Miguel López de Legazpi

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Pambungad

Si Miguel López de Legazpi ay ang kauna-unahang nakapagtatag ng teritoryo sa ngalan ng Espanya sa East Indies matapos na matagumpay na matawid ng kaniyang ekspedisyon ang Karagatang Pasipiko at mapayapang masakop ang Cebu noong 1565. Dahil dito, iginawad ni Haring Felipe II kay Legazpi ang karangalang Adelantado de Filipinas na nakapagbigay sa kaniya ng kapangyarihang pamunuan ang buong arkipelago noong 1570.[1] [2] Maliban sa Pilipinas, kabilang din sa pinamunuan ni Legazpi ang iba pang teritoryong bahagi ng Spanish East Indies: Maluku (Moluccas), Guam, hilagang bahagi ng Formosa (Taiwan), Marianas (Mariana Islands), Carolinas (Caroline Islands), at Palaos (Palau).[3] Sa pamumuno rin ni Legazpi bilang gobernador-heneral naging kabisera ang Maynila matapos niyang mapasuko si Raha Sulayman noong 1572.[4] Ipinangalan sa kaniya ang kasalukuyang kabisera ng Albay sa bisa ng isang opisyal na kautusan.[5]

Unang Bahagi ng Buhay

Si Miguel López de Legazpi ay ipinanganak noong 1502 sa isang mayamang pamilya sa bayan ng Zumárraga sa probinsiya ng Guipúzcoa sa Espanya. Siya ang pinakabunsong anak na lalaki nina Don Juan de Legazpi at Donya Elvira de Gurruchátegui. Ang kaniyang pamilya ay nirerespeto sa mundo ng militar at politika. Ang kaniyang ama ay unang nagsilbi bilang kapitan ng militar na lumaban sa hukbo ng Pransya na sinubukang salakayin ang kanilang lalawigan bago naging alkalde nito. Nang mamatay ang kaniyang ama, sumunod na umupo bilang alkalde ang kaniyang pinakamatandang kapatid na si Pero López de Legazpi. At bilang wala siyang makukuhang mana mula sa ama, umalis ang nakababatang Legazpi sa Guipúzcoa at nagpasiyang manirahan sa Nueva España (New Spain) na kasalukuyang tinatawag na Mehiko (Mexico).[6]

Buhay sa Nueva España

Mula sa pinakamababa, unti-unting umakyat ang posisyon ni Legazpi sa gobyerno. Una siyang nagsilbi bilang kalihim ng cabildo ng Nueva España, at kalaunan ay naupo bilang alkalde. At noong 1532, apat na taon pagkatapos niyang lisanin ang Espanya, pinakasalan ni Legazpi si Isabel Garcés, at nagsimulang bumuo ng sariling pamilya. Biniyayaan ang mag-asawa ng siyam na anak, apat na lalaki at limang babae. Pumanaw si Isabel noong 1559 makalipas ang dalawampu’t pitong taong pagsasama.[7]

Ekspedisyon sa Pilipinas

Dahil sa napakalaking gastos sa pagbuo at hindi inaasahang pagkatalo ng Spanish Armada, pinaigting ni Haring Felipe II ang paghahanap ng bagong mapagkukunan ng ginto at ibang yaman. Nais din ng hari na matapatan ng Espanya ang lumalaganap na kapangyarihan noon ng Portugal sa East Indies na hindi nilalabag ang Treaty of Zaragoza (Kasunduan sa Zaragoza). Kaya naman noong 1561, inatasan ng hari si Luís de Velasco, ang biseroy ng Nueva España, na maghanda para sa panibagong ekspedisyon sa Pilipinas at magtalaga ng taong mamumuno nito. Sa suporta ni Padre Andres de Urdaneta, si Legazpi ang napili ng biseroy, at nang aprubahan ng hari ang pasiyang ito, kaagad inumpisahan ang paghahanda para sa paglalakbay.[8]

Nagtagal ang paghahanda para sa ekspedisyon nang humigit-kumulang tatlong taon dahil inilihim ni Legazpi at ng Real Audiencia ang ilang detalye ng ekspedisyon mula sa mga napiling tauhan bilang pag-iingat laban sa pag-eespiya ng Portugal. Nalaman na lang nila Padre Urdaneta at kasama niyang mga misyonero na ang  tunay na destinasyon nila ay sa Pilipinas at hindi sa Nueva Guinea (New Guinea) nang sila ay nakaalis na ng daungan at ibinahagi sa kanila ni Legazpi ang mga utos ng Real Audiencia. [9][10]

