PDP-Laban

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan, mas kilala bilang PDP-Laban, ay isang makapangyarihang partidong politikal sa Pilipinas na nabuo noong 1986 mula sa pagsasanib puwersa ng dalawang partido: ang Partido Demokratiko Pilipino ni Aquilino “Nene” Q. Pimentel Jr. at ng Lakas ng Bayan ni Benigno Aquino Jr. [1] [2]

Pangangamusta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mag-amang Pimentel bago ang pakikipagpulong sa mga opisyal ng PDP-Laban sa isang pagtitipon ng partido noong Agosto 2018

Ito ang partidong kinabibilangan at kasalukuyang pinapanguluhan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.[3]

Kasaysayan

Ang PDP-Laban ay resulta ng pagsasama ng dalawang partidong politikal: ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) at ang Lakas ng Bayan.[1]

Ang PDP ay itinatag noong 6 Pebrero 1982 ng noo’y alkalde ng Lungsod Cebu na si Aquilino “Nene” Q. Pimentel Jr. at ng grupo ng mga nagpoprotesta, kinabibilangan ng mga pinuno ng mga lungsod ng Cebu, Cagayan de Oro, at Davao, laban sa administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at sa naghaharing partido nito na Kilusang Bagong Lipunan (KBL). [1] [2]

Noong 1983, nakipagsanib ang PDP sa Lakas ng Bayan, partidong itinatag naman ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. noong 1978. Noong 1986, ang dalawang partido ay tuluyang nagsanib puwersa at mula rito ay nabuo ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban). Ito ay naging pinakamalaking partidong politikal na tumakbo laban sa pagkapangulo ni Marcos noong 1986 Snap Election. Ipinantapat nila sa eleksiyong ito si Corazon Aquino, biyuda ng pinaslang na si Ninoy Aquino. Para mahimok si Aquino na lumaban bilang pangulo, isinulong ni Joaquin “Chino” Roces, may-ari ng The Manila Times at tagasuporta ng biyuda, ang kilusang “Corazon Aquino para sa Pangulo” na layuning makakalap ng isang milyong botante para rito. [1] [2]

Gayunman, isa pang grupo ang nais lumaban kay Marcos sa pagkapangulo—ang United Nationalist Democratic Organization (UNIDO) na ang kandidato bilang pangulo ay si dating Senador Salvador Laurel ng Batangas. Bago ang eleksiyon, hinimok ni Laurel si Aquino na tumakbo sa ilalim ng UNIDO at bilang pangalawang pangulo. Ngunit sa huli, nakumbinsi ni Jaime Cardinal Sin, arsobispo ng Maynila, na si Aquino ang para sa pangulo at si Laurel ang para sa ikalawang pangulo. Nakipagsanib ang PDP-Laban sa UNIDO at naging pangunahing koalisyon kontra Marcos, hanggang sa disolusyon ng UNIDO noong 1987. Itinanghal nga na pangulo si Aquino at pangalawang pangulo si Laurel.[1]

Bago ang lokal na halalan noong 1988, pinuna ng ilan sa mga senador, kabilang si Nene Pimentel, ang partido kasama ang Lakas ng Bansa dahil sa pagluwag ng polisiya sa pagtanggap ng mga miyembro mula sa KBL, na karamihan sa mga miyembro ay loyalista at tagahanga ni Marcos. Dahil dito, nahati sa dalawang paksiyon ang PDL-Laban: ang panig ni Pimentel at ang panig ni Jose “Peping” Cojuanco Jr. Kalaunan, ang panig ni Cojuanco at si Ramon Mitra Jr., dating kinatawan ng Lakas ng Bansa sa Kongreso, ay nagsanib upang mabuo ang partidong Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP).[1]

Ideolohiya at Plataporma

Motto: “Pilipinas dapat sa Pilipino” [4]

Misyon: Gawing makabuluhan at pantay-pantay na mapabuti ang kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayang Pilipino, anuman ang kanilang relihiyon, na nagbibigay ng mahahalagang pampublikong polisiya at napananatiling mga programa sa pamamagitan ng matapat, kompetente, may pananagutan, at mahambaling pamahalaan

Bisyon: Isang bansang Pilipino na may takot sa Diyos, demokratiko, may kakayahang pandaigdig, walang kahirapan, walang insureksiyon, walang krimen, walang ipinagbabawal na gamot, at walang katiwalian at korupsiyon na pinaiiral ng hustisya, pagkakapantay-pantay, at mabuting pamamahala [4]

Sukdulang layon: Makapagbigay ng mabuting serbisyo/pamamahala sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapagaan, kung hindi man tuluyang masupil, sa kahirapan; eliminasyon ng katiwalian at korupsiyon; mahusay at epektibong pagpapatupad ng mga batas; pagpapanatili ng kahusayan at kapayapaan; mabilis na dispensasyon ng hustisya, at maunlad na ekonomika para sa lahat [4]

Ang PDP-Laban at ang mga miyembro nito ay kailangang tumuon sa sumusunod na pangunahing prinsipyo na bibubuo ng pilosopiya ng partido:[4]

  • Teismo – may paniniwala sa Diyos
  • Humanismo – paggalang at pagbibigay-halaga sa dignidad ng tao
  • Kamalayang Nasyonalismo – pagsasaalang-alang ng pambansang interes higit sa lahat
  • Demokratikong Sosyalismo – karampatang distribusyon ng yaman at pantay na oportunidad para sa lahat at pangangasiwa ng mga talento at pambansang mapagkukunan
  • Konsultatibo at Partisipatoryong Demokrasya – kolektibong pagpaplano at pagdedesisyon

Simbolo ng Kamay

Noong dekada 1980, ginamit ng partido ang “Laban” o “L” na senyales sa kamay na naging mas popular noong Rebolusyon sa EDSA 1986. Sa panahon ng pangangampanya para sa pagkapangulo ni Rodrigo Duterte, pinalitan ng “kamao,” na naging popular na muwestra ng kamay ni Duterte. [5]

Mahahalagang Opisyal

Narito ang mahahalagang opsiyal ng PDP-Laban sa kasalukuyan (nakuhang tala noong 1 Setyembre 2021): [4]

  • Rodrigo Duterte – Pambansang Tagapangulo
  • Alfonso Cusi – Pambansang Pangalawang Tagapangulo
  • Aquilino “Koko” Pimentel III – Pangulo
  • Jorge Bernabe – Pambansang Pangalawang Pangulo
  • Virgilio Bote – Pambansang Pangalawang Pangulo sa Luzon
  • Lutz Barbo – Pambansang Pangalawang Pangulo sa Visayas
  • Charito Plaza – Pambansang Pangalawang Pangulo sa Mindandao
  • Salvador Ty – Pambansang Pangalawang Pangulo sa Kalakhang Maynila
  • Pantaleon Alvarez – Pangunahing Tagapangasiwa ng Samahan
  • Evan Rebadulla – Pambansang Ingat-yaman
  • Christopher Bong Go – Pambansang Awditor

Mula nang maitatag, dalawang pangulo at dalawang pangalawang pangulo na nagwagi mula sa partido: sina Corazon Aquino (1986–1992) at Rodrigo Duterte (2016–2022) sa pagkapangulo at sina Aquilino Pimentel Jr. (1992–1998) at Jejomar Binay (2010–2016).

Halalan 2022

May mga isyu rin sa kasalukuyan ang PDP-Laban lalo na ukol sa nalalapit na Halalan 2022 kung saan nahati ito sa dalawang paksiyon: ang isa ay pinangungunahan nina Rodrigo Duterte at Alfonso Cusi at ang isa ay pinangungunahan ni Koko Pimentel III. Si Pimentel ang dating tagapangulo ng PDP-Laban hanggang sa hirangin niya si Senador Manny Pacquiao bilang kaniyang kapalit noong Disyembre 2020. Gayunman, noong 17 Hulyo 2021 ay inianunsiyo sa general assembly ng PDP-Laban na bakante na ang posisyon ni Pacquiao. Samantala, matagal nang plano ni Pacquiao na gawing opisyal na pambansang partidong politikal ang kaniyang rehiyonal na partidong People’s Champ Movement (PCM). [6] [7] [8]

