Pag-aalsa ni Andres Malong

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang pag-aalsa ni Andres Malong ay isa sa kauna-unahang insureksiyon sa Pilipinas laban sa mga Espanyol. Pinangunahan ito ni Andres Malong pagkatapos niyang mabalitaan ang paghihimagsik sa Pampanga. Ang pag-aalsa ay tumagal lamang ng dalawang buwan.

Mga Pangyayari Bago ang Pag-aalsa

Isa ang Pangasinan sa unang lalawigan na narating at sinakop ng mga Espanyol. May mga rekord na nagsasabing si Miguel Lopez de Legazpi ang sumakop sa buong isla ng Luzon, ngunit mayroong mga tala na itinuturo si Martin de Goiti bilang pinakaunang nakarating sa Pangasinan. Ayon naman sa ibang sulat, ang apo ni Miguel Lopez de Legazpi na si Juan de Salcedo ang sumakop sa lalawigan. Siya ang unang Espanyol na naglaan ng pinakamalaking panahon sa pagpapalawak ng imperyo ng Espanya sa lalawigan. Binaybay niya ang daan sa Zambales hanggang kaniyang marating ang Cape Bolinao. Nakuha niya ang tiwala ng mga residente nang iligtas niya ang mga ito mula sa kalakalan ng mga alipin na talamak noong panahong iyon.

Noong ika-5 ng Abril 1572, opisyal na pinamahalaan ng mga Espanyol ang Pangasinan. Ang mga bayan ng Lingayen, Dagupan, Sunguian, at San Carlos ay isinailalim sa enkomiyenda kung saan puwersahang pinagtatrabaho ang mga tao at pinagbabayad. Lubos na naghirap ang mga Pilipino at tinanggalan din sila ng karapatan dahil sa kanilang antas sa lipunan. Dahil dito, marami sa kanila ang sumali sa mga pag-aalsa upang mapabagsak ang pamahalaang Espanyol.[1][2]

Kasaysayan ng Pag-aalsa

Noong 1600, sunod-sunod ang mga pag-aalsa dahil sa pangmamaltrato at pang-aabuso ng mga Espanyol. Noong Oktubre ng parehong taon, higit sa 300 katao mula sa Bulacan at Pampanga ang huminto sa pagtatrabaho. Nagsimula sila ng sunod-sunod na paghihimagsik na ginaya ng mga nasa karatig-lalawigan.

Noong ika-15 ng Disyembre 1660, hinimok ni Malong ang mga residente ng Pangasinan na ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kalayaan. Marami ang sumali sa rebolusyon. Maraming Espanyol ang namatay, kabilang na ang alkalde. Ayon sa ilang ulat, nakaligtas ang mga paring Espanyol sa labanan dahil iniutos ni Malong na huwag silang saktan. Dahil sa kanilang pagtatagumpay, iprinoklama ni Malong ang kaniyang sarili bilang bagong pinuno ng lalawigan. Nagtalaga siya ng mga opisyal at pinamunuan ang militar. Si Pedro Gumapos ang itinalaga niyang mamuno sa Ilocos at Cagayan. Si Melchor de Vera ang namuno sa Pampanga. Nagpadala rin si Malong ng mga militar sa mga karatig-lalawigan―6,000 sa Pampanga at 3,000 sa Ilocos at Cagayan. Kaunti na lamang ang naiwang kasama niya sa Binalatongan. Natalo sila nang sumugod ang mga Espanyol. Nahuli si Malong noong ika-6 ng Pebrero 1661 at pinatay.[3][4]

Kaparusahan at Kamatayan

Hindi naging matagumpay ang pag-aalsa dahil nakipagkasundo sa pamahalaang Espanyol sina Francisco Maniago at Juan Macapagal, na may hawak ng mahahalagang posisyon sa Pampanga. Tinulungan nila ang pamahalaan na supilin ang rebelyon sa Pangasinan. Pagkaraan ng dalawang buwan, inilitis ang mga sumali sa pag-aalsa at napatunayang nagkasala.

Namatay si Malong mula sa sunod-sunod na tama ng baril mula sa firing squad. Ayon sa ilang rekord, siya ay pinugutan ng ulo at ang kaniyang katawan ay nilagyan ng sulat na siya ay taksil sa Panginoon, sa hari ng Espanya, at sa batas upang magsilbing babala sa mga nais kalabanin ang pamahalaan. Pinatay din ang iba pang mga pinuno ng pag-aalsa tulad nina Melchor de Vera, Francisco de Pacadua, jacinto Macasiag, at 14 pa nilang kasamahan. Ang iba ay labis na pinahirapan bago tuluyang pinatay sa pamamagitan ng baril, bitay, o latigo. Ang mga natira na hindi pinatay ay ginawing ibinilanggo at puwersahang pinagtrabaho.

Sanggunian

  1. Salinas, Elnora. "Rediscovering the Past (1571-1807) History of Villasis." Bayan ng Villasis Website, http://www.villasis.gov.ph/about-us/rediscovering-the-past-1571-1807-history-of-villasis/. Accessed on 3 February 2021.
  2. "History of the Province."  Pangasinan Official Website, https://www.pangasinan.gov.ph/the-province/history/. Accessed on 3 February 2021.
  3. Halili, Maria Christine. Philippine History. Sampaloc Manila: Rex Book Store, Inc. 2004.
  4. Duka, Cecilio. Struggle for Freedom: A Textbook on Philippine History. Sampaloc Manila: Rex Book Store, Inc. 2008.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.