Mga Dakilang Ina

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang buhay ng bawat dakilang ina ay nagpapaalala sa atin ng kanilang pagmamahal at walang hanggang pagsasakripisyo upang mapalaki ng maayos ang kanilang mga supling. Ang bawat magulang, partikular ng mga ina ay walang hinangad kung hindi ang magandang kinabukasan ng kanilang mga anak bilang mga bagong tao na sa hinaharap ay gaganap ng mahalagang papel sa lipunan. Ang dunong at gabay ng isang ina ay mahahalagang salik sa tagumpay ng isang indibidwal.

Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga tanyag na mga Pilipinang ina na nagbigay ng liwanag at inspirasyon sa mga Pilipino.


Melchora Aquino, "Ina ng Katipunan" at "Ina ng Balintawak"
Melchora Aquino

Mas kilala sa tawag na Tandang Sora, siya ay isang rebolusyonaryo na tumulong sa mga Katipunero sa kanilang misyon. Sa loob ng kanyang tahanan ginaganap ang mga sikretong pagpupulong ng mga Katipunero at siya rin ang tumutulong upang sila ay pakainin at gamutin. Nakamit niya ang parangal na ito dahil sa mga kabayanihang nagawa niya sa kasaysayan ng Pilipinas.



Engracia Cruz-Reyes, "Ina ng Lutong Pilipino"

Si Aling Asiang at ang kanyang asawang si Alex ang nagtayo ng kilalang Aristocrat Restaurant, na naging dahilan upang makilala siya bilang isang simbolo ng kasaysayan at kultura ng pagkaing Pilipino. Ang Aristocrat ay kinikilalang isa sa pinakasikat na kainan sa Pilipinas.



Francisca Reyes Aquino, "Ina ng Sayaw ng Pilipinas"

Bukod sa tinaguriang "Ina ng Sayaw ng Pilipinas", siya rin ay isang guro at nasyonalista. Iniangat siya bilang Pambansang Alagad ng Sining dahil sa kanyang mga kontribusyon sa larangan nang pagsasayaw noong 1973. Siya ang kauna-unahang babaeng nakatanggap ng ganitong parangal sa kasaysayan ng Pilipinas. Si Aquuino ang awtor ng ilang mga aklat tungkol sa pagsasayaw tulad ng Philippine National Dances, Gymnastics for Girls, Fundamental Dance Steps and Music, Foreign Folk Dances, at marami pang iba.



Gregoria de Jesus, "Ina ng Pambansang Rebolusyon"

Kilala bilang Aling Oriang, siya ang nagtatag at ang naging bise-presidente ng sangay pangkababaihan ng Katipunan ng Pilipinas. Siya rin ang naging tagapangalaga ng mga dokumento at sagisag ng Katipunan. Si Gregoria de Jesus ang naging maybahay ni Andres Bonifacio, ang supremo ng Katipunan, at gumanap ng mahalagang papel sa rebolusyon.



Dr. Raquel del Rosario-Fortun, "Mother of Philippine Forensic Pathology"

Si Dr. Fortun ang kauna-unahang Pilipina na nagkaroon ng pormal na pag-aaral bilang isang forensic pathologist. Siya ay isang propesor sa UP College of Medicine na nagtuturo ng general pathology at legal medicine.



Trinidad Tecson, "Mother of Philippine Red Cross" at "Ina ng Biak na Bato"

Isa siya sa mga iilan lamang na mga rebolusyonaryong Pilipina na nakipaglaban kasama ang mga kalalakihan upang makamit ang kalayaan mula sa mga Kastilang mananakop kung kaya't umani siya ng titulo bilang "Ina ng Biak na Bato". Kasama siya sa Biak na Bato nang magkaroon ng engkwentro ang mga Pilipino at Kastila, at ginamot niya ang mga nagkasakit na mga kasamahang Pilipino. Tinawag siyang "Ina ng Awa" dahil sa pangangalaga sa mga sugatang Katipunero sa napakaraming labanan. Siya rin ay tinawag na "Mother of the Philippine National Red Cross" dahil sa paglilingkod niya sa mga kapwa Katipunero.


Sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.