Pablo Amorsolo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Template:Infobox person/Wikidata

Si Pablo Cueto Amorsolo (26 Hunyo 1898 – 21 Pebrero 1945) ay isa sa mga kinikilalang alagad ng sining sa pagpipinta sa Pilipinas. Kapatid siya ng isa pa ring bantog na pintor na si Fernando Amorsolo.[1][2][3][4]

Talambuhay

Isinilang siya sa Daet, Camarines Norte sa mag-asawang Pedro Amorsolo at Bonifacia Cueto. Nang nasa edad na walong taon pa lamang, lumipat ang kaniyang mag-anak sa Maynila.[1]

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging tagapagtangkilik si Amorsolo ng Greater East Asia Co Prosperity Sphere, at naglingkod siya bilang isang kolonel ng Kempetai ng Imperyo ng Hapon. Nang maging matagumpay ang pagbabalik ng mga kawal na Amerikano sa mga pampang ng Pilipinas, nahuli si Amorsolo ng mga hukbong Pilipino.[1]

Nahatulan siya at namatay sa pamamagitan ng pagbaril ng mga gerilya. Pumanaw siya sa ganitong paraan habang nasa Antipolo, Rizal.[1]

Edukasyon

Nakapagsanay siya sa larangan ng pagpipinta sa ilalim ng tiyong dalubhasa sa pagpipinta na si Fabian de la Rosa. Matapos ang elementarya, nag-aral siya sa Liseo ng Maynila. Nakapagtapos din siya mula sa Paaralan ng Pinong Sining ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1924.[1][3]

Matapos ang dalawang ng pagkakatala bilang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas, nahirang siya bilang katulong na guro ng pagkapintor. Nagturo siya hanggang sa sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.[1]

Larangan ng pagpipinta

Tagahanga at tagapagtangkilik si Amorsolo ng mga sining na makauna (klasiko) at maging ng mga makabago (moderno). Noong mga dekada ng 1930, marami siyang naiguhit at naipintang larawang pang-editoryal para sa mga magasing katulad ng Graphic, Tribune, La Vanguardia, Herald, at Manila Times. Isa siya sa naging sanhi ng pag-angat ng kasiningang may paksa at anyo (genre art) sa Pilipinas, sapagkat humabi siya ng malawakan at iba’t ibang uri ng mga mga larawan na nagpapakita ng mga pangyayaring katutubo at panlipunan. Bihasa at kilala rin siya bilang isang mahalagang pintor ng mga dibuho ng mga tao, na sinasabing nakapagbibigay-buhay sa mga paksang indibidwal. Nagpinta siya ng mga tao na nagmula sa sari-saring antas ng lipunan at maging mula sa iba’t ibang edad, kung saan naipakita niya ang kaniyang pagkakaunawa sa mga katangian at personalidad ng mga pinili niyang paksang tao. Kumatha rin siya ng mga obra na naglalarawan ng mga paksang may tuwirang kaugnayan sa kasaysayan ng Pilipinas. Halimbawa ng mga ito ang mga malalaking larawan tungkol kay Magallanes at sa mga katutubong Pilipino, ang Magellan and the Natives; isa pang halimbawa ang The Discovery of the Philippines (Ang Pagkakatuklas sa Pilipinas) na ipininta niya noong 1944.[1]

Sa kasawiang-palad, karamihan sa mga akdang larawan ni Amorsolo ang natupok sa isang sunog na naganap noong 1945.[1]

Mga gawa

  • Si Fernando Magallanes at ang Mga Katutubo (Ferdinand Magellan and Natives)
  • Piro, langis sa kanbas, 183 x 138 mm, 1930[5]
  • Ang Pagkakatuklas sa Pilipinas (The Discovery of the Philippines), 1945

Mga sanggunian

Mga kawing na panlabas

Pagkilala

Wikipedia.png Hinango sa Wikipedia ang nilalaman ng pahinang ito na nagmula sa Pablo Amorsolo. Ang talaan ng mga may-akda ay makikita sa pahina-kasaysayan. Kahalintulad ng Wikipedia, binibigyang-pahintulot ng WikiFilipino ang muling paggamit at pakikinabang sa mga nilalaman nito sa ilalim ng GNU Free Documentation License. Basahin ang kumpletong pagtatanggi/pagtatatwa.