang Africa, pagkatapos ay sa katimugang baybayin ng Timog Amerika. Mula roon ay binaybay pa nila ang katimugan upang hanapin ang isang kipot.

Huminto ang eskuwadron sa Daungan ng San Julian (sa Santa Cruz, Argentina) kung saan nag-aklas ang ilan sa mga tripulante noong Linggo ng Pagkabuhay, 1520. Agad namang napigilan ni Magellan ang pag-aaklas na ito at pinaslang ang isang kapitan ng barko. Pinauna rin niyang maglayag ang Santiago ngunit nasira ito dahil sa malakas na bagyo. Sa kabutihang-palad, nailigtas ang mga tauhan nito at itinalaga sa iba pang barko. Dahil sa matitinding pagbagyo, nilisan nila ang Daungan ng San Julian makalipas lamang ang limang buwan.

Noong 21 Oktubre 1521, napasukan ng eskuwadron ni Magellan ang hinahanap niyang kipot, na kalaunan ay tatawaging Kipot ni Magellan. Naging mas masalimuot ang paglalayag na iyon, lalo pa’t wala nang tiwala kay Magellan ang ilan sa mga kasamahan nito. Napilit ng ilang tripulante ang kapitan ng San Antonio na sila ay umalis kaya ang barkong ito ay naglayag sa Karagatang Atlantiko pabalik sa Espanya.

Sa puntong iyon, tatlong barko na lamang ang natirá sa eskuwadron ni Magellan: ang Trinidad, Concepcion, at Victoria.[1][2]

Pagkamatay ni Magellan

Nang mamatay si Magellan sa Labanan sa Mactan, tinatayang 115 katao ang nakaligtas sakay ng tatlong barko. Tinangka nilang maglayag patungong Mollucas. Gayunman, dahil sa kakulangan ng tauhan at nasira pa ang Concepcion, ang Victoria at Trinidad na lamang ang matagumpay na nakarating sa Mollucas.

Halos anim na buwan ang tinagal ng paglalayag ng mga natiráng Europeo na sumunod lamang sa agos ng tubig sa Timog-silangang Asia, at pahinto-hinto sa mga isla ng Mindanao at Brunei para sa kanilang suplay at pamimirata. Nakarating ang dalawang barko sa Mollucas noong 5 Nobyembre 1521.

Samantala, sinikap pa rin ng grupo na makabalik sa Espanya. Sa kasamaang-palad, nabihag ng mga Portuges ang Trinidad. Sa huli, ang Victoria, na pinangunahan ng nabegador na si Juan Sebastian Elcano, ang matagumpay na nakabalik sa Seville, Spain noong Setyembre 1522 karga ang mga espesya. Kasama niya ang 17 Europeo mula sa orihinal na grupo, kabilang ang Italyanong iskolar at eksplorador na si Antonio Pigafetta. Nakasama rin sa pagbabalik na ito ang alipin ni Magellan na si Enrique ng Malacca.

Ang iningatang talaarawan ni Pigafetta ang nagsilbing pangunahing datos ukol sa kinahinatnat ng makasaysayang paglalayag ni Magellan.

Ang paghahangad ni Magellan na maikot ang mundo ay nagdulot ng malaking impluwensiya sa larangan ng ekspedisyon. Nagsilbi rin siyang simbolo ng pagtatagumpay matapos dumaan sa matitinding pagsubok. Inihalintulad din ng iba ang paglalayag ni Magellan sa mga hindi pa napupuntahang lawas ng katubigan sa unang pagtatangka na galugarin ang kalawakan.[3] [2]

Ang Nabegador na si Elcano

Kabilang si Elcano sa mga nag-aklas laban sa pamumuno ni Magellan dahil sa ayaw nitong ipakita sa kanila ang ruta ng kanilang dadaanan. Hindi siya kabilang sa mga pinatay na nag-aklas dahil sa husay nito sa nabegasyon.

Nang mamatay si Magellan at naalis bilang kapitan-heneral ng barko si Juan Lopez de Carvalho, si Elcano ang napiling maging kapitan ng Victoria papunta sa Mollucas.

Dahil na rin sa kanilang masalimuot na kalagayan, naging imposible na para sa kanila ang makabalik sa Espanya na ang ruta ay pabalik sa Karagatang Pasipiko at sa Kipot ni Magellan. Nagdesisyon si Elcano na dumaan sa baybayin ng Mexico ngunit nasira at nabihag ang Trinidad. Dahil dito kinailangan nilang dumaan sa teritoryong sakop ng mga Portuges. Sa kabila ng mga suliranin, nakompleto pa rin nila ang unang sirkumnabegasyon nang makabalik ang Victoria sa Seville, Spain noong 8 Setyembre 1522.

Bagama’t may mga utos ng Hari ng Espanya ang hindi na nasunod ni Elcano, nakapagbigay pa rin siya ng malaking karangalan sa hari. Dahil dito, ginawaran si Elcano ng coat of arms na may nakasulat na “Primus Circumdedisti Me” [maaaring salin: Ang unang nakalibot sa akin]. Binigyan din siya ng habambuhay na pensiyon na 500 ducat (gintong barya) kada taon, na hindi naman niya kinuha.

Namatay si Elcano noong Agosto 1526 habang naglalayag sa Karagatang Pasipiko.  [4]

Mga Sanggunian

  1. History.com Editors. “Magellan’s expedition circumnavigates globe.” A&E Television Networks, 21 Hulyo 2010. https://www.history.com/this-day-in-history/magellan-killed-in-the-philippines. Accessed 23 Pebrero 2021.
  2. 2.0 2.1 Erin Blakemore. “Magellan was first to sail around the world, right? Think again.” National Geographic, 19 Setyembre 2019. https://www.nationalgeographic.com/culture/2019/09/magellan-first-sail-around-world-think-again. Accessed 23 Pebrero 2021.
  3. History.com Editors. “Magellan’s expedition circumnavigates globe.” A&E Television Networks, 21 Hulyo 2010. https://www.history.com/this-day-in-history/magellan-killed-in-the-philippines. Accessed 23 Pebrero 2021.
  4. “Juan Sebastian Elcano.” Google Arts & Culture, https://artsandculture.google.com/story/juan-sebasti%C3%A1n-elcano-fundacion-elkano/zAUxC9qUHA2hGQ?hl=en. Accessed 23 Pebrero 2021.  

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.