Noynoying

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Noynoying ang taguri ng ilang kritiko at aktibistang grupo patungkol sa pagiging tamad at kawalan ng angkop na aksyon umano sa mga krisis na kinakaharap ng bansa ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III. Nauso ang salitang ito sa mga social networking sites gaya ng Facebook at Twitter at sa mga blog kasabay ng mga sunod-sunod na protesta laban sa biglaang pagtaas ng presyo ng langis, bilihin, at matrikula. Nang maglao'y ginamit ito bilang pang-uyam hindi lamang sa pangulo, kundi pati na rin sa mga taong tinuturing na tamad.


Pinagmulan

Unang naidokumento ang paggamit ng salitang Noynoying noong Oktubre 2011 ng mga kolumnistang sina Karl Allan Barlaan and Christian Cardiente sa isang artikulo sa pahayagang Manila Standard Today. Ayon sa nasabing artikulo, sinabi ng oposisyon na walang pakialam at mabagal ang naging aksyon ng gobyerno sa gitna ng dalawang magkasunod na bagyong Pedring at Quiel na tumama sa malaking bahagi ng bansa at nagdulot ng pinsalang aabot sa sampung bilyong piso, dalawampu't anim na nasawing buhay, at halos tatlong milyong apektadong pamilya. Sinasabing unang dumalo ang pangulo sa Asean 100 Leadership Forum at ikatatlumpung taong pagdiriwang ng McDonald’s Philippines bago nakipagpulong sa Pambansang Tanggapan para sa Pagtugon ng Sakuna (National Disaster Risk Reduction and Management Council) upang mamahagi ng tulong sa mga apektadong lugar.

Noong Marso 2012, muling ginamit at pinasikat ang salitang Noynoying ng Anakbayan, isang grupo ng mga militanteng kabataan. Paliwanag nila, maaaring gawin ang Noynoying sa pamamagitan ng pagbuo ng grupo; pagpunta sa isang abalang lugar; humilata, magpangalumbaba, at magpanggap na walang ginagawa; pagkuha ng letrato ng naturang aktbidad; at pagpaskil ng mga letrato nito sa sariling social networking account o blog.

Kahalintulad ng Noynoying ang mga naunang nausong aktibidad kagaya ng planking at mooning na mga gimik na sadyang pinakakalat sa social media at Internet. Sa planking, ang isa ay hihiga nang padapa at tuwid samantalang ang mooning ay ang biglaang paghubad ng pang-ilalim na kasuotan upang ipakita ang puwet sa publiko.

Hango sa palayaw ng kasalukuyang pangulo—Noynoy—ang salitang Noynoying na dinagdagan ng hulaping “ing” sa Inggles. Ayon sa Bulatlat.com, inilarawan ng iba't ibang aktibistang grupo ang Noynoying bilang kritisismo sa umano'y katamaran at pagbubulag-bulagan ni Aquino sa pagpapatakbo ng bansa at ang kawalan niya ng aksyon sa biglaang pagtaas ng mga produktong petrolyo at bilihin.

Sagot ng Malacañang at depensa sa pangulo

Habang lumalaganap ang paggamit sa salitang Noynoying, nagpalabas ang Malacañang ng mga larawan ni pangulong Aquino kung saan ipinapakitang abala siya sa samu't saring gawain ngunit pinabulaanan naman ng Palasyo ang mga akusasyong "damage control" o pagsasalba sa reputasyon ng pangulo ang mga inilabas na letrato.

Ayon kay Edwin Lacierda, tagapagsalita ng pangulo, iginagalang ni Aquino ang karapatan ng mamamayan sa malayang pagpapahayag. Sagot mismo ng pangulo, hindi dapat pagtuunan ng pansin ang bagong pamamaraan ng protestang ito. Sa isang panayam sa mga mamamahayag, sinabi niyang:

“Hindi kailangang pansinin… Papaano mo ipapakita sa ayaw tumingin? Paano mo iparirinig sa ayaw makinig? Kung masaya silang ginagawa nila yun, nasa kanila yon.Pag sinasabing wala akong ginagawa, at pangit ang nangyayari, e di anong conclusion doon? Tinitingnan ba nila, nakikinig ba sila? E ‘di kung ganoon, ayaw nila, anong magagawa ko? Basta gagawin ko ang palagay ko ay tama at palagay ko may resulta na nangyayari.”

Ipinagtanggol din ng Ikalawang Pangulong si Jejomar Binay ang pangulo, sa pagsasabing: “Tama naman na. Tigilan niyo na yung ating Presidente. Can you imagine that the President e di nagtatrabaho? Siguro naman kahit ang mga barangay captain nagtatrabaho di ba?”

Sa isang artikulo sa Rappler.com, sinabi ni kalihim Joel Rocamora, tagapangulo ng National Anti-Poverty Commission at dating presidente ng aktibistang grupong Akbayan, na nahihirapan ang mga kritiko ng pangulo na atakihin ang kaniyang mga patakaran kaya nalilimitahan na lang sila sa personal ("ad hominem") na atake.

