Moro

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Moro ay tawag ng mga Kristiyanong Europeo sa mga Muslim na naninirahan sa Hilagang Africa noong ika-8 siglo. Noong panahon ng kolonyalisasyon sa Pilipinas, ito rin ang itinawag ng mga mananakop na Espanyol sa mga Pilipinong Muslim, partikular sa mga nananinirahan sa Mindanao at Sulu.[1]

Etimolohiya

Ang salitang Moro (Moor) ay nagmula sa salitang Latin na Maurus, tumutukoy sa mga katutubo ng sinaunang Mauritania sa hilagang kanluran ng Africa (kasalukuyang Algeria, Mauritania, at Morocco). Sinasabing ang kanilang pinagmulan ay ang lahi ng mga Berber, pinaghalong Itim at Arabe.[1][2]

Noong ika-8 siglo, maraming digmaang naganap sa pagitan ng mga Moro at Kristiyano kung saan halos matalo ng mga Moro ang mga Kristiyano. Sa kabilang banda, muling napasakamay ng mga Kristiyano ang kanilang mga nasasakupan sa Iberian Peninsula, na nasa timog-silangan ng Europe.[1]

Bangsamoro Organic Law

Nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Bangsamoro Organic Law noong 23 Hulyo 2018, itinatag ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ito ang ipinalit sa umiiral noong Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).[3]

Ang terminong Bangsamoro ay pinagsamang salita na bangsa, “bansa” sa wikang Malay, at Moro, pangkalahatang tawag ng mga Espanyol sa mga Muslim. Itinuturing na Bangsamoro ang mga orihinal na mamamayan ng Mindanao at ng kapuluan ng Sulu. Ibig sabihin, ang kanilang mga ninuno ay matagal nang naninirahan sa rehiyon, bago pa man dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas.[3]

Ang BARMM ay pinamumunuan ng isang punong ministro na inihalal ng mga Pilipinong Muslim sa pamamagitan ng isang asamblea na binubuo ng mga kinatawan. Noong 26 Pebrero 2019, itinalagang punong ministro nito si Ahod B. Ebrahim. Siya ay ipinanganak noong 15 Mayo 1949 sa Maguindanao.[4]  

Islam sa Mindanao

Ang mga Pilipinong Muslim ay binubuo ng iba’t ibang pangkat etniko. Bawat pangkat ay may kani-kaniyang paraan ng pamumuhay at kultura. Gayunman, ang Islam ay nananatiling mahalagang aspekto sa bawat isa na nag-uugnay sa kanilang lahat.[5][6]

Ayon sa tarsila, sinaunang dokumento ng henealohiya ng Sulu, ang mga banyagang komunidad ng mga Muslim ay matagal nang namumuhay sa Bud Datu, Jolo mula pa noong ika-13 siglo. Ang mga naunang Muslim sa Mindanao ay nagmula sa Jahore, Malaysia. [5][6][7]

Si Tuan Masha Ika o Tuan Masha’ika ang nagpakilala ng Islam sa mga mamamayan ng Jolo.[7]

Noong 1380, isang misyoneryong Muslim na nagngangalang Karim ul-Makhdum o Makhdum Karim (kilala rin bilang Sharif Awliywa) ang dumating sa Jolo. Higit na maraming mamamayan sa Sulu at mga kalapit na lugar ang nahikayat niyang sumunod sa Islam. Siya rin ang nakapagpatayo ng pinakauna at pinakamatandang masjid sa Pilipinas. Kinikilala ito bilang Masjid Sheikh Karimul Makhdum na matatagpuan hanggang ngayon sa Simunul, Tawi-Tawi. Pinaniniwalaan din na si Karim ul-Makhdum ay nagmula sa lahi ni Propeta Muhammad.[7][8]

Noong 1390, isa ring misyoneryong Arabe ang nagpalakas ng relihiyong Muslim sa Jolo. Siya ay si Raha Baguinda, prinsipe mula sa Sumatra, Indonesia.[7]

Bandang 1450, dumating naman si Abu Bakr o Sharif ul-Hashim sa Jolo at pinakasalan ang anak ni Raha Baguinda. Itinatag niya ang Sultanato ng Sulu. Ang Islam ay higit na pinalakas ng sultanato ni Abu Bakr sa Sulu at sa mga kalapit na lugar. Kinikilala siya bilang unang sultan sa Mindanao.[7]

