Norberto Romualdez

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Norberto L. Romualdez (1875-1941), isang guro, abogado, hukom, mambabatas, lingguwista, kompositor at musikero, ay tinatawag na “Visayan Rizal” at “Father of the National Language Law” dahil sa pagiging pinuno niya sa komite ng pambansang wika ng Pilipinas.

Buhay

Ipinanganak noong 6 Hunyo 1875, si Romualdez ang pangalawa sa pitong anak nina Daniel Romualdez y Arcilla at Trinidad Lopez y Valentin. Ginuguol niya ang malaking parte ng kaniyang kabataan sa Tolosa, Leyte kung saan kinahiligan niya ang musika at sining dahil sa aktibong partisipasyon ng kaniyang mga magulang tuwing pista. Kaya naman sa murang edad, natuto nang magpatugtog si Romualdez ng iba't ibang instrumentong pangmusiko.

Maliban sa kaniyang ina na nagturo ng solfeo, ang kaniyang mga naging guro sa musika ay ang mga tiyo niya na sina Manuel at Luis Lopez. Natuto rin siya na magpatugtog ng plawta, biyulin at sa gulang na 10 ay nagsimula na siyang magtanghal sa mga musikal na palabas ng kaniyang mga magulang.

Edukasyon at Karera

Sa gulang na 12, pumasok si Romualdez sa Ateneo Municipal de Manila, at sa loob ng pitong taon ay natapos niya ang kaniyang pag-aaral na dapat ay 16 na taon. Isang natatanging mag-aaral, siya ay naitaas ng grado ng tatlong beses at kadalasan ay nagkakamit ng grado na “excellent” sa lahat ng kaniyang asignatura. Tumanggap siya ng 28 medalya sa kaniyang pag-aaral sa isang paaralang Jesuit.

Matapos niyang makuha ang kaniyang Batsilyer sa Sining, naisip niya na kumuha ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas. Ngunit dahil mahaba-habang panahon pa ang kaniyang gugugulin upang makatapos ng medisina, napagdesisyunan niyang maging guro na lamang. Kumuha siya ng pagsusulit para sa profesor de segunda enseñanza noong 6 Disyembre 1897 at siya naman ay pumasa. Matapos ang isang taon, 31 Oktubre 1898, binigyan siya ng permiso ng magpatakbo ng sarili niyang paaralan, ang Colegio de San Jose sa Tanauan, Leyte.

Noong 27 Hunyo 1901, itinalaga siyang clerk of court ng Leyte Court of First Instance. Pinangalanan din siyang ex-officio notary public kaya matapos nito, napagdesisyunan niyang maging abogado.

Matapos ang dalawang taon, kumuha siya ng bar examinations sa Maynila noong September 1903 at nanumpa bilang isang abogado noong Oktubre 7. Naging probinsiyal na hukom din siya sa Leyte noong 16 Abril 1906 sa rekomendasyon ni Hukom Charles S. Lobinger.

Naging assistant city attorney siya ng Maynila noong 1910; associate judge ng Court of Land Registration, 1911; Hukom ng Court of the First Instance ng ika-15 na distrito ng Capiz; Hukom ng Court of the First Instance sa ikalawang distrito ng Bacolod; propesor sa National Law School, Philippine Law School at Escuela de Derecho, 1919-1920; kinatawan ng Pilipinas sa Universal Postal Convention, 1920; at kinatawan ng ika-apat na distrito ng Leyte, 1936.

Ilang Akda

Bilang isang manunulat, sinulat niya ang Macaria y Jose noong 1906, at lumabas ito sa La Voz de Leyte. Nag-ambag din siya ng mga sanaysay sa El Nuevo Dia, isang pahayagang Cebuano na pagmamay-ari ni Sergio Osmeña.

  • Philippine Literature and Art (1924)
  • Psychology of the Filipino (1925)
  • A Short History of the Filipino People (1936)
  • Excerpts and Notes on Legal Ethics (1939)
  • Philippine Progressive Music Series (1949)

Parangal

Bilang isang aktibong miyembro ng simbahang katoliko, itinatag niya ang Catholic Action of the Philippines noong 1927, at tumanggap siya ng Vatican's Pro Ecclesia et Pontifico na pagkilala mula kay Pope Pius XI.

Binawian siya ng buhay noong 4 Nobyembre 1941 sa Palapag, Samar dahil sa pulmonya.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.