Reaksyon ng publiko

Iba't iba ang naging pananaw ng publiko at mga kritiko sa bagong pamamaraan ng pagpoprotestang ito. Ayon kay Conrado de Quiros, bagamat isang bunga ng pagiging malikhain, nagmula ang imbentong salita sa kampo ng dating nakatunggali sa pagtakbo bilang pangulo ni Aquino na si Manny Villar.

Nagpahayag naman ang retiradong si Arsobispo Oscar Cruz na hindi dapat damdamin ng palasyo ang protesta sapagka't may katotohanan naman ang sinasabi ng Noynoying.

Umani rin ng iba't ibang reaksyon ang bagong pamamaraan ng pagpoprotestang ito sa mga blogs. Mula sa artikulo ng Wallstreet Journal, sinabi ni “Ten4” na:

“Puro kayo dada/dakdak, ang dami nang ipinagbago eversince he took over. He’s doing the best he can possibly be na maging matiwasay ang Filipinas at maalis / ma-correct ang mga taong greedy at pag-papayaman. Sila na ang mga matataas na puesto’t at malalaking kita..always kawawa ang kumikita ng minimum wage na kandarapa sa pag-tatrabaho at mapa-aral nang kanilang mga anak. Pag dating sa price hike ng oil, hindi yan kagustuhan ng Administration na tumaas , that’s Global about pagtaas ng oil..hindi lang Filipinas. He’s doing the best he can, otherwise lalong masama kung wala nang supply papasok sa pinas dahil pamahal nang pamahal…eh mas lalong kawawa ang Pinas. Ginagawa ng Administration ang tama for the sake of the Filipino peoples. Criticized sa government is always there..rally dito…rally doon, they don’t know exactly what the real situation..Kayo nang umupo doon para malaman nyo how challenges can be.”

Ayon naman kay “Red”: “Let Noynoying be heard far and wide. Save the Philippines from Noynoy because he is the most incompetent leader we ever had.”

Sagot naman ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan, sa artikulo ni Rocamora sa Rappler.com na hindi personal na atake ang Noynoying sa pangulo, kundi simbolismo sa uri ng gobyerno sa kasalukuyan--isang gobyernong manhid sa kalagayan ng mamammayan.

Pandaigdigang popularidad

Noong 18 Marso 2012, nagkaroon ng artikulo ang Noynoying sa bukas na sanggunian na Wikipedia at naging tampok din sa isang artikulo sa website ng Wallstreet Journal. Agad na nagkaroon ng iba't ibang opinyon tungkol sa pagkakasulat nito sa Wikipedia dahil na rin sa umano'y isyu sa balanse ng pagkakasulat.


Kasalukuyang gamit

Kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, pasahe sa dyip at matrikula sa pagsimula ng Marso 2012, mabilis na kumalat sa iba't ibang social networking sites ang salitang noynoying at ginamit bilang pang-uyam sa mga gawaing gaya ng pagtunganga, pag-upo, o pagtayo sa halip na gawin ang mga bagay na kinakailangang gawin.

Narito ang ilan sa mga halimbawa kung paano ginamit ang salitang Noynoying mula sa Facebook at Twitter:

  • “Finals na bukas pero #noynoying muna.” via @NormanIsJay
  • “Oh my... I don't know which is worse: to be called "imeldific" or to be caught "noynoying"!” via @ang_mungo
  • “That's a good idea. Today, I will go #noynoying! May hostage crisis ba kamo? Kakain lang ako. May bagyo? Pa-party ako!” via@MangPandoy
  • “That's funny, yung 'Noynoying' sa amin, verb din na ang ibig sabihin ay 'date ng date ng date, pero hindi nagpapakasal.'” #VocabHomework via @gangbadoy
  • “Patayin sa noynoying si Barbara, Star Wars: the noynoying menace, Bukas Luluhod ang mga noynoying.” via#ReplaceMovieTitlesWithNoynoying
  • “#NOYNOYING-"nagbibingi-bingihan, nagbubulag-bulagan, nagtatanga-tangahan.” via @OgieDiaz
  • “Let me predict what you're doing now. It's 315pm and you're all #NoyNoying at your desk, watching the clock, waiting for 5pm to come.” via @djmotwister

Matapos nito, ilang salita rin ang ginamit batay sa paggamit ng palayaw at dagdag na hulaping Inggles na -ing gaya ng Binaying. Matatandaang tinanggap din noon bilang bagong salita sa Inggles ang “imeldific,” taguri sa pagiging magarbo ng dating Unang Ginang Imelda Marcos.


Noy-ngaling

Pinasimulan naman ng militanteng grupong Partido ng Manggagawa (PM) ang taguring “Noy-ngaling” bilang reaksyon sa naging talumpati ni Pangulong Aquino sa Anvil Business Club patungkol sa pagprotekta sa interes ng mga manggagawa. Ibinalita ng Radyo Inquirer 990 AM na hinihikayat ng grupo na suportahan ng pangulo ang mga nakabinbing mga batas sa Mababang Kapulungan na may kinalaman sa pagpapataas ng sahod, seguridad, at tenyur ng mga manggagawa.

Panlabas na kawing


Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.