Nerissa Cabral

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Nerissa Gregorio Cabral
Estado:
Kapanganakan: 14 Hulyo 1943

Tondo, Maynila

Kamatayan:
Asawa: Antero Espino
Mga Magulang : Fernando Cabral Sr.Consuelo Gregorio
Nationality :

Si Nerissa G. Cabral ay isang kilalang manunulat ng komiks sa Pilipinas. Ang kaniyang mga akda ay kadalasang mga kuwento ng pag – ibig, drama at pantasya. Pumalaot din ang kanyang kahusayan sa paglikha ng mga kwentong prosa sa mga pocketbooks at magasin.

Talambuhay

Isinilang noong ika-14 ng Hulyo 1943 sa Tondo, Maynila, siya ay anak ng doktor na si Fernando Cabral Sr. at Consuelo Gregorio. Lumaki siya sa Tondo kung saan niya hinalaw ang materyal para sa kaniyang mga akda. Nag-aral si Cabral ng isang secretarial course sa Philippine College of Commerce na ngayon ay Polytechnic University of the Philippines. Nagsimula siyang magsulat ng komiks sa edad na 21 kung saan ang dalawa sa pinaka-tanyag na pangalan sa komiks ang gumagabay sa kaniya: si Tony Velasquez at Antonio Tenorio.

Mga Obra sa Pelikula at Telebisyon

Ang kaniyang kauna-unahang akda, ang Bisperas ng Kasal ay nailathala sa Espesyal Komiks noong 1962. Noong 1966, pinagawa siya ng isang serial ng noon ay namamahala ng Pilipino Komiks, Inc. na si Mars Ravelo. Dito isinilang ang kaniyang unang komiks serial na pinamagatang Bawat Tiktak ng Orasan, Kamatayan na nailathala din sa Espesyal Komiks. Iginuhit ito ni Nestor Leonidez. At simula noon, nagpatuloy siyang gumawa ng mga serial na siya namang tinangkilik ng masa.

Mahigit 30 sa kaniyang mga akda ang nabigyang buhay sa pinilakang tabing at ilan sa mga ito ang Inagawan Ako ng Aking Ama, Karugtong ng Kahapon (1975), Modelong Tanso (1980), Paano Ba ang Mangarap? (1983), Karibal Ko ang Aking Ina (1982), Beloved (1985), Bituing Walang Ningning (1985), Bukas Luluhod ang mga Tala (1984), Palimos ng Pag – ibig (1986), Ang Bukas Ay Akin (1989), Tinik Sa Dibdib (1985), Hindi Nahahati ang Langit (1985), Kung Tapos Na Ang Kailanman (1990), at Kumukulong Dugo (1991).

Ilan din sa kaniyang mga likha ay nilapatan ng modernong interpretasyon sa telebisyon katulad ng Bituing Walang Ningning (2006), Walang Kapalit (2007), Palimos ng Pag – ibig (2007), at Paano Ba ang Mangarap? (2009).

Mga Parangal

Noong 1983, nanalo si Cabral ng Best Story sa 32nd FAMAS Awards para sa kaniyang akdang Paano Ba ang Mangarap?. Ang kaniya namang nobelang Nawawalang Munting Anghel na inilimbag sa Liwayway Magazine ay nanalo ng Best Komiks Novel Award sa Catholic Mass Media Awards noong 1979. Noon namang taong 1990, tinanghal siya bilang Most Popular Movie Writer of the Year ng Guillermo Mendoza Foundation.

Sa tala, siya ay nakapagsulat at nakapaglathala na ng 600 illustrated short stories, 150 short stories in prose, 200 komiks-nobela, at 50 romance novels para sa pocketbook. Kinilala si Cabral sa angkin niyang kahusayan na masasalamin sa bawat niyang obra na nag-iwan ng tatak sa isip ng mambabasa. Higit pa rito, nagawang haplusin ng panulat ni Cabral ang puso at damdamin ng lbu-libo niyang tagahanga sa bawat karakter na binigyan niya ng buhay na nag-ugat sa komiks.

Si Cabral ay naging publisher at editor ng La Primera Publishing House.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.