Noche Buena

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Noche Buena ay isang tanyag na kaugaliang Pilipino na tumutukoy sa pagsasalo-salo o pagdiriwang sa gabi ng bisperas ng Pasko. Hango ito sa salitang Espanyol na nangangahulugang “magandang gabi” o “banal na gabi.” Tuwing bisperas ng Pasko, kadalasan ay matapos ang huling misa ng Simbang Gabi, ay nagtitipon-tipon ang pamilya, kasama ang iba pang mga kamag-anak, para sa isang masaganang hapunan. Karaniwang masasarap, matatamis, at mga espesyal na lutuin ang inihahanda sa gabing ito.

Nakalista sa ibaba ang ilan sa mga kilalang putahe o pagkaing nakahain sa hapagkainan ng mga Pilipino tuwing Noche Buena.

Letson

Isa sa mga pinakatanyag na putahe sa Kapaskuhan at iba pang mahahalagang okasyon sa Pilipinas ay ang letson. Ito ay buong baboy na nakatuhog sa mahabang kawayan at iniihaw sa ibabaw ng bága. Ang “letson” ay hango sa salitang Espanyol na lechon, nangangahulugang “inihaw na biik (na walang tigil sa pagsuso sa inahin nito.”

Hamón

Ang hamón (mula sa salitang Espanyol na jamon) ay ang karne na makikita sa bandang hita ng baboy na madalas ding ihain sa hapagkainan ng mga Pilipino kapag Pasko. Ito ay binababad sa katas ng iba’t ibang bunga gaya ng pinya, at hinahaluan ng asukal. Iniluluto ito sa hurnuhan at sa pagitan ng pagluluto dito ay muling binabahiran ng katas ang nalulutong karne nito.

Keso de-bola

Kaakibat na rin ng Kapaskuhan ang paghahain ng keso de-bola. Ito ang tawag ng mga Pilipino sa hugis bilog na kesong Edam mula sa Netherlands na nababalutan ng kulay pula na pagkit o wax. Ang tradisyong ito ay buhat din sa Espanya.

Bibingka

Isa sa mga paboritong kakanin sa Pilipinas, lalo na tuwing Kapaskuhan, ay ang bibingka. Ito ay isang uri ng tinapay o keyk na gawa sa galapong, gata, asukal, itlog, at pampaalsa. Niluluto ito sa sinaunang hurnuhan o sa ibabaw ng baga, at nilalagyan ng mantikilya at niyog sa ibabaw. Madalas itong makikita na itinitinda sa labas ng simbahan, matapos ang Misa de Gallo.

Puto-bumbong

Isa pang uri ng kakanin na inihahain ay ang puto-bumbong. Kaiba sa ibang puto, ito ay kulay lila dahilan sa likas na kulay ng pirurutong (uri ng bigas na malagkit at maitim) na siyang ginagamit sa paggawa nito. Ang malagkit ay inilalagay sa maliit na tubo ng kawayan at pinapasingawan kaya hugis biluhaba ang kakaning ito. Kagaya ng bibingka, madalas din itong makita na itinitinda sa labas ng simbahan tuwing kapaskuhan.

Letse plan

Dahil sa pagkahilig ng mga Pilipino sa pagkaing matatamis, isa pang paboritong handa tuwing Pasko ay ang letse plan. Ang letse ay hango sa salitang Espanyol na leche, nangangahulugang “gatas,” na isa sa mga pangunahing sangkap sa pagluto nito. Hinahalo ito sa itlog, asukal, at vanilla, at hinuhulma sa aluminum na sisidlan o liyanera.

Pansit

Hindi rin nawawala sa mahahalagang okasyon ang paghahanda ng pansit. Ang matagal nang pakikipagkalalakan ng mga Pilipino sa mga Tsino ay di lamang nagdala ng mga kagamitang oryental sa Pilipinas, kundi maging ng kanilang kultura, kabilang na ang pagkain. Batay sa paniniwalang Tsino, ang pagkain ng pansit sa kaarawan o bagong taon ay nakapaghahatid ng mahabang buhay. Sa ngayon, ang pagkain nito sa Kapaskuhan ay pinaniniwalaang nagbibigay ng suwerte sa pamilya.

Fruitcake

Buhat naman sa mga Amerikano ang paghahanda ng mga Pilipino ng fruitcake tuwing Pasko. Ito ay keyk na gawa sa minatamis, binuro, o pinatuyong prutas, mani, at ilang pampalasa na kadalasa’y ibinababad sa alak. Hango sa tradisyong Romano ang paggawa ng fruitcake na ngayon ay talamak na sa mundo bilang paboritong panghimagas sa Kapaskuhan.

Sanggunian

Djan Magbanua. “Handang Pinot tuwing Pasko.” Libre Inquirer, 10 Disyembre 2018.  https://libre.inquirer.net/6056/handaang-pinoy-tuwing-pasko. Accessed 12 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.