Museo Sang Bata sa Negros

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Museo Sang Bata sa Negros ay isang natatanging museong pambata na matatagpuan sa baybayin ng Old Sagay, Sagay City, Negros Occidental. Ito ay isang marine reserve museum para sa mga bata. Ito ay nagsisilbing alternatibong paaralan na nakatuon sa pangangalaga ng mga yamang dagat sa bansa.

Layunin ng mga tagapagtaguyod ng museo na maging mulat ang kabataan at mga panauhin sa kahalagahan at wastong pangangalaga ng yamang tubig sa bansa. Sa pamamagitan nito, natutulungan nila ang mga lokal na komunidad kung paano maiingatan ang kalikasan.

Nakatanghal sa museong ito ang kapaligirang pandagat ng Pilipinas at Negros. Inter-aktibo rin ang museo kung saan maaaring hawakan ng mga bisita ang iba’t ibang bahagi ng pagtatanghal. Isang halimbawa ay ang simulasyon ng isang malaking coral na pinamagatang “Under the Sea.” Sa pagtatanghal na ito, maaaring pag-aralan ng mga bata ang coral nang malapitan at maglaro sa loob nito.

Isa pa sa mahalagang programa ng museo ay ang tinatawag na “Museum Junior Guide Program” kung saan ang mga batang may edad 8 hanggang 12 ay nagsisilbing tour guide sa loob ng museo. Dahil ang mga batang ito ay karaniwang anak ng mga mangingisda, ang kaalaman na kanilang matatamo mula sa museo ay makatutulong sa kanila upang maging tagapangalaga ng kalikasan.

Sanggunian

“Museo Sang Bata sa Negros.” https://www.museosangbata.org/about/. Accessed 11 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.