Norberto Gonzales

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Norberto B. Gonzales ay ang dating kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa at tagapayo ng Sanggunian sa Pambansang Seguridad ng Pilipinas sa panahon ng panunungkulan ni Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangulo ng Pilipinas.

Bago pa man naging lingkod-bayan, si Gonzales ay may malawak nang karanasan sa mga gawaing pang-unyon at pangmagsasaka. Siya ang tagapangulo ng Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP) na naitatag noong 1973. [1]

Buhay at Karera

Norberto Gonzales

Si Gonzales ay isinilang noong 17 Abril 1947 sa Puerto Rivas, Balanga, Bataan. Siya ay maagang naulila sa ama kaya napadpad siya sa Lungsod Davao kung saan nakatira ang nakatatanda niyang kapatid na nagpaaral sa kaniya. Nakapagtapos si Gonzales ng kursong AB Pre-Medicine sa Ateneo de Davao University noong 1968. Gayunman, hindi na niya naipagpatuloy ang pagdodoktor sa kakulangan ng pangmatrikula.

Noong dekada 1960, sa kasagsagan ng panawagan ng mga komunista at pagpapalaganap ng mga kaisipang Marxismo-Leninismo, ay huminto si Gonzales sa pag-aaral ng kemistri sa Unibersidad ng Pilipinas dahil na rin marami nang mag-aaral ang hindi na pumapasok sa kani-kanilang klase. Gayunman, hindi nahikayat si Gonzales ng mga komunista, bagkus ay napasama siya sa mga pangkat ng kabataang binubuo ng mga Heswita. [2]

Samantala, sa panahon ng Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, si Gonzales ay napabilang sa mga taong lumahok sa mga kilos-protesta laban sa administrasyon. Ang mga protestang ito ay dahilan upang mabuo ang PDSP. [3]

Noong 1978, ipinaaresto si Gonzales ni Marcos dahil sa pagiging isa sa mga lider nito sa partidong Lakas ng Bayan (LABAN) ni Benigno Aquino Jr.[1]

Sa panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Corazon C. Aquino, si Gonzales ay isa sa mga panel member ng GRP-MNLF Peace Process. Nagsilbi rin siyang tagapamagitan sa pakikipag-usap sa mga dating kasapi ng Moro National Liberation Front (MNLF) kung saan nalagdaan ang Final Peace Agreement noong 1996. Nakipag-ugayan din siya noon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at National Democratic Front (NDF) para sa kapayapaan. [1]

Ilan pa sa mga resulta ng kaniyang pagsusulong ng demokrasya at kapayapaan ay ang pagkakatatag ng mga koalisyong SAMBAYANAN, Lakas ng EDSA, at Konsensyang Pilipino. [1]

Si Gonzales ay naging presidential adviser ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mula Pebrero 2001 hanggang Enero 2004. Pagkatapos, naglingkod siya bilang tagapayo at direktor-heneral ng Sanggunian sa Pambansang Seguridad mula Pebrero 2005 hanggang Hunyo 2010, pagtatapos ng termino ni Arroyo. Siya ay ang ika-32 at ika-34 naging kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa. Nagtapos siya ng Master in National Security Administrative sa National Defense College of the Philippines noong 2006. [4]

Halalan 2022

Noong 6 Oktubre 2021, ang 74 anyos na si Gonzales ay nagpasa ng kaniyang certificate of candidacy sa pagkapangulo para sa Halalan 2022. Siya ay kumakandidato sa ilalim ng Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP). [5]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 Chay Florentino Hofileña. “Unraveling Bert Gonzales.” Newsbreak, https://norbertogonzales.tripod.com/biography.html. Accessed 19 Nobyembre 2021.
  2. Norberto B. Gonzales. “Ang Serye ng Aking Buhay.” https://norbertobgonzales.com/online/?p=177. Accessed 19 Nobyembre 2021.
  3. Terrie B. Fucanan. “Chief of Staff Norberto Gonzales From the streets to government service.” The Manila Times, 12 Setyembre 2004. https://www.manilatimes.net/2004/09/12/weekly/chief-of-staff-norberto-gonzales-from-the-streets-to-government-service/691402. Accessed 19 Nobyembre 2021.
  4. Norberto B. Gonzales. “Who is Sec. Norberto B. Gonzales?” https://norbertobgonzales.com/online/?p=174. Accessed 19 Nobyembre 2021.
  5. Bea Cupin. “Former Arroyo defense chief Norberto Gonzales guns for presidency.” Rappler, 6 Oktubre 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/norberto-gonzales-files-certificate-candidacy-president-2022. Accessed 19 Nobyembre 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.