At sa huling yugto ng ika-15 siglo, itinatag ni Sharif Muhammad Kabungsuwan, nagmula sa Johore, ang Sultanato ng Maguindanao. Masugid niyang ipinalaganap ang Islam sa Maguindanao at sa buong Mindanao. Itinaboy niya sa mga kabundukan ang mga katutubong pangkat na ayaw tanggapin ang Islam bilang kanilang relihiyon.[7][9]

Digmaan Laban sa mga Espanyol

Matapos masakop ang Luzon at Visayas (sa tulong ng mga Kristiyanong Pilipino), hinangad din ng mga Espanyol na masakop ang Mindanao at gawing Kristiyano ang mga mamamayan, igiit ang kanilang pamahalaan, at pakinabangan ang mga likas na yaman nito. Nilabanan ito ng mga Moro mula 1578 hanggang 1898.[10][11][12]

Ang paglaban ng mga Moro ay nagsimula noong 1578 nang magpadala si Gobernador-Heneral Francisco de Sande ng hukbo upang sakupin ang Jolo. Nagulat ang hukbo sa puwersa at lakas ni Sultan Panguian at ng mga mandirigmang Tausug. Gayunman, nagawa pa rin ng mga Espanyol na sirain ang Jolo bago sila umalis. Dahil dito, nagdeklara si Sultan Panguian ng jihad, banal na pakikidigma ng mga Muslim, laban sa Spain. Ang pangyayaring ito ay nagpasimula sa 300-taong pakikidigma ng mga Pilipinong Muslim laban sa mga mananakop na Espanyol.[10][11][12]

Noong 1596, sinubukan ng mga Espanyol na sakupin ang Cotabato, ngunit sila ay natalo ng mga mandirigmang Muslim. Nagpadala rin ang mga Espanyol ng mga ekspedisyong pangmilitar sa Mindanao at ang lahat ng ito ay nabigo rin na talunin ang mga Moro. Hindi lamang pinangalagaan ng mga Moro ang kanilang teritoryo, nilusob din nila ang mga bayan sa mga baybaying kontrolado ng mga Espanyol.[10][11][12]

Noong 1876, ang Sultan ng Sulu at ang mga Espanyol ay lumagda sa isang kasunduan kung saan kikilalanin ng Sultan ang kapangyarihan ng mga Espanyol kapalit ang taunang pensiyon para sa Sultan at sa mga tagapagmana nito. Gayunman, hindi pa rin nito napigil ang jihad na isinagawa ng ibang Moro.[12]

Mga Bayani ng Mindanao

Narito naman ang ilan sa mga kinikilalang bayaning Pilipinong Muslim na nakipaglaban sa mga Espanyol:

Sultan Kudarat

Si Sultan Kudarat ay kinikilala bilang pinakanatatangi at pinakamakapangyarihang sultan sa Mindanao. Bilang isang mataas na pinuno noong ika-16 siglo, nagawang pagkaisahin ni Sultan Kudarat ang mga katutubong pangkat sa Lanao, Cotabato, Davao, at Zamboanga. Dahil dito, nahirapan ang mga Espanyol na sakupin ang mga nabanggit na pook.[13]

Datu Uto

Si Datu Uto ay isang pinuno at mandirigmang Muslim mula sa Maguindanao. Pinamunuan niya ang mga pag-aalsa laban sa mga Espanyol noong dekada 1860. Nagawa niyang makipagkasundo sa iba pang pinuno sa Mindanao at pinagtibay ang kalakalan sa isa’t isa. Pinagsumikapan din niyang buoing muli ang sultanatong Maguindanao nang magkawatak-watak ito dahil sa mga alitan.[14]

Datu Bago

Ipinamalas naman ni Datu Bago ang kaniyang katapangan nang protektahan niya ang Davao Gulf upang hindi ito makontrol ng mga mananakop na Espanyol. Bagama’t kinilala siya ng mga Espanyol bilang pirata, itinuturing siyang bayani ng mga Moro. Bilang pagpupugay sa kaniyang kabayanihan, ipinatupad sa Davao City noong Marso 2018 ang isang ordinansa na kumikilala kay Datu Bago bilang bayani ng lungsod.[15]

Datu Akadir Akobar

Pinangunahan ni Datu Akadir Akobar ang mga pag-aalasa ng mga Mëranaw laban sa mga Espanyol noong 1891 at 1895. Upang maipagtanggol ang kanilang teritoryo, pinagtibay niya ang dalawang kuta sa Lanao Lake at nilagyan ng mga kanyon. Kilala rin siya bilang si “Amai Pakpak.” Ipinangalan sa kaniya ang dating Lanao General Hospital bilang pagkilala sa kaniyang kabayanihan sa Labanan sa Marawi noong 1895.[16]

Patuloy na ipinagtanggol ng mga Pilipinong Muslim ang kanilang teritoryo sa pagdating ng mga mananakop na Amerikano at Hapones.

