Mga Sangay ng Pamahalaan ng Pilipinas Noong Panahong ng mga Espanyol

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Bago dumating ang mga Espanyol, may kani-kaniyang uri at estruktura ng pamumuno ang bawat pamayanan sa Pilipinas. Dahil isang arkipelago ang bansa, mayroon itong iba’t ibang isla at tribu na may natatanging kultura, sistema ng pamumuno, at kinikilalang pinuno. Karamihan sa mga pamayanan noon ay sumusunod sa sistema ng balangay kung saan ang pinakamayaman, pinakamalakas, at pinakamadunong ang nagiging pinuno. Ilang halimbawa ng karaniwang bansag sa isang pinuno noon ay apò, gat, lakan, datu, raha, at sultan.[1]

Nagkaroon lamang ng sentralisadong uri ng pamumuno ang bansa nang ito ay tuluyang nasakop ni Miguel López de Legazpi noong 1565.[2]

Opisyal na Pagkakatatag

Sa limang ekspedisyon matapos ni Ferdinand Magellan, si Miguel López de Legazpi lamang ang matagumpay na nakapagtatag ng base sa Pilipinas sa Cebu noong 1565. Unti-unting ring nasupil ni Legazpi ang mga karatig na isla sa mga sumunod na taon, at noong 1567, nabuo at naging opisyal ang pamahalaang kolonyal ng Pilipinas kasabay sa paghirang ni Haring Felipe II kay Legazpi bilang unang gobernador-heneral nito.[3]

Pamahalaang Kolonyal ng Pilipinas

Tulad sa ibang kolonya, ang pamahalaan ng Pilipinas noon ay sumusunod sa burukrásya ng Espanya, kung saan malaya itong pagsamantalahan ang kahit anong uri ng yaman sa bansa.[4] Batay sa nasabing sistema, ang pamahalaang kolonyal ay may dalawang pangunahing sangay, ehekutibo at hudikatura, at nahahati sa limang antas ng pamumuno: pambansa, panlalawigan, panlungsod, pambayan, at pambarangay.[5]

Balangkas

Pamahalaang Pambansa

Hari ng Espanya

  • Ang lahat ng nasasakupang kolonya ng Espanya, ang mga tao at mga yaman nito, ay nasa ilalim ng ganap na soberaniya ng hari. Ngunit dahil sa dami at layo, pinangangasiwaan ng hari ang mga nasasakupan sa pamamagitan ng Real y Supremo Consejo de las Indias (Royal and Supreme Council of the Indies), Virreinato de Nueva España (viceroyalty of New Spain), at gobernador y capitan-general (governor and captain general).

Virreinato de Nueva España

  • Ang Virreinato de Nueva España o Bireynato ng Bagong Espanya ay ang opisyal na tawag sa tanggapan ng biseroy ng Nueva España, kasalukuyang Mexico. Ang viseroy ay tumatayo ring  gobernador, kapitan-heneral, at pangulo ng nasabing dating kolonya. Maliban sa mga tungkuling ito, ang viseroy rin ang kinatawan at tagapamagitan ng hari sa mga usapin at isyu sa pamahalaan at simbahan sa ibang nasasakupang kolonya nito.[6] Halimbawa, habang hindi pa nakapipili ng bagong gobernador-heneral ng isang kolonya ang hari, ang viseroy ang magtatalaga ng pansamantalang hahalili sa nasabing puwesto.[7]

Real y Supremo Consejo de las Indias

  • Ang Real y Supremo Consejo de las Indias (Royal and Supreme Council of the Indies) ay itinatag noong 1524 ni Haring Charles V. Ito ang pinakamahalagang bahagi ng imperyo ng Espanya pagdating sa pangangasiwa at pagsasabatas ng mga utos at kagustuhan ng hari para sa mga nasasakupan nitong teritoryo. Dahil sa paghina ng kapangyarihan ng imperyo ng Espanya kasabay sa paglaya ng Mexico, ang konseho ay sumailalim sa maraming pagbabago at pansamantalang binuwag noong 1834. Ito ay muling itinatag noong 20 Mayo 1863 sa panahon ng pamumuno ni Reyna Isabela II.[8]

