Monique Lhuillier

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Diane Monique Lhuillier ay isang Pilipinong fashion designer na naninirahan sa Amerika.

Buhay at edukasyon

Isinilang si Lhuillier na may lahing Pranses at Cebuano mula sa isang prominenteng pamilya sa Pilipinas. Ang kanilang angkan ay nagmamay-ari ng ilang mga sanglaan sa mahigit na isang daang lungsod sa bansa. Lumaki siya sa Pilipinas at ang kanyang estilo sa pagdidisenyo at pananamit ay nagmula sa kanyang ama. Ang kanyang ama naman ang nagbigay sa kanya ng ideya sa pagnenegosyo. Ipinagpatuloy ni Lhuillier ang pag-aaral nang magtapos sa Chateau Mont-Choisi boarding school sa Switzerland. Kumuha siya ng kurso sa pagdidisenyo sa Fashion Institute of Design and Merchandising sa Los Angeles.

Pagdidisenyo

Itinatag ni Lhuillier at ng kanyang asawa ang Monique Lhuillier and Company noong 1996 na umani ng papuri mula sa mga kliyente at mabilis na naging isa sa mga pangunahing tindahan ng mga damit pangkasal sa Amerika. Noong 1999, inilunsad niya ang unang koleksyon ng mga damit para sa ibang okasyon. Naging popular ang kanyang mga disenyo na gawa sa kamay, gamit ang mga telang inaangkat pa mula sa iba't ibang mga bansa. Patuloy na nadagdagan ang mga likha ni Lhuillier at hindi naglaon ay naging popular din ito sa mga artista sa Hollywood. Nagbukas din sila ng kanyang asawa ng isa pang tindahan sa Minneapolis, kung saan maliban sa mga damit ay mayroon ding mga sapatos, bag at pabango.

Mga pagkilala

Marami nang nakapagsuot ng mga likha ni Lhuillier kabilang na ang mga artista at sikat na personalidad tulad nina Jennifer Lopez, Halle Berry, Angelina Jolie, Meg Ryan, Britney Spears, Sharon Stone at Teri Hatcher. Nakapagsuot na rin ng ilan sa kanyang mga likha sina Sarah Jessica Parker, Janet Jackson, Jessica Simpson, Tyra Banks, Megan Mullally, Debra Mesing, Marg Helgenberger, Natalie Imbruglia, Jennifer Connelly at Mariah Carey. Higit siyang naging popular sa Amerika nang gawin niya ang damit pangkasal ni Christine Baumgartner kay Kevin Costner noong 2004 at ni Britney Spears kay Kevin Federline. Naging bahagi rin si Lhuillier ng proyekto ng Mattel na gumawa ng damit pangkasal para sa isang sikat na manika. Naging nominado siya bilang isa sa 100 Most Influential Filipina Women in the United States para sa kategoryang Innovators and Thought Leaders. Miyembro si Lhuillier ng Council of Fashion Designers of America.

  • 2001 Glamorous Designer Award
  • 2002 Avant Garde Bridal Designer Award
  • 2003 Designer of the Year Award from the Wedding Dresses Magazine

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.


Kategorya:Personalidad