Pabula

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Tinatawag na pabula ang mga kuwentong-bayan na nagsasalaysay ng mga payak na karanasan na ang mga mga tauhan ay hayop na kumikilos, nag-iisip, at nagsasalita na tila mga tao. Itinuturing din ang pabula bilang kuwentong pambata dahil ito ay may payak na banghay, maikli, at may mensaheng mauunawaan ng bata.

Bakit Hayop?

Isang mahalagang tanong tungkol sa pabula ay kung bakit hayop ang gumaganap dito at hindi tao. Una, ang mga tao, higit ang mga bata, ay madaling matuwa sa mga hayop. Pangalawa, dahil sa layunin ng pabula ang magbigay-aral sa mambabasa, ipinakikita nito ang mga maling kaugaliang dapat na maitama. Saan pa nga naman kukuha ng inspirasyon ang isang tagapagkuwento kundi sa kaniyang mga nasaksihan o nararanasan. Upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga taong pinatutungkulan o ginagamit na inspirasyon ng tagapagkuwento, kailangang itago ang kanilang pagkakakilanlan. Dahil dito, isang magandang pamamaraan ang paggamit ng ibang nilalang upang kumatawan sa taong pinatutungkulan o sa maling ugaling dapat iwasto.

Dalawang hayop ang malimit na gawing tauhan sa isang pabula upang maipakita ang dalawang magkasalungat na katangian. Ang isa ay may mabuti at positibong pananaw sa buhay. Ang isa naman ay may hindi magandang pag-uugali. Malimit na ipinaghahambing ang dalawa upang maipakita sa mga mambabasa o tagapakinig kung sino ang marapat nilang tularan.

Ilan sa mga popular na tauhan sa pabula ay ang tusong matsing, matalinong pagong, masipag na langgam, at tamad na tipaklong.

Pabula sa Paglipas ng Panahon

Isa ang pabula sa mga kuwentong umusbong bago pa dumating ang mga mananakop sa bansa. Maliban sa ginawa itong libangan ng mga katutubo noon, nagsilbi rin itong tagapagturo ng iba’t ibang aral sa mga tagapakinig. Ginagamit ang pabula upang mapalawak at mapalalim ang kaalaman ng mga nais matuto. Dahil dito, marami sa mga pabula na noon ay kabilang sa pasalitang tradisyon ay tinipon at ang ilan ay nailathala o itinatanghal sa makabagong paraan, tulad ng pagsasadula o paggawa ng animasyon.

Isa sa mga popular na pabula sa buong mundo ay ang Mga Pabula ni Aesop na unang lumaganap noong 550 BC.

Noon 1885, nakagawa si Jose Rizal ng aklat pambata na “Ang Pagong at ang Matsing” ngunit ito ay nakasulat sa Spanish. Nilakipan niya ito ng mga ilustrasyon. Ang bersiyon nito sa English ay nailathala naman sa London noong 1889. May katulad din itong pabula sa Japan na matsing at alimango ang mga tauhan.

Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, may mga antropologong nagsaliksik ukol sa mga kuwentong-bayan sa Pilipinas. Isa na rito si Mabel Cook Cale na naitala ang ukol sa isang pabula ng mga Tinggian sa kabundukan ng Abra. Ang pabulang ito ay pinamagatang “Si Pagong at si Bubuli,” na may pagkakahawig din sa pabula ni Rizal.

Mga Sanggunian

  • Virgilio S. Almario, “Saliksik Amerikano,” Panitikang Pambata sa Filipinas (Pasig City: Anvil Publishing Inc., 2010), mp.87–91.
  • Galileo S. Zafra. “Pagong at Matsing.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  • Kriscell L. Labor, ed Virgilio S. Almario. “Pabula.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.