Nasyonalismo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang nasyonalismo, nagmula sa Aleman na nationalismus, ay isa sa mga konseptong bahagi ng pag-aaral ng kasaysayan. Ang nasyonalismo ay tumutukoy sa pagkakaroon ng katapatan sa interes ng bansa. Ang isang makabansa ay laging inuuna ang kapakanan ng kaniyang bansa.

Nasyonalismo ng mga Pilipino

Ang nasyonalismo ay humuhubog din ng bagong kasaysayan. Nagbibigay rin ito ng lakas sa mga bansa upang ipaglaban ang kanilang karangalan, kalayaan, at kayamanan. Sa Pilipinas, ang nasyonalismo ay naging sandata ng mga Pilipino upang labanan ang mga pananakop ng mga Espanyol, Amerikano, at Hapon. May mga Pilipinong lumaban gamit ang lakas at sandata tulad nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ang ilan naman ay lumaban gamit ang panulat at salita tulad nina Marcelo H. del Pilar, Graciano Lopez Jaena, at Jose Rizal.

Pagpapamalas ng Nasyonalismo

Ang nasyonalismo ay nagbibigay rin sa mga tao ng inspirasyon upang gumawa ng mga dakilang bagay. Ang ilang Pilipino ay naglingkod sa bayan at sa mga mamamayan. Ang iba naman ay binigyang-karangalan ang bansa sa paglahok sa mga internasyonal na paligsahan. Sinoman ay maaaring maipamalas ang nasyonalismo sa pagiging produktibong bahagi ng pamayanan.

Maaaring maipamalas ang pagmamahal sa bansa, tulad ng sumusunod:

  • Mag-aral nang mabuti. Paunlarin ang sariling sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsasagawa ng mga pang-araw-araw na gawain.
  • Isabuhay ang mga katutubong tradisyon. Tumulong sa pagpapanatili at pagpapayaman ng kultura ng bansa. Isang paraan ay ang pag-aaral at pagbabahagi ng mga tradisyonal na awit, sayaw, at laro.
  • Tangkilikin ang mga lokal na produkto at talento. Magtulungan upang mapaunlad ang buhay at kabuhayan ng bawat isa.
  • Igalang ang watawat ng Pilipinas, ang pambansang awit, at iba pang pambansang simbolo. Ang mga ito ay sumisimbolo sa kasaysayan ng bansa at nagbibigay-identidad sa mga Pilipino.

Hindi kailangan ng espesyal na kakayahan upang maipamalas ang nasyonalismo. Sapat na ang pagkakaroon malasakit sa bansa at kagustuhan matulungan ang kapuwa Pilipino.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.