Padre Damaso

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Padre Damaso Verdolagas o mas kilala sa tawag na Padre Damaso ay isa sa mga prominenteng tauhan sa nobelang Noli Me Tangere ni Jose Rizal. Siya ang biyolohikal na ama ni Maria Clara, ang kasintahan ng pangunahing tauhan ng nobela na si Crisostomo Ibarra. Nabuntis niya ang ina ni Maria Clara na si Doña Pia Alba nang lingid sa kaalaman ng lahat.

Sa nobela

Si Padre Damaso ay isang Pransiskanong prayle na nanilbihan bilang kura paruko sa bayan ng San Diego. Matapos manilbihan sa loob ng dalawampung taon sa San Diego, siya'y inilipat sa ibang bayan at pinalitan ni Padre Salvi. [1]

Sa nobela, siya ay inilalarawan bilang kaaway ni Don Rafael Ibarra, ang ama ni Crisostomo Ibarra. Inakusahan niya si Don Rafael bilang isang erehe dahil iba ang pananaw ng huli sa relihiyon at sa Diyos. Dahil dito, natiwalag ang matandang Ibarra mula sa simbahang Katolika,nakulong, at nang namatay kulungan, ipinag-utos ni Padre Damaso na ilipat ang bangkay ni Don Rafael na nakalibing sa himlayan ng mga Katoliko patungo sa libingan ng mga Tsino. Gayunpaman, itinapon ng kanyang mga inutusan ang bangkay sa ilog.

Dahil sa hidwaang iyon ni Padre Damaso at Don Rafael, nagpakita rin ang prayle ng pagsalungat kay Crisostomo Ibarra sa pamamagitan ng madalas nitong paglibak sa binata. Sa isang piging sa bahay ni Kapitan Tiago, hindi nakapagpigil si Ibarra sa makating dila ng prayle kung kaya't pisikal niya itong inatake. Ito rin ang naging dahilan ng pagkatiwalag ng binata mula sa simbahan ngunit napatawad rin ito ng Gobernador Heneral. Dahil din dito, hinikayat ni Padre Damaso ang anak na si Maria Clara na huwag pakasalan si Ibarra at sa halip ay pakasalan ang Kastilang si Linares. Tumanggi ang dalaga at mas pinili ang pagiging monghe.

Sa wakas ng nobela, nailipat si Padre Damaso sa Tanawan, Batangas upang magsilbi bilang kura paruko at nang sumunod na araw, natagpuan na lamang siyang patay.

Simbolismo

Sa kasalukuyang panahon, iba-iba ang naging simbolismo ni Padre Damaso ayon sa iba't ibang pananaw ng mga historyador. Karaniwang isinasalarawan si Padre Damaso bilang ang kontrabida ng nobela dahil sa kanyang madalas pagsalungat sa bidang si Ibarra, kasama na rito ang mga negatibong katangiang iniuugnay sa kanya.

Taliwas naman ito sa historyador na si Ambeth Ocampo. Ayon sa kanyang artikulong “Damaso: Fact and Fiction” na lumabas sa pahayagang Philippine Daily Inquirer, ang tunay na kontrabida ay si Padre Salvi na siyang may lihim na pagnanasa kay Maria Clara at nagbalak ng planong kamuntikan nang ikamatay ni Ibarra. Idinagdag din niya na ang nais lamang ni Padre Damaso ay protektahan ang kanyang anak na si Maria Clara. Hindi rin daw ginahasa ni Padre Damaso si Doña Pia sa halip ay naghanap lamang ang huli ng kalinga. [2]

Ayon naman kay John Nery, si Damaso ang tunay na kontrabida at ito ay malinaw sa teksto ng Noli Me Tangere. Ayon sa kanya, si Damaso ay simbolo ng mga mapanira at walang-awang mga prayle noong panahon ng Kastila.[3]

Sa isang misa sa Manila Cathedral, sa Intramuros noong ika-1 ng Oktubre, 2010, nagprotesta si Carlos Celdran, kilala bilang isang tour guide sa Intramuros at isang tagapagsulong ng Reproductive Health Bill o mas kilala sa tawag na RH Bill, sa kalagitnaan ng sermon ng Arsobispo Edward Joseph Adams. Nasa misa rin si Arsobispo Gaudencio Cardinal Rosales, Alkalde Alfredo Lim, at iba pang mga opisyal ng gobyerno. Gamit ang plakard na may nakasulat na DAMASO, inihayag niya ang kanyang matinding pagtutol sa pakikialam ng simbahan sa pulitika hinggil sa kontrobersiyal na batas na ito. [4]

Panlabas na Kawing

Sanggunian

  1. Jose Rizal, Noli me Tangere, isinatagalog ni Pedro Gatmaitan (Manila: P.Sayo Bookstore, 1948),p.10.hinango noong: 3 Hunyo 2011
  2. Damaso: Fact and Fiction ni Ambeth Ocampo. hinango noong: 3 Hunyo 2011
  3. The Rape of Pia Alba ni John Nery. binisita noong: 3 Hunyo 2011
  4. Carlos Celdran walks free after family posts P6,000 bail ni Carmela G. Lapeña, GMANews.tv. binisita noong: 6 Hunyo 2011



Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.