Nesthy Petecio

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Nesthy Petecio October 16, 2019. 3 (cropped).jpg

Si Nesthy Alcayde Petecio (isinilang noong Abril 11, 1992) ay isang Pilipinong boksingerong nag-uwi ng medalyang pilak (silver medal) sa Tokyo Summer Olympics 2020 sa kauna-unahang featherweight event para sa kababaihan. Siya rin ang unang Pilipinang nag-uwi ng medalya sa boksing mula sa Olympics. Liban sa pagiging silver medalist sa Olympics, si Nesthy rin ay nag-uwi ng silver noong 2014 World Championships at ginto naman noong 2019 sa parehong patimpalak.

Personal na buhay

Si Nesthy Petecio ay ipinanganak sa Santa Cruz, Davao del Sur ngunit lumaki sa Bago Gallera, Davao City. Sina Teodoro at Prescilla Petecio ang kaniyang mga magulang. Mula sa mahirap na pamilya si Nesthy. Sa murang edad, kinailangan na nilang tumulong sa mga gawaing bukid kasama ang kanilang ama na isang magsasaka. Nagtitinda rin noon si Nesthy ng mga pataba na gawa sa dumi ng hayop para may dagdag kita.

Kahirapan din ang dahilan ni Nesthy kung bakit niya pinasok ang larangan ng boksing. Nagsimula lang daw ito bilang isang libangan, ngunit dumating ang maraming oportunidad sa kaniya sa isport na ito. Dahil sa kaniyang pagbo-boxing, nakapasok si Nesthy sa University of Baguio.

Si Nesthy rin ay miyembro ng LGBTQIA+ community at inialay ang kaniyang tagumpay sa mga kapuwa bahagi nito.

Boksingero din ang mga kapatid ni Nesthy na sina Norlan at Nicezza. Nanalo si Nicezza ng pilak sa 2010 National Open sa Palawan.

Karera sa Boksing

Pagsisimula

Liban sa hilig sa basketbol, naging libangan din ni Nesthy ang boksing. Sumali si Nesthy at kaniyang mga kapatid sa isang paligsahan sa barangay para sa premyo. Ngunit nagsimula si Nesthy na makilala sa kanilang bayan nang sumali siya sa isang boxing match sa Araw ng Davao noong siya ay 11 anyos. Ginawa ang kompetisyon sa Rizal Park, Davao City kung saan nakalaban niya ang isang lalaki. Hindi man niya napanalunan ang laban, nadiskubre naman siya ni Celestino Rebamonte na naging daan upang makilala niya ang coach ng Philippine women’s team na si Roel Velsaco.

Napanalunan ni Nesthy ang 2007 Smart National Youth and Women’s Open Boxing Championships sa Cagayan de Oro kung saan nag-uwi siya ng gintong medalya. Dahil dito, tuluyan nang napasama si Nesthy sa Philippine national boxing team.

National Team

Ang unang sumabak si Nesthy sa isang international competition noong 2007 sa ilalim ng Amateur Boxing Association of the Philippines-Calinan boxing team. Nabigo siya sa kamay ng isang Thai boxer sa ginanap na kompetisyon sa Hanoi, Vietnam.

Lumaban din si Nesthy sa 2014 Asian Games na ginawa sa Incheon, South Korea ngunit nabigo siyang mag-uwi ng medalya. Nabigo rin siyang makapuwesto sa 2015 at 2017 Asian Championships, ngunit nag-uwi naman ng bronze noong 2012 sa nasabing kompetisyon.

Gayunman, hindi ito naging hadlang para magsikap si Nesthy. Unti-unting nag-uwi ng karangalan si Nesthy kabila ang ang pilak na medalya sa 2014 AIBA Women’s World Championships. Tatlong magkakasunod na edisyon rin ng Southeast Asian Games (2011, 2013, at 2015) nag-uwi ng pilak na medalya si Nesthy. Gintong medalya rin ang nakuha ni Nesthy sa ginanap na 2015 Indonesia President’s Cup.

Nabigo naman si Nesthy na makapasok sa 2016 Rio Summer Olympics. Hindi rin siya nakapag-uwi ng medalya mula sa 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia. Nakaranas ng depresyon si Nesthy matapos makipaghiwalay sa kaniya ang kaniyang nobya.

Bumawi naman si Nesthy noong 2019 dahil sa magkakasunod na panalo. Una niyang nasungkit ang ginto sa 2019 Thailand Open International Boxing Championship at ginto rin sa 2019 AIBA Women’s World Boxing Championships sa Russia sa featherweight division. Nakamit rin ni Nesthy ang una niyang gintong medalya sa 2019 Southeast Asian Games na ginanap dito sa Pilipinas.

2020 Tokyo Olympics

Nakapasok si Nesthy sa 2020 Tokyo Olympics dahil sa kaniyang mataas na ranking. Ito ay matapos makansela ang world qualifier round dahil sa COVID-19.

Sumabak si Nesthy sa women’s featherweight division kung saan una niyang nakalaban si Macelat Sakobi Matshu ng Congo. Unanimous decision ang naging resulta pabor kay Nesthy. Sunod naman niyang tinalo si Lin Yu-ting ng Chinese Taipei sa iskor na 3:2 na naging dahilan ng pagkakapasok niya sa quarterfinals.

Nagwagi naman siya kontra kay Yeni Arias ng Colombia sa iskor na 5:0 na nagbigay na kay Nesthy ng seguradong medalya sa Olympics. Sa semifinals, tinalo niya si Irma Testa ng Italy sa iskor na 4:1. Lumaban siya sa finals ngunit natalo via unanimous decision kay Sena Irie ng Japan at nag-uwi ng pilak na medalya—kauna-unahang medalya sa boksing ng isang Pilipina.

Premyo

Ang sumusunod ay ang mga premyong matatanggap ni Nesthy dahil sa pagkakapanalo ng silver medal sa 2020 Tokyo Olympics:

  • ₱5 milyon alinsunod sa Republic Act 10699
  • ₱5 milyon mula sa MVP Sports Foundation
  • ₱5 milyon mula kay Ramon S. Ang
  • ₱2 milyon mula kay Rep. Mikee Romero
  • Bahay at lupa sa Tagaytay City mula kay POC president Abraham Tolentino
  • Bahay at lupang nagkakahalagang ₱2.5 milyon mula sa Ovialand
  • Isang condominium unit sa Davao Park District mula sa Suntrust
  • 60,000 Mabuhay Miles kada taon mula sa Philippine Airlines

Mga Karangalan

  • 2011 Southeast Asian Games – silver medalist
  • 2013 Southeast Asian Games – silver medalist
  • 2014 World Championships (Featherweight division) – silver medalist
  • 2015 Southeast Asian Games – silver medalist
  • 2017 President’s Cup – bronze medalist
  • 2018 Feliks Stamm Tournament – gold medalist
  • 2019 World Championships (Featherweight division) – gold medalist
  • 2019 Thailand International Boxing Tournament – gold medalist
  • 2019 Southeast Asian Games – gold medalist
  • 2020 Tokyo Summer Olympics – gold medalist


Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.