Pag-aalsa sa Cavite

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Pag-aalsa sa Cavite (Cavite Mutiny) na naganap noong 1872 ay tumutukoy sa pag-aalsa ng humigit-kumulang sa 200 Pilipinong kawal at manggagawa ng Fort San Felipe sa Cavite. Nais ipahayag ng mga manggagawa at kawal ang kanilang mga hinaing at pagtutol sa pagbabayad ng tributo at sapilitang pagtatrabaho (polo y servicio). Ang pag-aalsa ay hindi naging matagumpay at ang mga nakilahok dito ay agad na hinatulan ng kamatayan ng pamahalaang Espanyol. Ang nangyaring pag-aalsa ay isa sa mga pangyayaring pumukaw sa damdaming makabayan ng mga Pilipino noong panahon ng pananakop ng Espanyol sa Pilipinas.

Mga Dahilan ng Pag-aalsa

Ayon sa mga Espanyol

Ayon kay Jose Montero y Vidal na isang mananalaysay, ang pag-aalsa sa Cavite ay isang pagtatangka na pabagsakin ang pamahalaang Espanyol at palayain ang mga Pilipino sa kamay ng mga mapang-abusong mananakop. Ayon rin sa mga Espanyol na nakasaksi sa pag-aalsa, kaparehas din ng pahayag ni Gobernador-Heneral Rafael Izquidero y Gutierrez na siyang namuno sa Pilipinas noong taong iyon, ang pag-aalsa ay pinamunuan umano ng mga Pilipinong pari na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora o mas kilala sa pinaikling pangalan na “Gomburza.”

Ayon pa kay Jose Montero y Vidal, ang pag-aaklas sa Cavite ay bunga ng hindi makatarungang pagpapataw ni Gobernador-Heneral Rafael de Izquirdo ng personal na buwis sa mga manggagawa at kawal, na dati naman ay hindi sila saklaw. Nais ng mga manggagawa sa arsenal na maibalik ang mga pribilehiyong ito sa kanila.  

Bukod sa nasabing dahilan, nais din ng mga Pilipino na lumaya sa pamumuno ng mga Espanyol dahil na rin sa impluwensiya ng mga sumisikat na idea ng demokrasiya at ang tahasang pangaabuso ng mga namumunong Espanyol sa Pilipinas.

Ayon kay Gobernador-Heneral Rafael Izquidero y Gutierrez

Ayon sa gobernador-heneral, ang pag-aalsa ay bunga ng pagpaplano ng grupong binubuo ng mga natibong Pilipinong pari, mga mestizo, at mga abogado upang labanan ang mga pang-aabuso at kawalan ng katarungan na nararanasan ng mga Pilipino sa ilalim ng rehimeng Espanyol. Naniniwala rin ang gobernador-heneral na nais ng mga rebeldeng ihayag si Jose Burgos o Jacinto Zamora bilang pinuno ng bagong gobyernong kanilang itatayo matapos kumawala sa pananakop ng Espanya.

Ayon kay Trinidad Pardo de Tavera

Ayon kay Trinidad Pardo de Tavera, ang pag-aaklas ay isang simpleng pagpapahayag lamang ng kagustuhan ng mga Pilipino na magkaroon ng sapat na kagamitan at pagnanais na mapabuti ang edukasyon sa Pilipinas, na hindi nito intensiyong tumiwalag sa Espanya. Ngunit sa pagkabahala ng mga prayleng Espanyol  na ang kanilang pamumuno at mga pribilehiyong tinatamasa ay maapektuhan ng planong pag-aalsa, iniulat nila ito sa pamahalaan bilang isang malaking pag-aalsa na nagnanais pabagsakin ang pamahalaang Espanyol sa Pilipinas. Hindi na nagsagawa ng pag-iimbestiga ang pamahalaan at agad na dinakip ang mga utak ng pag-aalsa.

Ayon kay Edmund Plauchut

Ayon kay Edmund Plauchut, isang mananalaysay na Pranses, ang ugat umano  ng pag-aalsa ay ang pangingikil ng gobernador-heneral ng personal na buwis mula sa mga manggagawang Pilipino sa arsenal at pamimilit sa kanilang magtrabaho. Bago nangyari ito ay walang binabayarang tributo at hindi kasama sa sapilitang paggawa ang mga manggagawa sa arsenal.

