Miguel Malvar

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Heneral Miguel Malvar ay magiting na heneral na namuno sa sandatahang hukbo ng Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano at sa panahong pinatapon si Heneral Emilio Aguinaldo sa Hong Kong. Siya ay tinaguriang kahuli-hulihang heneral na sumuko sa hukbo ng mga Amerikano.

Talambuhay

Ipinanganak si Malvar noong 27 Setyembre 1865 sa Santo Tomas, Batangas. Ang kaniyang ama ay si Maximo Malvar, isang mayamang magsasaka ng palay at tubo, at ang kaniyang ina ay si Tiburcia Carpio. Ang tagumpay ng kaniyang ama sa pagsasaka ang nagdulot kay Malvar kasama ng kaniyang mga kapatid na magkaroon ng edukasyon. Dahil sa edukasyong ito, umunlad din si Malvar, nakapag-asawa at nabiyayaan ng anak.

Bilang Sundalo

Sa kalagitnaan ng taong 1890 ay sumiklab ang rebolusyon. Bumuo at namuno si Malvar sa isang hukbo kasama ng lider ng rebolusyon na si Emilio Aguinaldo. Ngunit dahil hinarap ang hukbo ng isang makapangyarihang sandatahang lakas, napilitan ang mga Katipunero na pirmahan ang kasunduan sa Biak-na-Bato, kung saan sumuko sila kapalit sa halagang 800,000 piso at pagpapatapon ni Aguinaldo sa Hong Kong noong 1897.

Noong 1898, sumiklab ang digmaang Espanyol-Amerikano. Hiningi ni Admiral George Dewey ang tulong ni Aguinaldo at ng mga rebolusyonaryo upang tulungan sila sa “Philippine Campaign.” Nagsimulang muli ang rebolusyon. Matagumpay na pinalaya si Malvar sa kamay ng mga Espanyol, kasama ng kainyang Batangas Brigade, ang Tayabas noong 15 Hunyo 1898 matapos ang dalawang buwang pakikipaglaban. Hindi nagtagal ay natalo ang mga Espanyol. Ngunit ang tagumpay laban sa mga Espanyol ay sadyang napakabilis lamang sapagkat noong 4 Pebrero 1899, sumiklab muli ang digmaang Pilipino-Amerikano at namunong muli si Malvar sa pakikipaglaban sa bagong kaaway.

Sa pakikipagtunggali laban sa mga Amerikano, lumiit ang tsansa ng tagumpay ng tropa ni Malvar at hindi nagtagal, naghiwa-hiwalay sila sa isang hukbong gerilya. Ang pagbabago ng taktikang ito ay hindi naging matagumpay kumpara noong digmaan laban sa mga Espanyol. Nagapi si Aguinaldo, na siyang nagbunsod kay Malvar na pamahalaan ang lahat ng puwersang rebolusyon. Sa bagong pamumuno, sinimulan ni Malvar ang bagong taktika ng pag-atake sa mga bayang sinasakop ng mga Amerikano.

Nagtagumpay sila sa paraang ito ngunit dumating si J. Franklin Bell. Inagaw nito ang Batangas sa pamamagitan ng “scorched earth tactics” na siyang nagbunga ng mabigat na pasanin para sa mga gerilya at maging sa mamamayan. Nakita ni Malvar ang posibleng kahahantungan ng mga Pilipinong walang kinalaman kung ipagpapatuloy pa ang digmaan. Nagdesisyon siya, kasama ng buong hukbo, na sumuko sa mga Amerikano.

Namatay siya noong 13 Oktubre 1911 at tinagurian bilang huling Pilipinong heneral na sumuko sa hukbong Amerikano.

Bilang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas

Noong 2 Enero 2008, naghain si Rep. Rodolfo Valencia ng Oriental Mindoro ng Panukalang Batas Blg. 2594 upang ideklara si Miguel Malvar bilang pangalawang pangulo ng Pilipinas. Sinasabi niyang nagkakamali ang mga manunulat ng kasaysayan ng Pilipinas sa pagsasabing si Manuel L. Quezon ang pangalawang pangulo ng republika na namuno matapos kay Heneral Emilio Aguinaldo.

Ayon sa kaniya, nararapat na ideklara si Miguel Malvar bilang pangalawang pangulo sapagkat siya ang namuno ng rebolusyong gobyerno matapos magapi noong 23 Marso 1901 at maipatapon sa Hong Kong si Aguinaldo.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.