Mula sa Puso

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Mula sa Puso ay isang teleserye ng ABS-CBN na unang ipinalabas noong 10 Marso 1997 hanggang 2 Abril 1999. Ginawa ring itong pelikula pagkatapos ng teleserye noong taong ding iyon. Noong 28 Marso 2011 naman ay sinimulang ipalabas ang bagong bersiyon nito na tumatakbo hanggang sa kasalukuyan.

Ang mga gumanap ng mga pangunahing tauhan sa unang bersiyon ay sina Claudine Barreto, ang pumanaw nang si Rico Yan, at si Diether Ocampo. Tampok naman sa bagong bersiyon sina Lauren Young, JM De Guzman at Enrique Gil.

Sinopsis

Si Via (Claudine Barreto), na nag-iisang anak ni Don Fernando (Juan Rodrigo), ay lumaki sa isang mayamang pamilya at lahat ng pangangailangan at mga kagustuhan niya ay naipagkaloob sa kanya. Noong ika-labing walong kaarawan niya, natuklasan niya na naipangako na siya ng kanyang ama na ipakasal kay Michael (Diether Ocampo), na kanyang kababata't kaibigan.

Bago matapos ang kanyang debu ay na-kidnap siya. Nailigtas siya ni Gabriel (Rico Yan), na siyang natutuhan niyang ibigin. Si Michael naman, kinalaunan, ay nagkaroon ng romantikong relasyon sa pinakamalapit na kaibigan ni Via na si Trina (Rica Peralejo).

Sa pagpapatuloy ng kuwento, kinailangan ni Via na magdesisyon kung sino ang kanyang pipiliin sa dalawang lalaki sa buhay niya, habang lumalalim ang kanyang kaalaman ukol sa tunay na pagkatao ng kanyang ina, sabay ng kanyang pakikipagtunggali sa kanyang kontrabidang tiyahin na si Selina (Princess Punzalan).

Ang karakter ni Selina ay naghahangad na makamkam ang kapangyariha't kayamanan ng kanyang kapatid na si Don Fernando.

Sa pagtatapos ay nagapi rin ni Via at ng kanyang pamilya si Selina, at naging tahimik na rin ang kanilang buhay.

Sanggunian

  1. Delos Santos, Nikki. “'Mula sa Puso' premieres on March 28, 2011” ABS-CBNNews.com, Entertainment, March 28, 2011 [1] (Binisita noong Abril 12, 2011)
  2. Chua, Kane Errol C. “3 award-winning stars in Puso.” Philstar.com, Entertainment, March 28, 2011 [2] (Binisita noong Abril 12, 2011)
  3. ”Mula sa Puso (1999)” The Internet Movie Database. [3] (Binisita noong Abril 12, 2011)

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.