NagaVax Express

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang NagaVax Express ay isang proyektong simulan ni Vice President Leni Robredo sa Naga City upang mabakunahan kontra COVID-19 ang mga senior citizen at mga mamamayang may karamdaman o comorbidity. Sinimulan ito noong Hulyo 23, 2021 at tumagal ng dalawang araw. Sa kabuuan, 6, 715 indibidwal ang naturukan sa Naga City.

Ang NagaVax Express ay hango sa naunang proyekto ni Robredo na Vaccine Express kung saan natulungang mabakunahan ang libo-libong mamamayan na kabilang sa A4 category o mga manggagawang lumalabas ng kanilang mga tahanan o frontliners.

Layunin at pagpapatupad

Ayon kay Robredo, dumulog ang local na pamahalaan ng Naga sa Office of the Vice President (OVP) upang tulungan silang mabakunahan ang mga mamamayan nila. Agad namang tumugon ang tanggapan ni Robredo at sinimulan ang proyektong tumakbo ng dalawang araw.

Nagkaroon ng limang vaccination sites sa buong Naga City: Urban Site Pacol Covered Court, Camarines Sur National High School, Holy Rosary Major Seminary, JMR Coliseum, at University of Nueva Caceres Sports Palace.

Sa unang araw ng NagaVax na ginawa noong Hulyo 23, 2021, mga senior citizen ang tinurukan ng Janssen vaccine na kilala rin bilang Johnson and Johnson vaccine. Ayon kay Robredo, mas nahikayat daw ang mga matatandang residente na magpabakuna dahil isang dose lang ang Janssen vaccine.

Personal ring tumungo si Robredo sa vaccination sites noong unang araw upang tiyaking maayos ang ginagawang pagbabakuna at tignan kung ano-ano ang mga suliraning kinahaharap nila sa proyekto. Sa ikalawang araw naman, ang mga may comorbidity ang nabigyan ng bakuna. Mayroon ding nabakunahang mga medical clerk at intern, mga overseas Filipino workers (OFW) na nakatakdang umalis sa bansa sa loob ng apat na buwan.

Naisakatuparan ang NagaVax Express sa tulong ng mga boluntaryong doctor, nars, at iba pang nagmagandang loob na tumulong.

Nagmula sa pamahalaang local ng Naga ang suplay ng bakuna na ginamit sa NagaVax. Ayon kay Robredo, liban sa Naga City, may mga LGU pang lumalapit sa kaniyang tanggapan upang matulungan sila sa paghikayat at pagbabakuna sa kanilang mga residente.

Suliranin at hiling

Itinuturing mang matagumpay ni Robredo at ng pamahalaang lokal ng Naga ang NagaVax Express, inisa-isa rin ng bise presidente ang mga suliraning kinahaharap nila sa pagpapatupad ng mga katulad na proyekto.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Robredo na nagkaroon ng kalituhan sa ikalawang araw ng NagaVax dahil sa kakulangan nang maayos na sistema para sa datos ng mga residente. Mas nagging maayos daw sana ang proseso kung may mapagkakatiwalaang database.

Ipinaabot din ni Robredo ang kagustuhan niyang magkaroon ng access ang OVP sa mga bakuna kontra COVID-19 upang mas mabilis nilang matugunan ang mga LGU na nanghihingi sa kanila ng tulong. Ayon kay Robredo, galling lang daw kasi sa donasyon ng Maynila ang ginagamit nila sa Vaccine Express at mula naman sa LGU ng Naga ang ginamit sa NagaVax.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.