Orapronobis

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Orapronobis (Fight for Us), 1989 ay isang pelikulang idinirek ni Lino Brocka, batay sa iskrip ni Jose F. Lacaba. Ito ay kuwento ng karapatang pangtao, pati na rin ng karahasan at pang-aabusong ginagawa ng may mga kapangyarihan.

Lagom

Matapos ang Aklasang Bayan sa EDSA, napalaya na ang mga ikinulong dahil sa pulitika, kabilang na si Jimmy Cordero, isang dating pari na naging rebolusyonaryo. Hindi naglaon ay naging tagapagtaguyod na siya ng karapatang pangtao sa impluwensiya na rin Trixie na kaniyang pinakasalan. Pero hindi ito nangahulugan ng kapayapaan sa Pilipinas. Mayroong isang kulto, Orapronobis, na pinamumunuan ni Kumader Kontra, ang dumudukot at pumapatay sa mga hinihinala pa lamang na mga rebelde, sa bayan ng Dolores, kabilang na ang isang dayuhang pari.

Bilang mga miyembro ng isang samahang naglalayong makamit ang karapatang pangtao, kinailangang sumama ni Jimmy sa probinsyang iyon at tumulong sa paghahanap sa pinakahuling krimeng ginawa ng Orapronobis. Dito ay nagkita silang muli ng kanyang dating nobya, si Esper at nalaman niyang mayroon silang anak, si Camilo. Sa kabilang banda, mas lalo pang tumitindi ang karahasang ginagawa ng kulto dahil na rin sa pagsuporta ng militar.

Kung kaya naman dinala nina Jimmy ang mga naninirahan sa bayan patungong Maynila. Ngunit pagkabalik nila doon, tinangkang patayin sina Jimmy at ang kanyang bayaw na si Roland, si Jimmy lang ang nakaligtas. Pero ilang araw matapos noon ay dinakip sina Esper at Camilo ng Orapronobis dahil sa tinutulong diumano nila ang mga rebelde. Ginahasa ni Kumander Kontra si Esper sa harap ni Camilo. Lumaban si Esper at nabaril niya si Kontra. Dahil sa galit, nagwala si Kontra at pinagbabaril ang mga dinakip, kasama na ang mag-ina. Kinabukasan, dinala ng militar ang mga bangkay ng mga dinakip sa bayan, kung saan nagluksa si Jimmy nang makita niya ang mga labi ni Esper, lalung-lalo na ni Camilo. Natapos ang pelikula nang tawagan ni Jimmy ang kaibigan niyang miyembro ng rebolusyonaryo.

Mga Tauhan

Pagpapatigil na itanghal

Bagama't isa ito sa mga pinakamakabuluhan at pinakamahusay na pelikulang idinirek ni Brocka, hindi ito ipinalabas sa mga sinehan sa Pilipinas dahil na rin sa tema nito. Ipinagbawal ng dating pinuno ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Manuel Morato ang pagpapalabas ng Orapronobis dahil sa karahasang ipinapakita dito at pati na rin ang lantarang mensahe at direktang pagsaad ng opinyon ng direktor sa kung anong solusyon ang dapat para sa mga suliranin sa pelikula. Maraming institusyon, higit sa lahat ang militar at ang pamahalaan, ang apektado sa mga tinatalakay ng pelikulang ito.

Sanggunian

Panlabas na kawing

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.