Paaralang Gabaldon

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Gusaling Gabaldon sa San Rafael Central Elementary School sa Bulacan

Ang Paaralang Gabaldon ay tumutukoy sa mga gusaling pampaaralan na itinayo sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa bansa. Isa itong disenyo ng paaralan na ipinangalan kay Assemblyman Isauro Gabaldon ng Nueva Ecija. Siya ang nagsulat ng Act No. 1801 o mas kilala bilang Gabaldon Act. Sa ilalim ng batas na ito, naglaan ang pamahalaan ng isang milyong pisong pondo para sa pagpapatayo ng mga paaralan.

Disenyo

Idinisenyo ang Paaralang Gabaldon ng Amerikanong arkitekto na si William E. Parsons. Karaniwang hugis letrang “U” o “H” ang mga paaralan na ito. Ang disenyo nito ay inihalintulad ni Parsons sa disenyo ng bahay-kubo. Gawa sa kahoy ang buong paaralan maliban sa bubong na gawa sa yero. Mataas ang kisame nito, malawak ang mga bintana, at maluwag ang mga pasilyo. Akma ang disenyo para sa mainit na klima sa Pilipinas. Dahil sa disenyo, malayang nakapapasok ang hangin sa loob dahil sa malalaking bintana. Sinasabing epektibo ito upang maging kaaya-aya ang pag-aaral ng mga estudyante.

Matanda na kung ituturing ang disenyong Gabaldon. Ito ang naging simbolo ng pormal na edukasyon noong panahon ng mga Amerikano. Tinatayang umabot sa 3,000 Paaralang Gabaldon ang naitayo mula 1907 hanggang 1946. Makalipas ang mahigit isang siglo, marami sa mga ito ang ginagamit pa. Ang iba naman ay kinukumpuni upang magamit muli.

Pangangalaga

Noong 2019, ganap nang naisabatas ang Republic Act 11194 o ang “Gabaldon School Buildings Conservation Act” na layuning mapanatili, mapangalagaan, at muling maitatag ang mga Paaralang Gabaldon at iba pang gusali na itinuturing na pamana ng lahi. Pinangungunahan ng Department of Education, katuwang ang National Commission for Culture and the Arts, National Historical Commission of the Philippines, at ng National Museum ang pag-iimplementa ng programa para matukoy at makonserba ang lahat ng gusali Gabaldon sa mga paaralan sa bansa.

Sanggunian

“RA 11194.” http://legacy.senate.gov.ph/republic_acts/ra%2011194.pdf. Accessed 10 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.