Mga Pangunahing Pangangailangan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang mga tao ay mayroong mga pangunahing pangangailangan upang mamuhay nang makatao. Kasama rito ang pagkain, pabahay, pananamit, at gamot. Upang makamit ang mga ito, mahalagang magkaroon sila ng kabuhayan upang makamit ang mga pangangailangang nabanggit.

Ngunit para sa ilan, hindi sapat ang pagkakaroon ng mga pangunahing pangangailangan. Kailangan ng regular na pagpasok ng pera upang mabayaran ang iba't ibang gastusin, makabili ng mga luho, at magkaroon ng maginhawang pamumuhay.[1]

Pagkain

Ang pagkain ay ang isa sa mga pangunahing pangangailangan ng mga tao. Ito ang nagbibigay ng lakas at nutrisiyon sa katawan upang tayo ay mabuhay.

Ang pagkain ng masusustansiyang pagkain ay nakatutulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit tulad ng obesidad, sakit sa puso, diabetes, at kanser. Dapat kumain ng maraming gulay, prutas, mga pagkaing mayaman sa fiber, manok, isda, at itlog.

Limitahan ang pagkain ng mga mataas sa saturated fat tulad ng processed na karne, burger, pizza, mga pritong pagkain, at sitsirya. Iwasan din ang pag-inom ng matatamis tulad ng soft drink, fruit drink, energy drink, at sports drink.[2]

Tubig

Ang pag-inom ng malinis na tubig ay mahalaga sa kalusugan. Nakatutulong ito sa pagproseso ng pagkain at pag-alis ng mga dumi sa katawan.[3]

Ang bawat tao ay kailangan ng 20 hanggang 50 litro ng tubig upang inumin, ipangluto, at ipanglinis. Dapat na ligtas at malinis ang tubig na iinumin at gagamitin upang maiwasan ang sakit tulad ng cholera. Taon-taon, 1.8 milyong tao ang namamatay dahil dito.[4]

Tirahan

Kailangan ng mga tao ng tirahan na magbibigay sa kanila ng proteksiyon mula sa init, lamig, malakas na hangin, at ulan. Kung wala silang bahay na masisilungan, maaari silang magkasakit.[3]

Ngunit ayon sa pagsasaliksik, isa sa apat na tao sa mundo ang walang maayos na tirahan. Mahigit 100 milyong tao sa mundo ang nakatira sa lansangan.[5]

Tulog

Ang pagkakaroon ng sapat na tulog araw-araw ay nakatutulong upang ang ating utak ay maging handang tumanggap ng bagong impormasyon. Kapag kulang sa tulog, mahihirapan ang mga taong matuto ng bagong kaalaman o malagpasan ang emosyonal na sakit na nararamdaman. Narito ang mga nirerekomendang oras ng tulog ayon sa edad:[6]

Edad Oras ng Tulog
0-3 buwang gulang 14-17 oras
4-11 buwang gulang 12-15 oras
1-2 taong gulang 11-14 oras
3-5 taong gulang 10-13 oras
6-13 taong gulang 9-11 oras
14-17 taong gulang 8-10 oras
18-25 taong gulang 7-9 oras
26-64 taong gulang 7-9 oras
65 taong gulang pataas 7-8 oras

Damit

Ang pagsusuot ng damit ay nagbibigay sa mga tao ng proteksiyon laban sa klima at panahon. Mahalaga ang pagsusuot ng malinis na damit upang makaiwas sa sakit. Dapat ding akma ang damit sa lugar, aktibidad, o okasyon.[7]

Gamot

Mahalagang makainom ng gamot ang mga maysakit. Dapat na may nakahandang gamot sa bahay para sa mga simpleng sakit tulad ng sipon, ubo, lagnat, sakit ng ulo, sakit ng katawan, sakit ng tiyan, at iba pa. Para sa mga may malubhang sakit, kailangan nilang makainom ng gamot sa takdang oras upang makatulong sa kanilang paggaling.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.