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 Jamail A. Kamlian. “Who are the Moro people?” Philippine Daily Inquirer, 20 Oktubre 2012. https://opinion.inquirer.net/39098/who-are-the-moro-people, Accessed 11 Enero 2020.  
  2. Eilene G. Narvaez, Almario S. Almario, ed. “Moro.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas Edisyong Agosto 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. pdf.
  3. 3.0 3.1 “Republic Acy No. 11054.” Official Gazzette. https://www.officialgazette.gov.ph/downloads/2018/07jul/20180727-RA-11054-RRD.pdf. Accessed 11 Enero 2021.
  4. “Chief Minister’s Corner.” BARMM. https://bangsamoro.gov.ph/officials/chief-minister. Accessed 11 Enero 2021.
  5. 5.0 5.1 Deal Cruz, Nelia, Ruth Legaspi, and Evelina Villoria. Philippines: History and Government. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. 2005.
  6. 6.0 6.1 Bara, Hannbal. “The History of the Muslim in the Philippines.” National Commission for Culture and the Arts. https://ncca.gov.ph/about-ncca-3/subcommissions/subcommission-on-cultural-communities-and-traditional-arts-sccta/central-cultural-communities/the-history-of-the-muslim-in-the-philippines. Accessed 11 Enero 2021.
  7. 7.0 7.1 7.2 7.3 7.4 7.5 Cesar Adib Majul. “An Analysis of the ‘Geneology of Sulu.’” https://asj.upd.edu.ph/mediabox/archive/ASJ-17-1979/majul-genealogy-sulu.pdf. Accessed 11 Enero 2020.
  8. Sen. Edgardo J. Angar. “An Act Declaring the Sheikh Karimul Makhdum Mosque...” Senate.gov. http://legacy.senate.gov.ph/lisdata/51714538!.pdf. Accessed 11 Enero 2021.  
  9. Almario S. Almario. “Sharif Kabungsuwan.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas Edisyong Agosto 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. pdf.  
  10. 10.0 10.1 10.2 Deal Cruz, Nelia, Ruth Legaspi, and Evelina Villoria. Philippines: History and Government. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. 2005.
  11. 11.0 11.1 11.2 Zaide, Gregorio. The Philippine History and Government. Manila: The Modern Book Company, 1978.
  12. 12.0 12.1 12.2 12.3 Bara, Hannbal. “The History of the Muslim in the Philippines.” National Commission for Culture and the Arts. https://ncca.gov.ph/about-ncca-3/subcommissions/subcommission-on-cultural-communities-and-traditional-arts-sccta/central-cultural-communities/the-history-of-the-muslim-in-the-philippines. Accessed 11 Enero 2021.
  13. Mario Alvaro Limos. “Sultan Kudarat: The Philippines’ Most Powerful Sultan.” Esquire, 3 Hulyo 2019. https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/sultan-kudarat-the-philippines-most-powerful-sultan-a00293-20190703-lfrm. Accessed 11 Enero 2021.
  14. Quennie Ann J. Palafox. “Sultan of the River: The Rise and Fall of Datu of Buayan.” NHCP, 4 Setyembre 2012. https://nhcp.gov.ph/sultan-of-the-river. Accessed 11 Enero 2021.  
  15. Armando Fenequito Jr. “Davao City to declare Datu Bago as hero.” Philippine News Agency, 13 Marso 2018. https://www.pna.gov.ph/articles/1028518. Accessed 11 Enero 2021.
  16. Dr. Jaime C. Laya. “The Deeds of Marawi Heroes.” Manila Bulletin, 19 Marso 2018. https://mb.com.ph/2018/03/19/the-deeds-of-marawi-heroes. Accessed 11 Enero 2021.  

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.