Pag-ibig sa Tinubuang Lupa

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ay isang tulang isinulat ni Andres Bonifacio upang himukin ang mga Pilipinong maging makabayan at ipaglaban ang kanilang kalayaan. Itinuturing ito bilang pinakatanyag na tula ni Bonifacio na nailathala noong Marso 1896 sa unang isyu ng Kalayaan, opisyal na pahayagan ng Katipunan. Nakapangalan ang tula sa inisyal na “A. I. B.” na agad na mauunawaang kumakatawan sa “Agapito Bagumbayan,” ang sagisag-panulat ni Bonifacio. Kinikilala ang tulang ito bilang kauna-unahang akda sa katutubong wika na nagpapahayag ng pag-ibig sa bayan. [1]

Si Bonifacio ay higit na mahusay na mandirigma kaysa manunulat ngunit pinatunayan niya na kaya niyang gumawa ng tula para sa kaniyang minamahal na bayan.[2]

Ang tulang ito ay binubuo ng 28 taludtod at may sukat na lalabindalawahin. Tunghayan ito sa ibaba:

“Pag-ibig sa Tinubuang Lupa”

ni Andres Bonifacio


Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagkadalisay at pagkadakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin ang isip
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita't buhay na limbag at titik
ng isang katauhan ito'y namamasid.

Banal na pag-ibig pag ikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbit taong gubat, maralita’t mangmang
nagiging dakila at iginagalang.

Pagpuring lubos ang nagiging hangad
sa bayan ng taong may dangal na ingat,
umawit, tumula, kumatha't sumulat,
kalakhan din nila'y isinisiwalat.

Walang mahalagang hindi inihandog
ng pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, tiisa't pagod,
buhay ma'y abuting magkalagot-lagot.

Bakit? Ano itong sakdal nang laki,
na hinahandugan ng buong pag kasi,
na sa lalong mahal kapangyayari,
at ginugugulan ng buhay na iwi.

Ay! Ito'y ang Inang Bayang tinubuan,
siya'y ina't tangi na kinamulatan
ng kawili-wiling liwanang ng araw
na nagbibigay init sa lunong katawan.

Sa kanya’y utang ang unang pagtanggol
ng simoy ng hanging nagbigay lunas,
sa inis na puso na sisinghap-singhap,
sa balong malalim ng siphayo’t hirap.

Kalakip din nito'y pag-ibig sa Bayan,
ang lahat ng lalong sa gunita'y mahal,
mula sa masaya't gasong kasanggulan,
hanggang sa katawan ay mapasa-libingan.

Ang na nga kapanahon ng aliw,
ang inaasahang araw na darating
ng pagka-timawa ng mga alipin,
liban pa ba sa bayan tatanghalin?

At ang balang kahoy at ang balang sanga
na parang niya’t gubat na kaaya-aya
sukat ang makita’t sasa-ala-ala
ang ina’t ang giliw lampas sa saya.

Tubig niyang malinaw sa anak’y bulog
bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agos
na nakaka-aliw sa pusong may lungkot.

Sa kaba ng abang mawalay sa Bayan!
gunita ma'y laging sakbibi ng lumbay
walang ala-ala't inaasam-asam
kundi ang makita'ng lupang tinubuan.

Pati na’ng magdusa’t sampung kamatayan
waring masarap kung dahil sa Bayan
at lalong maghirap. O! himalang bagay,
lalong pag-irog pa ang kanya'y alay.

Kung ang bayang ito’y nasa panganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik,
ang anak, asawa, magulang, kapatid;
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Datapwa kung bayan ng ka-Tagalogan
ay nilalapastangan at niyuyurakan
katwiran, puri niya’t kamahalan
ng sama ng lilong ibang bayan.

Di gaano kaya ang paghinagpis
ng pusong Tagalog sa puring nalait
at aling kaluoban na lalong tahimik
ang di pupukawin sa paghihimagsik?

Saan magbubuhat ang paghihinay
sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
kung wala ring ibang kasasadlakan
kundi ang lugami sa ka-alipinan?

Kung ang pagka-baon niya’t pagka-busabos
sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
supil ng pang-hampas tanikalang gapos
at luha na lamang ang pinaa-agos

Sa kanyang anyo’y sino ang tutunghay
na di-aakayin sa gawang magdamdam
pusong naglilipak sa pagka-sukaban
na hindi gumagalang dugo at buhay.

Mangyari kayang ito’y masulyap
ng mga Tagalog at hindi lumingap
sa naghihingalong Inang nasa yapak
ng kasuklam-suklam na Castilang hamak.

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog,
nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
bayan ay inaapi, bakit di kumikilos?
at natitilihang ito’y mapanuod.

Hayo na nga kayo, kayong ngang buhay
sa pag-asang lubos na kaginhawahan
at walang tinamo kundi kapaitan,
hayo nga't ibigin ang naabang bayan.

Kayong antayan na sa kapapasakit
ng dakilang hangad sa batis ng dibdib
muling pabalungit tunay na pag-ibig
kusang ibulalas sa bayang piniit.

Kayong nalagasan ng bunga't bulaklak
kahoy niyaring buhay na nilant sukat,
ng bala-balakit makapal na hirap,
muling manariwa't sa baya'y lumiyag.

Kayong mga pusong kusang (pugal)
ng dagat at bagsik ng ganid na asal,
ngayon magbangon’t baya’y itanghal
agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging (lasap)
kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas
sapagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig
hanggang sa mga dugo'y ubusang itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay (mailit)
ito’y kapalaran at tunay na langit.[1]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 Malacanan Palace Presidential Museum & Library. n.d. Andres Bonifacio's “Pag-Ibig sa Tinubuang Lupa.” http://malacanang.gov.ph/7050-andres-bonifacios-pag-ibig-sa-tinubuang-lupa/. Accessed 08 Hunyo 2021.
  2. Landia,Carlo, The Heritage. Banog Journals 1999.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.