Mike L. Bigornia

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Mike L. Bigornia, na Michael de Leon Bigornia ang buong pangalan, ay isinilang noong 16 Mayo 1950, at tanyag na makata at sanaysayista noong dekada 1980 at 1990. Naging tagapangasiwang editor siya ng SIBS, bago binawian ng buhay sanhi ng atake sa puso noong 24 Setyembre 2001. Kabilang sa mga aklat ng tula ni Bigornia ang Puntablangko (1985), Prosang Itim (1996), at Salida (1996). Nalathala naman pagkaraan niyang yumao ang Bestiyaryo: Mga Piling Tula (2002) na inedit ni Roberto T. Añonuevo at ang Bisyo ang Pag-ibig/Love's a Vice (2004) na isinalin sa Ingles ni Alfred A. Yuson.

Umani ng mga parangal ang mga tula ni Bigornia mula sa mga institusyong gaya ng Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Gawad Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, Talaang Ginto: Makata ng Taon, SEAWrite Award sa Thailand, UP Creative Writing Center (na ngayon ay UP Institute of Creative Writing), at iba pa.

Halaga ng Tula

Hinugisan ni Bigornia ang panulaang Filipinas nang ilabas niya ang koleksiyong Prosang Itim. Ang nasabing aklat ang kauna-unahang aklat ng tulang tuluyan sa Filipinas, at palalawigin ni Añonuevo sa kaniyang aklat na Pagsiping sa Lupain (2000), samantalang paiigtingin ni Rio Alma sa kaniyang aklat na Memo Mulang Gimokudan (2006). Masinop, elegante, at malalim ang pagkakahabi ni Bigornia sa kaniyang mga aklat, at itinaas sa bagong antas ang wikang Filipino. Higit sa lahat, umisip din ng mga kagila-gilalas at pambihirang hulagway o talinghaga si Bigornia na ikagigitla ng sinumang nahirati sa mga panitikang Tagalog o Ingles.

Kasapian

Si Bigornia ay dating pangulo ng Galian sa Arte at Tula (GAT); pagkaraan ay naging tagapayo ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at Orágon Poets Circle; saka tatlong terminong nanilbihan bilang pangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), ang pinakamalaking organisasyon ng mga manunulat sa bansa. Bilang pangulo ng UMPIL, sinikap ni Bigornia na maabot ang mga manunulat at bumuo ng network; makipag-ugnayan sa mga tagaibang bansa upang makipagpalitan ng kaalaman ang mga manunulat; at pinasigla ang iba't ibang seminar na pampanitikang magagamit ng mga guro, manunulat, editor, at estudyante. Naging punong emeritus ng UMPIL si Bigornia, bago siya binawian ng buhay.

Sanggunian

  • Almario, Virgilio S., editor. Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tula sa Filipinas. Lungsod Pasig: Anvil Publishing House, 2006.
  • Bigornia, Mike L. Puntablangko. Lungsod Quezon: Tagak Series, 1985.
  • Bigornia, Mike L. Prosang Itim. Lungsod Pasig: Anvil Publishing, 1996.
  • Bigornia, Mike L. Salida. Lungsod Quezon: UP Press, 1996.
  • Bigornia, Mike L. Bestiyaryo: Mga Piling Tula, inedit ni Roberto T. Añonuevo. Lungsod Quezon: Tagak Series, 2002.
  • Yuson, Alfred A. tagasalin. Love's a Vice/Bisyo ang Pag-ibig. Maynila: National Commission for Culture and the Arts, 2004.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

Bigornia Bigornia Bigornia Bigornia