Mga Kuwento ni Lola Basyang

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Kinahihiligan ng mga Pilipino ang mga kuwento ng kababalaghan. Kabilang dito ang walang kamatayang kuwento ng aswang, manananggal, diwata, at iba pang kuwentong pumupukaw sa kanilang pansin. Ang pagkahilig ng mga Piliino sa mga ganitong kuwento ang dahilan ng pag-akma sa panlasang Pilipino ng “Mga Kuwento ni Lola Basyang.”

Sino si Lola Basyang?

Ang unang maiisip kung maririnig ang “Mga Kuwento ni Lola Basyang” ay isang lola na nakaupo sa kaniyang tumba-tumba at nagkukuwento sa kaniyang mga apo. Ito ang naging ideya ni Severino Reyes sa kaniyang pagsusulat ng mga kuwento na kinagigiliwan ng mga bata at maging ng matatanda. Ginamit niya ang katauhan ni “Lola Basyang” upang maisulat ang kaniyang mga kuwento.

Unang nakilala si Reyes bilang manunulat at direktor ng dula. Siya ay aktibo sa mundo ng teatro. Itinatag niya ang Gran Compania de la Zarzuela Tagala. Isa itong teatrong nagtatanghal sa iba’t ibang panig ng bansa. Dahil sa kaniyang naiambag sa sining na ito, kinilala si Reyes bilang “Ama ng Sarsuwela.”

Mga Unang Kuwento

Mayo 25, 1925 nang nailathala ang unang kuwento ni Lola Basyang. May pamagat itong “Ang Plautin ni Periking” at inilathala sa magasing Liwayway. Sumunod na rito ang halos 500 kuwento ni Lola Basyang. Ilan sa mga ito ay “Ang Prinsipeng Mahaba ang Ilong,” “Ang Prinsipeng Unggoy,” at “Ang Mahiwagang Kuba.” Puno ng hiwaga, pakikipagsapalaran, at aral ang mga kuwentong ni Lola Basyang.

Noong 1949, muling binuhay ng anak ni Reyes na si Pedrito Reyes ang mga kuwento ni Lola Basyang. Ito ay kaniyang isinalin sa komiks. Popular ang pagbabasa ng komiks noong panahong iyon. Makalipas ang ilang taon, unang ginawan ng pelikula ang dalawang kuwento ni Lola Basyang. Ito ay ang Si Pedrong Walang Takot at Ang Prinsesang Naging Pulubi, na ipinalabas noong 1958.

Patuloy pa rin ang paglaganap ng mga kuwento ni Lola Basyang. May mga palabas pa rin sa telebisyon, pelikula, radyo, dula, aklat, at maging sa komiks na dala ang mahihiwagang kuwento, imahinasyon, at mga aral ni Lola Basyang.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.