Kapangyarihang Tagapagganap (Sangay ng Ehekutibo/Executive Branch)

Gobernador-General de las Filipinas/Capitán General de las Filipinas

  • Ang Gobernador-Heneral/Capitán General de las Filipinas ang opisiyal na tawag sa gobernador at kapitan-heneral ng Pilipinas. Siya ang may pinakamataas na posisyon sa lokal na pamahalaan ng bansa. Bilang kapitan-heneral, siya rin ang commander-in-chief ng sandatahang lakas at hukbong pandagat ng pinamumunuan niyang teritoryo.[9] Bilang gobernador-heneral at kinatawan ng hari, ang dalawang pangunahing tungkulin niya ay pangasiwaan ang pagsasabatas at pagpapalaganap ng mga kautusan nito. Ang hari mismo ang pumipili ng gobernador-heneral at sa kolonyang pamumunuan nito mula sa listahang iminungkahi ng Council of the Indies.[10]
  • Ang himpilan at tirahan ng gobernador-heneral ay nasa Maynila, ang kabisera ng Pilipinas noong panahon ng Espanyol.[11]

Kapangyarihang Tagapaghukom (Sangay ng Panghukuman/Judicial Branch)

Gobernador-Heneral

  • Maliban sa mga naunang nasabing tungkulin, ang gobernador-heneral din ang pangulo o punong mahistrado ng Real Audiencia at bise patron ng simbahan. Ngunit, hindi tulad ng viseroy ng Nueva España, ang kapangyarihan ng gobernador-heneral sa usaping batas at simbahan ay limitado lamang sa kaniyang nasasakupang kolonya.

Real Audiencia

  • Ang Real Audiencia o Kataas-taasang Hukuman (Supreme Court) ang sangay ng pamahalaan na nangangasiwa sa sistema ng hustisya at pagsasabatas sa isang kolonya. Maliban dito, ito rin ang sangay na nangangasiwa sa himpilan ng gobernador-heneral.[12]

Residencia

  • Ang residencia ay isang sistema ng pagsusuri at imbestigasyon sa pamumuno ng isang gobernador-heneral pagkatapos ng kaniyang termino. Ito ay binuo ng viseroy ng Nueva España o ng Council of the Indies upang malaman kung ginampanan ba nang mabuti ng gobernador-heneral ang kaniyang tungkulin sa ngalan ng hari. Maliban sa gobernador-heneral, ginagawa rin ang residencia sa iba pang opisyal ng pamahalaang kolonyal. Ang imbestigasyon ay pinangungunahan ng isang pesquisador, at ang tawag naman sa sinisiyasat ay residenciado. Kapag ang isang residencia ay ginanap habang nasa termino pa ang gobernador-heneral o ibang opisyal, ang tawag sa imbestigasyon ay pesquisa.[13][14]

Visita

  • Ang visita ay isang biglaang inspeksiyon sa isang buong kolonya o partikular na probinsiya o lungsod o sa isang nakaupong opisyal. Ito ay ginagawa nang walang paunang abiso, at tulad din ng residencia, layunin nitong siguraduhin ang tapat at mahusay na paglilingkod ng mga opisyal sa hari ng Espanya. Pinangungunahan ito ng visitador-general na pinili mismo ng hari.[15]

Pamahalaang Panlalawigan

Ang pamahalaang panlalawigan ng Pilipinas noong panahon ng mga Espanyol ay nahahati sa dalawang uri:

Alcadia

  • Ang alcaldia ay minsan ding tinawag na provincia o hukuman; kalaunan, tinawag din itong lalawigan. Ito ay isang probinsiya o distrito na tuluyan nang nasupil at kontrolado ng mga Espanyol. Pinamunuan ito ng isang alcalde mayor na may parehong kapangyarihan sa mga usaping panghukuman at pagsasabatas sa kaniyang probinsiya. Mayroon ding pribilehiyo ang isang alcalde mayor na makipagkalakalan na tinatawag na indulto de comercio.[16][17]

