Pag-aalsa ni Hermano Pule (1840-1841)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ito ay pag-aalsa upang makamit ang kalayaang panrelihiyon noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas.

Personal na Buhay

Si Apolinario dela Cruz, higit na kilala bilang Hermano Pule, ay ipinanganak sa Lucban, Tayabas (ngayon ay lalawigan ng Quezon) noong ika-22 ng Hulyo 1815. Bata pa lamang siya ay pangarap na niyang maging isang pari.

Nagtungo siya sa Maynila noong 1830 upang maging pari ngunit hindi siya natanggap dahil siya ay isang indio. Upang kumita ng pera para sa kaniyang pang-araw-araw na pangagailangan habang nasa Maynila, namasukan siya bilang utusan sa Ospital ng San Juan de Dios. Habang nagtatrabaho, nangibabaw pa rin ang pagmamahal niya sa teolohiya. Sumali siya sa Cofradia de San Juan de Dios, isang kapatiran na sangay ng ospital na kaniyang pinagtatrabahuhan. Siya ay naging lay preacher at nahasa ang kaniyang kasanayan sa pagsasalita sa publiko.

Pag-aalsa

Itinatag ni Pule ang Cofradia de San Jose noong 1940. Dumami ang mga kasapi ng kapatiran kaya kinailangan nilang humingi ng permiso sa pamahalaan ng Espanya at simbahan. Ngunit hindi napagbigyan ang kanilang hiling. Nagpadala si Pule ng petisyon sa Audencia Manila ngunit nabigo rin siyang makakuha ng permiso. Sa kabila nito, ipinagpatuloy niya ang samahang panrelihiyon. Nang malaman ito ng mga pari, pinaratangan nila si Pule na nagpapalaganap ng ibang paniniwala at nagbigay ng rekomendasyon na ipagbawal ang kanilang mga ginagawa. Ipinaaresto ng gobernadorcillo ang lahat ng miyembro nito noong ika-19 ng Oktubre 1940.

Dahil sa mga kaganapan, nagpadala ng ulat si Pule sa Arsobispo Seguo sa Maynila. Nagalit siya sa nalamang aksiyon ng mga pari. Noong ika-29 ng Enero 1841, ipinasa ang sulat ni Pule sa Obispo ng Nueva Caceres na inendorso naman sa bikaryo at kura paroko ng Lucban. Tinanggihan nila ang petisyon ni Pule at kinondena ang kaniyang mga ginagawa. Nang malaman ni Gobernador Heneral Marcelino de Oraa y Lecumberri ang mga akusasyon ng mga pari, iniutos niya ang pag-aresto sa lahat ng kasapi sa Cofradia. Naisip ni Pule na maaaring atakihin sila kaya pinaghanda niya ang 4,000 tao na armado ng mga bolo at anting-anting.

Nagpadala ang alkalde ng Tayabas ng 300 militar upang lusubin ang kampo ni Pule. Nag-alok ng amnestiya ang pamahalaan sa kapatiran ngunit mariin nila itong tinaggihan. Dahil dito, sinugod nila ang kampo ni Pule subalit sila ay natalo dahil armado ang mga ito.

Nang malaman ni Gobernador Heneral Oraa ang pagkatalo ng mga sundalo, inutusan niya si Lt. Col. Joaquin Huet na magsimula ng bagong labanan upang matalo sina Pule. Tinanggihan ng mga kasamahan ni Pule ang alok na amnestiya sa kanila kaya nagkaroon muli ng labanan. Nagwagi ang mga sundalong Espanyol noong ika-1 Nobyembre 1841. Pinugutan siya ng ulo noong ika-4 ng Nobyembre 1841. Nasentensiyahan din ng kamatayan ang iba pa niyang kasamahan na sina Dionisio de los Reyes, Francisco Espinosa de la Cruz, at Gregorio Miguel de Jesus.

Sanggunian

  • Palafox, Queenie. [https://nhcp.gov.ph/193rd-birth-anniversary-of-apolinario-dela-cruz/. “193rd Birth Anniversary of Apolinario Dela Cruz.”] National Historical Commission of the Philippines (NHCP). Accessed on January 18, 2021.
  • Duka, Cecilio. “Struggle for Freedom: A Textbook on Philippine History.” Sampaloc Manila: Rex Book Store, Inc. 2008.
  • Halili, Maria Christine. “Philippine History.” Sampaloc Manila: Rex Book Store, Inc. 2004.
  • Ongsotto, Rebecca, and Reena Ongsotto.“Philippine History Module-based Learning.” Sampaloc Manila: Rex Book Store, Inc. 2002.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.