Nang matapos ang lahat ng paghahanda, kaagad na naglayag ang grupo ni Legazpi. Umalis sila sa daungan ng Navidad noong 21 Nobyembre 1564 na may apat na barko. Ang pinakamalaki sa eskuwadron ay ang San Pedro na may bigat na humigit-kumulang limandaang tonelada. Ang nanguna sa paglalayag nito ay si Legazpi kasama sina Esteban Rodríguez bilang piloto mayor (pangunahing nabigador) at Pierres Plin bilang kaniyang second-in-command. Ang sumunod na pinakamalaki ay ang San Pablo na may bigat na halos tatlong daang tonelada, at ang komandante nito ay si Mateo de Saz, kasama sina Jaime Martínez Fortún at Diego Martín bilang mga pangunahing nabegador.

Ang dalawang pinakamaliit na barko sa eskuwadron ay tinatawag na pataches. Mayroon silang tig-dalawang palo (mast) na nagpapagaan sa mga ito. Ang isa sa mga patache ay ang San Juan na may bigat lamang na walumpung tonelada. Ang komandante nito ay si Juan de las Isla at ang kaniyang pangunahing nabegador ay ang kaniyang kapatid na si Rodrigo de Espinosa. Ang pinakamaliit sa apat ay ang San Lucas na may bigat lamang na apatnapung tonelada. Si Don Alonso de Arellano ang tumayo bilang komandante at si Lope Martín bilang nabegador nito. Sa kalagitnaan ng kanilang paglalayag palayo palayo ng Mehiko, nawala ang barkong San Lucas dahil sa isang bagyo at sinasabing nakarating hanggang Mindanao ngunit walang nakasalubong na ibang barko at naunang bumalik sa Navidad.

Mahigit sa tatlong daan at limampung tao ang sumali sa ekspedisyon ni Legazpi. Ito ay binubuo ng dalawang daang sundalo, isang daan at limampung marino, ilang Agustinong misyonero, at piling mga tagapaglingkod. Ang bilang ng mga sundalo at mandaragat ay hinati ayon sa kinakailangang mga tripulante sa bawat barko.[11][12]

Ang Pagdating sa Pilipinas

Sa kabila ng mga inisyal na pagdududa ng mga tauhan ni Legazpi  sa kaniyang kakayahang pamunuan ang ekspedisyon, matagumpay nilang narating ang Pilipinas at dumaong sa Look ng Gamay sa Samar noong 13 Pebrero 1565. Ngunit dahil sa malamig na pagtanggap at panghihinala sa kanila ng mga katutubo, lumipat ang mga Espanyol sa isla ng Manicani, malapit sa Golpo ng Leyte, makalipas lamang ng dalawang araw. Maliban sa rasyon ng pagkaing binigay ng mga katutubo, parehong pagtanggap ang nadatnan nina Legazpi at kaniyang mga tauhan sa islang ito. Nang hilingin ni Legazpi na pababain ang lahat ng kaniyang tauhan sa isla, sinalubong sila ng mga katutubo na may kasamang mga armas. Para maiwasan ang engkuwentro, daling pumalaot ang Espanyol patungo sa kalapit na nayon ng Cabalian.[13]

Ibang senaryo naman ang nadatnan ng puwersa ni Legazpi sa maliit na nayon ng Cabalian. Malugod silang tinanggap ng mga katutubo rito, ngunit hindi sila pinagkalooban ng rasyon ng pagkain ng pinuno ng nayon. Kaya naman, inutusan ni Legazpi ang kaniyang mga sundalo na nakawan nila ang mga katutubo para sa kanilang pang-araw-araw na panustos nang walang dahas. Kapalit ng kanilang mga kinuha, ipinamahagi ni Legazpi ang ilan nilang bakal na kagamitan tulad ng kutsilyo sa nayon. Sa sumunod na mga araw, narating nina Legzapi at ng kaniyang mga tauhan ang mga isla ng Limasawa at Camiguin at muli ay itinaboy sila ng mga naninirahan dito bago pa man makadaong.[14]

Nagpatuloy sa paglalayag ang eskuwadron ni Legazpi hanggang sa noong 14 Marso 1565, sa halip na patungong Mindanao, itinulak sila ng hangin patungo sa isla ng Bohol. Hindi tulad ng mga isla na kanilang unang dinaungan, ang mga Espanyol ay mainit na tinanggap dito ng mga katutubo. Upang mapatibay ang namuong pagkakaibigan sa dalawang lahi, nakipagsanduguan si Legazpi sa dalawang pinuno ng isla na sina Datu Sikatuna at Datu Sigala.[15]

Ang Pagsakop sa Cebu

Nakapagtatag lamang ng base rito sa Pilipinas ang ekspedisyon ni Legazpi noong marating nila ang Cebu. Sa pagdaong nila sa isla noong 27 Abril 1565, isang bomba mula sa isa nilang barko ang hindi inaasahang pumutok at sumunog sa daan-daang kabahayan ng mga katutubo. Natagpuan ng isa sa mga tauhan ni Legazpi ang isang estatwa ng Santo Niño (Holy Infant) sa gitna ng mga gumuhong kabahayan. Sinasabing ito raw ang parehong imaheng inihandog ni Antonio Pigafetta kay Reyna Juana, asawa ni Raha Humabon, noong 1521. At dahil tumakas sa kabundukan ang mga katutubo sa takot matapos ang sunog, unti-unting nagtayo ng base at tirahan ang mga Espanyol sa isla na bininyagan at pinangalanan ni Legazpi Santissimo Nombre de Jesus (The Most Holy Name of Jesus), sunod sa imahen ng Santo Niño.[16][17]

Makailang ulit tinangka ng mga katutubo na atakihin ang kampo ng mga Espanyol. Natigil lamang ito nang magpulong ang kanilang pinuno na si Raha Tupas at si Legazpi at bumuo ng kasunduan para sa ikatitibay ng relasyon ng dalawang panig. Ngunit, hindi pa rin nito napigilan ang nabuong pag-aaklas ng ibang tribu ng mga katutubo laban sa mga Espanyol at kay Tupas. May ilang sundalong Espanyol ding nagbalak mag-aklas laban kay Legazpi dahil sa labis na kakulangan ng pagkain at panustos. Lumalala ito noong mga taon ng 1568 hanggang 1570 nang mas maraming sundalo mula sa Nueva España ang ipinadala sa Cebu at may ilang barko ng mga Portugese ang biglang lumitaw sa baybayin nito. Matapos ang biglaang engkuwentro sa mga Portugese na tumagal ng ilang buwan, nagpasiya si Legazpi na kailangan nang lumipat ng base sa Panay bilang pag-iingat at para makahanap ng panibagong mapagkukuhan ng pagkain.[18][19]

Ang Pagsakop sa Manila

Mula Panay ay dinala ni Legazpi ang sakong-sakong ani at mga panibagong utos mula kay Haring Felipe II sa Cebu. Inatasan niyang magtatag ng panibagong bayan sa isla si Legazpi at igawad ang pamumuno nito kay Guido de Lavezaris. Kasama rin sa mga kautusan ang paghirang kay Legazpi bilang gobernador at kapitan-heneral, o gobernador-heneral, ng mga kolonya sa Pilipinas. Matapos maisakatuparan ang ibang kautusan, bumalik si Legazpi sa Panay at inutusan si Martin de Goiti na tunguhin at siyasatin ang isla ng Luzon kung saan nabalitaan nilang may bayan na tinatawag na Maynila na malapit sa lawas ng katubigan at sagana sa pagkain at ginto noong 3 Mayo 1570.[20]

Pagdating ng puwersa ni Goiti sa Maynila, kapansin-pansin agad kung gaano kahanda ang buong bayan para sa labanan. May malalaking pandayan at kanyong nakapalibot sa tirahan ng pinuno nito na si Raha Sulayman. May hinala na ang raha sa rason ng biglaang paglitaw ng mga Espanyol sa kaniyang nasasakupan, kaya agad naghanda ang mga Tagalog at nakipaglaban. Ngunit dahil sa tulong ng mga kakamping katutubo mula sa Visayas, natalo ng puwersa ni Goiti ang mga Tagalog at sinunog ang buong Maynila. Nang bumalik si Goiti at ang kaniyang mga sundalo sa Panay upang ibalita ang nangyari kay Legazpi, bumalik ang puwersa ni Sulayman sa Maynila at itinayo muli ang nawasak na kuta nito.[21]

Makalipas ang isang taon, bumalik ang mga Espanyol, at sa pagkakataong ito, kasama na si Legazpi upang pangunahan ang tuluyang pagsakop sa Maynila. Kasama ang mga pinuno ng ibang barangay, muling nakipaglaban si Sulayman. Ngunit, muli silang natalo dahil mas malaki ang puwersa ni Legazpi na may humigit-kumulang na 280 Espanyol at Bisayang mandirigma. Natapos ang ilang buwang digmaan at pagnenegosasyon kina Raha Sukayman at Lakan Dula noong 3 Hunyo 1572, at opisyal na idineklara ni Legazpi ang Maynila bilang sentro ng kapangyarihan ng Espanya sa Pilipinas.[22]

Huling Taon Bilang Gobernador-Heneral

Isa sa mga unang kautusan na binaba ni Legazpi bilang gobernador-heneral sa bagong kapitolyo ay ang pagpapatapos sa pagtayo ng kuta sa may bunganga ng Ilog Pasig. Inutusan din niya ang mga Tagalog na magtayo ng isang malaking tirahan para sa kaniya, isang malaking tambakan, isang kumbento at simbahan, at singkuwentang mas maliliit na bahay para sa mga Espanyol na sundalo. Noong 3 Hunyo 1572, opisyal niyang hinirang ang Maynila bilang isang lungsod at nagtakda ng dalawang alkalde, labindalawang konsehal, isang kalihim, dalawang pampublikong notaryo, at isang punong kawal. Ipinagpatuloy rin niya ang pagpuksa sa mga pag-aaklas ng mga Tagalog na naninirahan malapit sa Laguna de Bay. Ang kaniyang termino bilang gobernador-heneral ay biglang natapos nang siya ay mamatay dahil umano sa atake sa puso noong 20 Agosto 1572. Ang sumunod na umupo bilang gobernador-heneral ay si Lavezaris. [23][24]

Mga Sanggunian

  1. Teodoro A. Agoncillo, History of the Filipino People, 8th ed. Quezon City: R. P. Garcia Publishing Company, 1990, 74.
  2. Harry Kelsey, The First Circumnavigators: Unsung Heroes of the Age of Discovery. London: Yale University Press, 2016, 96.
  3. Charles Henry Cunningham. The Audiencia in the Spanish Colonies. Berkeley: University of California Press, 1919. Hinango mula sa Project Gutenberg, noong 5 Pebrero 2021, http://www.gutenberg.org/ebooks/41443
  4. Luis H. Francia, A History of the Philippines: From Indios Bravos to Filipinos. New York: Overlook Press, 2014, 51.
  5. Cynthia L. Perez. “Legazpi City,” Albay Tourism Weblink, (2015). Hinango noong 9 Pebrero 2021, http://rsso05.psa.gov.ph/Albay-Tourism/Legazpi%20City/Legaspi%20City.html
  6. Leoncio Cabrero Fernández, “Miguel López de Legazpi.” Hinango mula sa Real Academia de la Historia, noong 5 Pebrero 2021, http://dbe.rah.es/biografias/12306/miguel-lopez-de-legazpi
  7. Ibid.
  8. Nicholas P. Cushner, “Legazpi: 1564-1572,” Philippine Studies, 13 no. 2 (1965): 163-206. Hinango noong 5 Pebrero 2021, http://www.philippinestudies.net/ojs/index.php/ps/article/view/2480
  9. Stanley Karnow, In Our Image: America’s Empire in the Philippines. New York: Ballantine Books, 1989, 83.
  10. Kelsey, 92.
  11. Ibid, 91.
  12. Cushner, 170-171.
  13. Ibid, 178-179.
  14. Ibid, 179-180.
  15. Francia, 51.
  16. Cushner, 184-185.
  17. Maria Luisa T. Camagay et al., Unraveling the Past: Readings in Philippine History. Quezon City: Vibal Group Inc., 2018, 44-45.
  18. Ibid, 45.
  19. Cushner, 194-198.
  20. Ibid, 199.
  21. Francia, 51.
  22. Cushner, 202.
  23. Ibid, 204-205
  24. Fernández, 1.