Corregimiento

  • Ang corregimiento naman ay maituturing din na probinsiya o distrito ngunit ito ay ang isang lugar na hindi pa tuluyang nakokontrol ng militar ng Espanya. Pinamumunuan ito ng isang corregidor na kadalasang isa ring opisyal ng militar. May katulad siyang kapangyarihan at pribilehiyong makipagkalakalan ng isang alcalde mayor.[18]

Pamahalaang Panlungsod

Ayuntamiento

  • Ang ayuntamiento ay katumbas ng siyudad sa kasalukuyan. Pinangangasiwan ito ng cabildo o isang konseho (city council) na binubuo ng isa o dalawang alcaldes ordinarios (mayor), ilang regidores o konsehal (councilor), isang alguacil mayor o punong kawal (chief constable), at escribano o kalihim (secretary). Noong panahon ng mga Espanyol, mayroon lamang walong ayuntamiento: Maynila, Iloilo, Cebu, Jaro, Batangas, Albay, Nueva Cáceres, at Vigan.[19]

Pamahalaang Pambayan

Pueblo

  • Ang isang pueblo ay katumbas ng isang bayan sa kasalukuyan. Ito ay pinamumunuan ng isang gobernadorcillo na kumakatawan sa alcalde mayor o corregidor. Ito lamang ang pinakamataas na posisyon sa pamahalaang kolonyal na bukas sa mga Pilipino. Siya ang pangunahing opisyal na namamagitan sa pagkolekta ng tributo at pangangasiwa ng mga proyekto ng pamahalaan. Isa ang gobernadorcillo sa labindalawang delegadong bumubuo ng principalia.[20][21]

Pamahalaang Pambarangay

Cabeceiras de Barangay

  • Ang cabeceiras de barangay ay lipon ng mga barangay na binubuo ng mula apatnapu hanggang limampung pamilya. Pinamumunuan ito ng isang cabeza de barangay na isang posisyon na dating minamana ng mga datu at nang lumaon ay itinatalaga na lamang ito ng kapitan ng bayan (municipal captain). Isa sa mga tungkulin ng cabeza de barangay ay ang pangongolekta ng buwis at tributo sa utos ng gobernadorcillo. Ang termino ng isang cabeza de barangay ay tumatagal lamang ng tatlong taon.[22]

Mga Sanggunian

  1. Samuel K. Tan, A History of the Philippines: Student Edition. Quezon City: Univ. of the Philippines Press, 2008, 38-39.
  2. Teodoro A. Agoncillo, History of the Filipino People, 8th ed. Quezon City: R. P. Garcia Publishing Company, 1990, 74.
  3. David P. Barrows, “The Governor-General of the Philippines Under Spain and the United States,” The American Historical Review, 21 no. 2 (1916): 288-311. Hinango noong 14 Enero 2021, https://www.jstor.org/stable/1835051.
  4. Tan, 55.
  5. Agoncillo, 75.
  6. William Spence Robertson, “The Viceroy of New Spain by Donald E. Smith,” The Mississippi Valley Historical Review, 1 no. 1 (1914): 144-145. Hinango noong 18 Enero 2021, http://www.jstor.org/stable/1896973.
  7. Barrows, 295.
  8. Victoriano D. Diamonon, “A study of the Philippine government during the Spanish regime,” Iowa Research Online, (1919): 1-30. Hinango noong 14 Enero 2021, https://doi.org/10.17077/etd.5t89oqj0.
  9. Agoncillo, 75.
  10. Barrows, 290.
  11. Diamonon, 70.
  12. Luis H. Francia, A History of the Philippines: From Indios Bravos to Filipinos. New York: Overlook Press, 2014, 358.
  13. Diamonon, 88.
  14. Agoncillo, 76-77.
  15. Ibid, 77.
  16. Ibid, 75-76.
  17. Tan, 57.
  18. Ibid.
  19. Agoncillo, 76.
  20. Francia, 61.
  21. Diamonon, 108.
  22. Ibid, 121.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.