Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7).

MRT-7 Batasan Station Construction.jpg

Ang Manila Metro Transit Line 7, o mas kilala bilang MRT Line 7 o MRT-7, ay 22.8 kilometrong haba ng nakataas na daanan ng tren na kasalukuyang ginagawa. Ang linya ng tren na ito ay tatakbo mula North Avenue, Lungsod Quezon hanggang sa City of San Jose del Monte, Bulacan. Mayroong 14 istasyon ang MRT-7.

Ang proyektong ito ay nagkakahalagang nasa tinatayang ₱ 62.7 bilyon. Ang pagtatayo ng MRT-7 ay opisyal na nilagdaan ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong 21 Nobyembre 2013 bilang bahagi ng public-private partnership ng pamahalaan. Noong 20 Abril 2016, sinimulan ang konstruksiyon ng MRT-7. Sinasabing sa Disyembre 2022 makokompleto ang proyekto.

Kasaysayan

Noong 27 Agosto 2001 isang panukala ang ipinasa sa Department of Transportation and Communications (DOTC). Noong 2004, unang inaprubahan ang berisyon ng panukala para sa proyektong MRT Line 7 ng National Economic and Development Authority (NEDA) at Investment Coordination Committee (ICC). Matapos nito ay inaprubahan din ng NEDA ang $1.2 bilyong pondo para sa konstruksiyon ng MRT-7. Noong Oktubre 2004, pinirmahan ng Universal LRT Corporation ang isang kasunduan sa pagitan ng Manila Banking Corporation upang bumii ng 193 ektarya ng lupain sa Bulacan sa halagang ₱1 bilyon upang makatulong sa pag-uumpisa ng proyekto.

Ang Universal LRT Corporation ay nagbagong bihis bilang SMC-Mass Rail Transit 7 Incorporated na isang subsadyaryo ng San Miguel Corporation (SMC). Ang SMC-Mass Rail Transit 7 Incorporated din ang napili ng DOTC upang itayo ang linya noong 2008. Napili naman ng SMC ang mga kompanyang Hyundai Rotem at EEI Corporation bilang kontraktor ng engineering, procurement, at construction. Ang concession agreement ng proyekto ay nilagdaan noong 18 Agosto 2008. Uumpisahan na sana ang konstruksiyon noong Enero 2010 ngunit makailang ulit na naudlot. Ang Department of Finance ay naglabas ng terms of financial guarantee para sa linya noong 2014 habang ang financial closure naman para sa proyekto ay nakamit noong Pebrero 2016. Ang Hyundai Rotem ang nakakuha ng $440.2 milyong kontrata kasama ng SMC-Mass Rail Transit 7 Incorporated na magsusuplay ng 108 na bagon ng tren, at maging mga sistema ng komunikasyon, signaling, at power supply.

Noong 21 Nobyembre 2013 ay opisyal na inaprubahan ni noon ay Pangulong Benigno S. Aquino III ang proyekto sa ilalim ng public-private partnership (PPP). ₱ 62.7 bilyon ang pondo para sa proyekto.

Konstruksiyon

Nag-umpisa ang pag-aaral sa lupa at iba pang may kinalamang gawain bago simula ang konstruksiyon noong Pebrero 2016. Nagkaroon ng isang groundbreaking event noong 20 Abril 2016 na dinaluhan ni Pangulong Aquino. Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, ang proyekto ay matatapos sa taong 2019. Gayunman, dahil sa kabi-kabilang isyu ng right of way (ROW) kabilang ang pagkuha sa 33-ektaryang lupain sa San Jose del Monte, ay nagkaroon ng pagkaantala ang proyekto.

Naumpisahan ang konstruksiyon noong 15 Agosto 2017, mahigit isang taon nang gawin ang groundbreaking ceremony. Dahil din sa pag-uumpisa ng proyekto, nagdulot ito ng mabibigat na daloy ng trapiko lalo na sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at Quirino Highway sa Lungsod Quezon. Nagkaroon din ng relokasyon ng 160 pamilyang informal settlers at inilipat sa Rizal at Bulacan.

Inumpisahang gawin ang Batasan station noong 7 Oktubre 2017 at ang paggawa naman sa rail track sa North Avenue ay nagsimula noong 22 Enero 2018.

Matapos ang ilang pagdinig upang makuha ang lupain sa San Jose del Monte upang tayuan ng depot ng tren, inilipat na lamang ito sa Quirino Highway, Barangay Greater Lagro, Lungsod Quezon. Inapubrahan ito ni Tugade noong 29 Hunyo 2019.

Noong Setyembre 2021, iniulat ng DOTr at SMC na ang proyekto ay nasa halos 60 porsiyento nang kompleto. Sinasabing maaari nang magamit ang ilang bahagi ng MRT-7 sa Abril 2022 at magiging bukas na sa publiko ang kabuuan sa Disyembre 2022.

Mga istasyon at disenyo

Ang MRT-7 ay mag-uumpisa sa San Jose del Monte station sa Bulacan at magtatapos sa North Triangle Common Station sa Lungsod Quezon. Ito ay mayroong 14 na istasyon:

  • San Jose del Monte
  • Tala
  • Sacred Heart
  • Quirino
  • Mindanao Avenue
  • Regalado
  • Doña Carmen
  • Manggahan
  • Batasan
  • Don Antonio
  • Tandang Sora
  • University Avenue
  • Quezon Memorial
  • North Triangle Common Station

Tinatayang mas bibilis ang biyahe sa pamamagitan ng MRT-7. Magiging 2.5 oras na lamang ang biyahe mula San Jose del Monte, Bulacan patungo sa North EDSA, Lungsod Quezon. Sinasabi ring kaya nitong magsakay ng hanggang 28,000 katao sa isang biyahe sa isang direksiyon sa loob ng isang oras, o 36,000 kung bibilangin nang sabay ang biyahe sa northbound at southbound ng tren. Nasa hanggang 800,000 katao naman ang kaya nitong maisakay sa isang buong araw. Nasa 108 na bagon ang gagamitin para sa MRT-7.

Kasama rin sa proyekto ang pagtatayo ng isang 22km highway mula sa North Luzon Expressway (NLEx) Bocaue interchange at isang intermodal transport terminal (ITT) sa San Jose del Monte station.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.