Misa de Gallo
Ang unang tilaok ng manok sa madaling araw ng Disyembre 16 ang simula ng pagdiriwang ng Misa de Gallo, na kilala sa mga Pilipino bilang Simbang Gabi. Ang selebrasyoh ng misang ito ang pinakamahalaga sa lahat ng mga tradisyon tuwing Kapaskuhan dahil ito ang sumisimbulo sa pagdating ng tagapagligtas. Ang Misa de Gallo ay katagang Espanyol para sa “Midnight Mass” at ang literal na kahulugan nito ay “Mass of the Rooster” o “Misa ng Tandang”.
Kasaysayan
Ang Simbang Gabi ay nagsimula noong ika-16 na siglo. Isang Espanyol na pari ang tinipon ang ilang grupo ng mga magsasaka noong panahon ng ani na kasabay ng Kapaskuhan, at sama-sama silang nagpasalamat para sa magandang ani. Nagkaroon ng kantahan sa simpleng pagtitipon at isang simpleng agahan pagkatapos. Simula noon ay naging isang tradisyon na para sa mga magsasaka ang pagpapasalamat tuwing umaga sa panahon ng ani.
Pagdiriwang
Ang siyam na sunud-sunod na misa na karaniwang nag-uumpisa tuwing alas kwatro ng madaling araw, ay itinuturing na isang nobena ng mga Katoliko at sumisimba sa Aglipayan. Ang pasisimba sa siyam na madaling araw ay nagpapakita ng debosyon ng nagsisimba sa kanyang pananampalataya. Isang paniniwala naman ng mga Pilipino ang katuparan ng hiling ng kung sino mang makakakumpleto ng pagsisimba sa siyam na madaling araw.
Mga Kakanin
Matapos ang misa, madalas na ang mga nagsimba ay kumakain ng tradisyunal na mga kakanin pagdating sa kanilang bahay o di kaya naman ay sa labas ng simbahan kung saan mayroong nagtitinda ng mga ito. Kabilang sa mga kakaning ito ang bibingka at puto bumbong, na sinasamahan ng pag-inom ng salabat o kaya ay tsokolate.
Sanggunian
- “Misa de Gallo” Msc.edu.ph (Hinango 27 Nobyembre 2009)
- “Misa de Gallo” Tourisminthephilippines.com (Hinango 27 Nobyembre 2009)
- “Misa del Gallo” Ctspanish.com (Hinango 27 Nobyembre 2009)
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |