Mike de Leon

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Miguel Pamintuan de Leon, mas kilala sa larangan ng pelikula bilang Mike de Leon ay isang direktor, sinematograpo, manunulat ng iskrip, at prodyuser sa Pilipinas na nakapag-ambag ng napakaraming produkto ng sining dito sa bansa. Naipakikita niya ang kanyang kahusayan sa pamamagitan ng mga kuha, tunog, musika, at pag-eedit na kapag pinagsama-sama ay nagbibigay ng kakaibang ningning at pangungusap na hindi madalas makita sa ibang pelikulang Pilipino.

Pinagmulan

Isinilang noong 24 Mayo 1947, anak siya ng prodyuser ng LVN Pictures na si Atty. Manuel de Leon at ni Imelda Pamintuan. Apo rin siya ni Narcisa Buencamino Vda de Leon na mas nakilala bilang si Doña Sisang, isang prodyuser ng mga pelikulang Pilipino.

Edukasyon

Ang kanyang pagkahilig sa pelikula ay nagsimula sa kanyang dalubhasang pag-aaral ng kasaysayan ng sining sa University of Heidelberg, Germany, na kung saan napadalas ang kanyang pagbisita sa isang maliit na tanghalan upang manood ng mga klasikong pelikula.

Mga Pelikula

Bago mag-umpisang magdirek ng mga pangunahing pelikula, gumawa muna siya ng mga maiikling pelikula: ang Sa Bisperas (1972); at Monologo (1975). Nagtayo siya ng kanyang sariling kumpanya ng pelikula, ang Cinema Artists Philippines noong 1975, na sa pagsisimula ay pinrodyus ang pelikula ni Lino Brocka, ang ''Maynila, Sa Mga Kuko ng Liwanag'' na kung saan si de Leon ang namahala sa sinematograpiya.

Ang kanyang opisyal na kauna-unahang pelikula, Itim (1976), ay nagpakita ng kanyang mainam na pagbabalanse ng mga elemento ng pelikula upang mas makapagbigay ng panibagong pakiramdam sa mga manonood at karakter. Ang pelikulang Kung Mangarap Ka't Magising (1977) ay isang pagpupugay naman sa kanyang lola na si Doña Sisang (na kilala sa kasaysayan ng larangan ng pelikula sa Pilipinas), na ang ikasentenaryo ay ipinagdiwang noong taong 1978. Ang pelikulang ito ay nagpakita ng paraan ni de Leon sa pamamahala ng mga relasyon sa pagitan ng dalawang kabataan mula sa bourgeoise na klase ng lipunan. Sa Kakabakaba Ka Ba? (1980), Kisapmata (1981); ''Batch '81'' (1982); at Sister Stella L. (1984), tinalakay naman niya ang mga isyu sa pulitika at lipunan sa pamamagitan ng mga makapangyarihan at nakababahalang mga imahe. Ang isa pa niyang pelikula, Hindi Nahahati ang Langit (1985), na pinagbibidahan nina Christopher de Leon, Lorna Tolentino, Dina Bonnevie at Edu Manzano, ay naging matagumpay sa takilya. Ginawa niya rin ang hindi naipalabas na Bilanggo sa Dilim (1987) sa pangunguna nina Joel Torre, Cherie Gil at Rio Locsin.

Ang kanyang sumunod na pelikula, Aliwan Paradise ay bahagi ng Southern Winds (1993), isang antolohiya ng apat na pelikula mula sa mga bansang Indonesia, Thailand, Pilipinas, at Japan, na kinomisyon ng NHK at Japan Foundation.

Taong 2000 nang gawin niya ang Bayaning Third World na nagtatalakay sa kuwentong pag-ibig nina Jose Rizal at Josephine Bracken. Ito ay pinagbibidahan nina Joel Torre at Lara Fabregas. Ang pelikulang ito ay inendorso ng Department of Education, Culture and the Arts (DECS) dito sa Pilipinas.

Mga Parangal

Ang Maynila, Sa mga Kuko ng Liwanag ni Lino Brocka, ang nagbigay kay de Leon ng kanyang kauna-unahang parangal mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS), para sa pinakahusay na sinematograpiya. Noong 1976, nagwagi ang Itim sa Urian para sa sinematograpiya, pag-eedit at tunog, at naboto rin sa Urian na mapabilang sa Sampung Pinakanatatanging mga Pelikula ng Dekada, mula 1970 hanggang 1979. Nanalo rin siya bilang pinakamahusay na direksyon para rito, at ang pinakamahusay na pangunahing aktres naman ay nakuha ni Charo Santos mula sa 1978 Asian Film Festival na ginanap sa Syndney, Australia. ang Kakabakaba Ka Ba? ay nakapagbigay din sa kanya ng pinakamahusay na direksiyon na karangalan mula sa Urian. Para naman sa Kisapmata, nanalo si Vic Silayan bilang pinakamahusay na pangunahing aktor, Jay Ilaganbilang pinakamahusay na pangalawang aktor, Rody Lacap para sa sinematograpiya, Cesar Hernando para sa disenyong pamproduksiyon, Lorrie Ilustre para sa paglalapat ng musika at Ramon Reyes para sa tunog. Ang Batch '81 ay napili rin bilang pinakamahusay na pelikula ng Film Academy of the Philippines (FAP) at nagwagi rin ng pinakamahusay na dulang pampelikula para kina de Leon, Raquel Villavicencio, at Clodualdo Del Mundo,Jr. mula pareho sa Urian at FAP. Ang Sister Stella L. ay nakapagbigay naman kay de Leon ng pinakamahusay na direksiyon at pinakamahusay na dulang pampelikula na mga karangalan, nakakuha rin ito ng ilan pang mga karangalan mula sa Urian, kasama na ang pinakamahusay na pelikula.

Noong 1984, ang Kisapmata, AKO Batch '81, at Sister Stella L. ay napili ng Urian bilang tatlo sa Sampung Pinakanatatanging mga Pelikula ng Dekada, mula 1980 hanggang 1989. Ang Kisapmata at Batch '81 ay ipinalabas rin sa Directors' Fortnight ng Cannes Film Festival noong 1982, habang nag Sister Stella L. ay ipinalabas naman sa Venice noong 1985. Taong 1988 nang magtayo siya ng kauna-unahang kumpanya ng computer graphics animation sa bansa, na inilaan para sa industriya ng pag-aanunsyo sa telebisyon.

Para sa kanyang metikulosong paggawa ng pelikula na mayroong hindi matatawarang kagalingan, nakatanggap si de Leon ng Parangal Sentenyal sa Sining at Kultura noong Pebrero, 1999 sa Cultural Center of the Philippines(CCP).

At noong 2000, naparangalan siya ng pinakamahusay na direksiyon para sa Bayaning Third World na nagmula sa Gawad Urian.

Mga Panlabas na Kawing

Mga Sanggunian

  • DECS endorses De Leon's 'Bayaning Third World' (hinango noong 21 Abril 2008)
  • Lumbera, Bienvenido. "A Rare Product: Polished, Disturbing, Intelligent". Philippines Daily Express. 23 November 1982.
  • Tiongson, Nicanor G. ed. The CCP Encyclopedia of Philippine Art. Maynila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1994.