Overseas Filipino Worker

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Maraming manggagawang Pilipino ang mas pinipiling magtrabaho sa ibang bansa. Mas kilala sa tawag na Overseas Filipino Worker (OFW), ang mga manggagawang ito ay may malaking ambag sa ekonomiya ng ating bansa. Sila ay kabilang sa mga tinatawag nating “makabagong bayani.” Batay sa Survey on Overseas Filipinos na sinarbey mula Abril hanggang Setyembre 2019, tinatayang 2.2 milyon ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.[1]

Ang kinikita ng mga OFW ay may malaking ambag sa ating ekonomiya. Ang kanilang remittance o ipinadadalang pera sa kani-kanilang pamilya sa Pilipinas ay may malaking ambag sa kabuoang gross domestic product (GDP) ng bansa. Noong Disyembre 2020, umabot sa $3.20 bilyon ang naipadala ng mga OFW sa Pilipinas.[2]

Mga Migranteng Manggagawa

May mahabang kasaysayan ng pandadayuhan ang mga Pilipino. Ngunit nagsimula lamang itong tumaas noong dekada 1970. Sa panahong ito, ang kalalakihan ang karaniwang nangingibang-bansa. Karamihan sa kanila ay nagpunta sa Middle East para magtrabaho sa mga construction site at oil rig. Dito nagsimula ang popular na pariralang “Katas ng Saudi” na tumutukoy sa mga materyal na pagaari o sa mas magandang buhay bilang resulta ng pagtatrabaho sa Saudi Arabia.

Sa mga sumunod na dekada (1980–1990), tumaas ang pangangailangan sa sektor ng serbisyo. Dahil dito, nagsimulang umalis ang kababaihang Pilipino upang punan ang mga bakanteng trabaho, tulad ng domestic work at caregiving, sa mauunlad na bansa. Ayon sa Commission on Filipinos Overseas, mahigit 755,000 na mga Pilipino ang nakahanap ng trabaho sa ibang bansa sa mga panahong iyon. Sa tala noong 1998, may kabuoang ₱7.5 bilyon ang naiambag ng mga OFW sa GDP ng bansa.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay kabilang sa mga pangunahing mapagkukunan ng mga migranteng manggagawa. Ang mga sektor ng seafaring, domestic work, at nursing ay higit na pinangungunahan ng mga Pilipino.[3]

Mga Dahilan ng Pandadayuhan

Ang kadalasang dahilan ng mga Pilipino kung bakit slla nagtatrabaho sa ibang bansa ay ang kakulangan ng trabaho sa Pilipinas, o kung mayroon man ay ang kaunting sahod na kinikita ng ating mga manggagawa. Walang duda na mas malaki ang nakukuhang sahod ng isang OFW kumpara sa ordinaryong manggagawa sa Pilipinas.

Samantala, may ilan ding Pilipino ang nais mangibang bansa para maging mamamayan o maging permanenteng residente roon. Dala na rin ito ng magagandang benepisyo para sa mga mamamayan ng bansang pupuntahan. Para sa iba, ito ang pagkakataon nilang magkaroon ng panibagong buhay. Umaasam sila na doon matutupad ang mga pangarap nila sa buhay. [4]

Ilang Pagmumuni-muni

Ang pandadayuhan noong dekada 1970 hanggang 1990 ay isang pansamantalang solusyon na nakatulong sa ekonomiya ng ating bansa. Ilang taon na ang nakalipas ay libo-libo pa ring Pilipino ang umaalis ng ating bansa para makahanap ng mas magandang kinabukasan. Habang ang pandadayuhan ay mahalaga, lalo na para sa ating bansa, hindi pa rin ito sapat na solusyon dahil ang pag-alis ay nangangahulugan ng pagsasakripisyo.

Si Xyza Bacani, isang migranteng Pilipino na nakabase sa Hong Kong, ay nagpaliwanag ukol sa posisyon ng mga migrante na naninirahan sa ibang bansa. Ayon sa kaniya, ang mga migrante ay tulad ng hangin, mahalaga ngunit hindi nakikita. Hindi sapat na sila ay tawaging bagong bayani; kinakailangan na mabigyan sila ng magandang kinabukasan sa lupa na kanilang kinalakihan.[5]

Mga Sanggunian

  1. Philippine Statistic Authority. “Statistical Tables on Overseas Filipino Workers.” https://psa.gov.ph/statistics/survey/labor-force/sof-index. Accessed 20 Marso 2021.
  2. Anna Leah E. Gonzales. “OFW remittances decline in 2020.” The Manila Times, 16 Pebrero 2021.  https://www.manilatimes.net/2021/02/16/business/business-top/ofw-remittances-decline-in-2020/841469/. Accessed 20 Marso 2021.
  3. Santos, Ana P. “INFOGRAPHIC: A History of Migration.” Rappler, 1 Hulyo 2014. https://www.rappler.com/moveph/advocacies/history-migration-filipinos. Accessed 10 Marso 2021.
  4. Liyana Hasnan. “Youth in Philippines prefer working overseas.” The ASEAN Post, 14 Oktubre 2019.  https://theaseanpost.com/article/youth-philippines-prefer-working-overseas. Accessed 20 Marso 2021.
  5. Hong Kong Arts Centre. “We Are Like Air" A Solo Exhibition of Xyza Cruz Bacani.” https://www.hkac.org.hk/calendar_detail/?u=XVOqh-eKno0&lang=en. Accessed 20 Marso 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.