Noong 8 Setyembre 2021, nagdaos ng pambansang pagtitipon ang paksiyon ni Cusi sa Pampanga at doon iprinoklama ang tambalang Go-Duterte para sa Halalan 2022. Muli naman binigyang-diin ni Go na hindi siya interesado sa posisyon sa pagkapangulo. [9]

Narito naman ang inisyal na kandidato ng partido sa pagkasenador: [10]

  • Labor Secretary Silvestre Bello III
  • Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo
  • Transportation Secretary Arthur Tugade
  • Leyte 4th District Representative Lucy Torres-Gomez
  • Presidential Spokesperson Harry Roque
  • Public Works and Highways Secretary Mark Villar
  • Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Greco Belgica
  • House Deputy Speaker Rodante Marcoleta

Samantala, noong 19 Setyembre 2021, nagdaos din ng pambansang pagtitipon ang paksiyon ni Pimentel kung saan iprinoklama niya si Pacquiao bilang opisyal na kandidato ng kanilang partido sa pagkapangulo sa Halalan 2022. [11]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 Ingming Aberia. “'PDP-Laban will not die' – Nene Pimentel.” The Manila Times, 21 Hulyo 2021, ”https://www.manilatimes.net/2021/07/21/opinion/columns/pdp-laban-will-not-die-nene-pimentel/1807786?utm_campaign=magnet. Accessed 1 Setymebre 2021.
  2. 2.0 2.1 2.2 Lito Monico C. Lorenzana. “A brief history of PDP-Laban: The early 1980s.” The Manila Times, 28 Hulyo 2021.https://www.manilatimes.net/2021/07/28/opinion/columns/a-brief-history-of-pdp-laban-the-early-1980s/1808630. Accessed 1 Setyembre 2021.
  3. “A brief history of PDDP-Laban: The early 1980s.” The Manila Times, 28 Hulyo 2021. https://www.manilatimes.net/2021/07/28/opinion/columns/a-brief-history-of-pdp-laban-the-early-1980s/1808630. Accessed 1 Setyembre 2021.
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 “Ideology and Platform.” https://pdplaban.ph/ideology-and-platform/. Accessed 1 Setyembre 2021.
  5. Jason Baguia. “Hand signs.” Cebu Daily News, 29 Setyembre 2017.https://cebudailynews.inquirer.net/148843/hand-signs. Accessed 1 Setyembre 2021.
  6. Ernesto Hilario. “Through the looking glass.” Manila Standard, 25 Agosto 2021. https://manilastandard.net/mobile/article/363224. Accessed 2 Setyembre 2021.
  7. Pia Ranada. “Forming own national party grounds to expel Pacquiao – PDP-Laban exec.” Rappler, 12 Agosto 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/forming-own-national-party-grounds-to-expel-manny-pacquiao-pdp-laban. Accessed 2 Setyembre 2021.
  8. Pia Ranada, Camille Elemia. “Pacquiao ousted as president of Duterte party PDP-Laban.” Rappler, 17 Hulyo 2021.https://www.rappler.com/nation/elections/manny-pacquiao-ousted-pdp-laban-president. Accessed 2 Setyembre 2021.
  9. Daphne Galvez. “PDP-Laban Cusi wing proclaims Go, Duterte as standard-bearers in 2022 polls.” Inquirer.net, 8 Setyembre 2021. https://newsinfo.inquirer.net/1485329/pdp-laban-cusi-wing-proclaims-go-duterte-as-standard-bearers-in-2022-polls. Accessed 8 Setyembre 2021.
  10. Aika Rey. “LIST: PDP-Laban Cusi faction's initial Senate slate for 2022.” Rappler, 8 Setyembre 2021.https://www.rappler.com/nation/elections/list-pdp-laban-cusi-faction-senate-slate-2022. Accessed 8 Setyembre 2021.
  11. Hannah Torregoza. PDP-Laban faction endorses Manny Pacquiao as presidential bet for May 2022 polls.” Manila Bulletin, 19 Setyembre 2021.https://mb.com.ph/2021/09/19/pdp-laban-faction-endorses-manny-pacquiao-as-presidential-bet-for-may-2022-polls/. 21 Setyembre 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.