Ang Enero 20, araw ng pag-aalsa, ay siya ring araw ng suweldo ng mga manggagagawa. Nang malaman nilang ibinawas sa kanilang mga suweldo ang karagdagang buwis at kapalit na bayad sa hindi pagsali sa sapilitang paggawa, sila ay nag-alsa. Inakala nilang sila ay magwawagi sa kanilang pag-aalsa ngunit hindi umanib sa kanila ang ibang mga manggagawa sa gitna ng kaguluhan kahit na ang usapan nila ay magsasama-sama sila.

Utak sa Pag-aalsa

Sa pamumuno nina Fernando La Madrid, isang mestisong kawal, kasama si Jaerel Brent Senior, isang morenong kawal, sinugod at sinakop nila ang Fort San Felipe at pinatay ang labing-isang opisyal na Espanyol.

Inakala nilang aanib sa kanila ang mga Pilipinong kawal dahil may nasaksihan silang pagpapaputok sa labas ng arsenal noong nakaraang gabi na isang senyales na aanib sa kanila ang mga kawal ngunit ang pagpapaputok pala ay kaugnay ng selebrasyon ng Our Lady of Loreto, ang patron ng Sampaloc. Ayon sa kanilang plano, gagawa sila ng destruksiyon  sa mga kawal na Espanyol na  nagbabantay sa Maynila sa pamamagitan ng isang sunog sa Tondo habang inuukupa ng mga Pilipinong kawal ang Fort Santiago. Ang destruksiyon  na kanilang binalak para sa Cavite ay mga paputok upang mawala ang atensiyon ng mga kawal na Espanyol na  nagbabantay sa arsenal sa Cavite.

Ang kanilang planong paglusob sa Fort Santiago ay natimbog at hindi nagtagumpay samantalang ang paglusob sa Fort San Felipe naman ay mabilis na napuksa ni Gobernador-Heneral Rafael Izquidero y Gutierrez.

Pag-aresto sa mga Lumahok sa Pag-aalsa

Matapos ang pag-aaklas, ang mga lumahok na kawal na mga mestizo at Espanyol ay inaresto. Ang iba ay ipinatapon sa Mindanao habang ang mga direktang sumuporta naman sa mga kawal at manggagawa ay inaresto rin. Ang tatlong pari o ang Gomburza na itinuring na utak ng pag-aaklas ay hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng garote habang ang apatnapu’t isang kawal na kasama sa pag-aaklas ay hinatulan din ng kamatayan ni Gobernador-Heneral Rafael Izquidero y Gutierrez. Bukod sa apatnapu’t isang kawal, anim na kasangkot pa sa pag-aaklas ang nahuli kinalaunan at hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong.

Pagpatay sa Gomburza

Ang tatlong Pilipinong pari ay pinaratangan na utak ng Pag-aalsa sa Cavite noong 1872 kung saan humigit-kumulang sa 200 Pilipinong manggagawa at kawal sa arsenal sa Cavite ang nag-alsa upang ipaglaban ang hindi nila pagsang-ayon sa pagbabayad ng tributo at ang sapilitang pagtatrabaho.

Dahil sa umano’y pagkakasangkot ng tatlong pari  sa Pag-aalsa sa Cavite, ang Gomburza ay inaresto at nilitis sa napakaikling panahon. Sila ay napatunayang nagtaksil laban sa pamahalaang Espanyol at ikinulong kasama ang iba pang rebolusyonaryong sina Joaquin Pardo de Tavera at Maximo Paterno.

Matapos mapatunayang ang tatlong pari ay nagtaksil laban sa pamumuno ng mga Espanyol, sila ay hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng garote. Nang marinig nila ang hatol, naiulat na ang tatlong pari ay umiyak at naging balisa. Ang Gomburza ay binitay sa harap ng halos apat na libong Pilipino noong kinaumagahan ng 17 Pebrero 1872 sa Bagumbayan.

Mga Sanggunian

  • The martyrdom of GomBurZa | Presidential Museum and Library. Hinango noong 4 Enero 2021
  • Umali, Justin. 2020. How the Death of Gomburza Led to a Wholly Filipino Church.Hinango noong 4 Enero 2021.
  • Cavite Mutiny. Britannica Encyclopedia. Hinango noong 4 Enero 2021.
  • Phillip Y. Kimpo Jr. “Gomburza,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. (pdf)
  • Phillip Y. Kimpo Jr. “Pag-aalsa sa Cavite,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. (pdf)
  • Piedad-Pugay. 2012. The Two Faces of the 1872 Cavite Mutiny. Hinango noong 5 Enero 2021.Template:Wikipilipinas Contents

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.