Mga Alamat sa El Filibusterismo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

May mga tampok na alamat sa El Filibusterismo. Isa ito sa mga patunay na lumaki si Jose Rizal sa mga kuwentong-bayan, na marahil ay malimit ikuwento ng kaniyang ina.

Sa Kabanata 3 ng nobela na pinamagatang “Mga Alamat,” tatlong alamat ang itinampok ni Rizal. Sa kabanatang ito, binabagtas pa rin ng Bapor Tabo ang Ilog Pasig at napunta sa mga alamat ang usapan ng “mahahalagang tao” sa lipunan na nasa ibabaw ng kubyerta.

Narito ang mga alamat na iyon:

  • Malapad-na-Bato. Itinuturing ito bilang banal na bato sa Ilog Pasig na pinaniniwalaang tahanan ng mga espiritu. Gayunman, nang dumating ang mga Espanyol ay naging pugad ito ng mga tulisan kaya nasira ang paniniwala hinggil sa batuhang ito.
  • Kuweba ni Donya Jeronima. May isang mag-aaral na sumumpang pakakasalan ang isang dalaga sa kanilang bayan. Ang dalaga ay nanalig sa sinumpaan ng binata kaya hinintay niya ang pagbabalik nito. Makalipas ang maraming taon, tumaba at nalipasan ng kabataan ang dalaga na kinilala bilang si Donya Jeronima. Isang araw, nabalitaan na lamang niya na isa nang arsobispo ang dating katipan kaya pinuntahan niya ito at ipinaalala ang sinumpaan. Dahil imposible nang mangyari ang kasalan, nagkasundo na lamang sila na patirahin sa isang kuweba si Donya Jeronima at doon na rin ito namatay at inilibing. Pinaniniwalaan na isa nang engkantada si Donya Jeronima.
  • Himala ni San Nicolas. Noong unang panahon, maraming buwaya ang naninirahan sa mga lawa. Naglalakihan ang mga ito at buong lakas na sinasalakay at pinalulubog sa pamamagitan ng hagupit ng buntot nito ang mga bangkang dumadaan. May isang Tsino noon na hindi mananampalataya ang pinakitaan ng isang demonyo na nasa anyong buwaya. Itinaob ng buwaya ang bangka ng Tsino upang dalhin ito sa impiyerno. Nanalangin ang Tsino kay San Nicolas at naging bato ang buwaya.

Hari ng mga Indio

Sa ika-5 kabanata naman ng nobela na pinamagatang “Ang Noche Buena ng Isang Kutsero,” isang popular na alamat ng mga Tagalog ang binanggit tungkol sa Hari ng mga Indio. Pinaniniwalaang nakapiit at nakatanikala sa isang yungib sa San Mateo ang itinuturing na tagapagligtas ng mga Indio. Sa bawat sandaang taon, isang tanikala ang nalalagot nito at nakalagan na nito ang dalawang kamay at kaliwang paa.

Ang kanang paa na lamang nito ang may tanikala. Pinaniniwalaan ng mga Indio na lumilikha ng mga lindol at pagyanig ang kanilang hari sa tuwing ito ay magpupumiglas. Ang haring ito ay walang iba kundi si Bernardo Carpio.

Sanggunian

Jose Rizal, El Filibusterismo, salin ni Virgilio S. Almario. (Quezon City: Adarna House, 2011), mp. 18–23.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.