Maximo Viola

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Maximo Sison Viola (1857-1933) ay isang doktor, konsehal at tagasuporta ng Kilusang Propaganda. Kilala si Viola sa pagbibigay ng pondo kay Jose Rizal para sa pagpapalimbag ng kaniyang nobelang Noli Me Tangere.

Talambuhay

Ipinanganak si Maximo Viola noong ika-17 ng Oktubre, 1857 sa Barrio Sta. Rita sa San Miguel, Bulacan. Nag-iisa siyang anak nina Isabel Sison ng Malabon , Rizal at Pedro Viola ng San Rafael, Bulacan.

Nag-aral si Viola sa San Miguel, Bulacan at nakapagtapos sa Colegio de San Juan de Letran sa Intramuros, Maynila. Kinuha niya ang kaniyang kursong pre-medical sa Unibersidad ng Santo Tomas. Noong 1882, naglayag si Viola patungong Espanya at nag-aral ng medisina sa Unibersity of Barcelona, kung saan niya nakilala ang iba pang mga estudyanteng Filipino, kabilang si Jose Rizal, na kaniyang naging malapit na kaibigan. In 1886, nakuha ni Viola ang kaniyang doctoral degree in medicine mula sa University of Barcelona.

Isa rin si Viola sa mga sumuporta sa mga propagandista tulad ni Marcelo H. del Pilar, na kaniyang binigyan ng suportang pinansiyal. Bumalik sika sa Pilipinas noong 1887 at namuhay sa bansa hanggang sa kaniyang kamatayan noong ika-3 ng Setyembre, 1933.

Pakikipagkaibigan kay Dr. Jose Rizal

Malaki ang papel na ginampanan ni Viola sa buhay ni Dr. Jose Rizal. Noong Marso 1887, binigyan ni Viola si Rizal ng pondo para sa pagpapalimbag ng Noli Me Tangere, na nauna nang binalak sunugin ni Rizal dahil sa kawalan ng pondo para sa pagpapalimbag nito. Dahil sa tulong ni Viola, nakapagpalimbag ng 2,000 kopya ng nobela. Bilang pasasalamat, ibinigay ni Rizal ang huling galley proofs at unang nalimbag na kopya ng Noli Me Tangere kay Viola.

Noong taong ding iyon, naglakbay sina Viola at Rizal sa Europa, kung saan pumunta sila sa Alemanya, Austria, Hungary at Switzerland, kung saan siya nakipagkita kay Ferdinand Bluemntritt, na isa ring matalik na kaibigan ni Rizal.

Noong 1887, bumalik si Viola sa Pilipinas at nagsimulang manggamot. Noong 1890, nagpakasal siya kay Juana Roura na taga-San Miguel. Nagkaroon sila ng limang anak na lalake, ngunit dalawa sa mga ito ay namatay noong sanggol pa lamang sila.

Noong Hunyo 1892, muling nagkita si Viola at Rizal sa Maynila. Dito niya nalaman ang sinapit ni Rizal, at dahil sa kanilang pagkakaibigan, nakasama sa listahan ng mga awtoridad si Viola. Pinuntahan ng Guardia Civil ang kaniyang bahay sa Bulacan at ininspeksyon.

Sa kasagsagan ng himagsikan noong 1896, nagtago si Viola para makatakas sa pagmamalupit ng mga Espanyol. Habang nakakulong siya sa Olongapo, tinulungan niya si Dr. Fresnell, isang Amerikanong doktor. Kinalaunan ay tinulungan siya ni Fresnell para makalaya.

Namatay si Viola sa edad na 76 noong ika-3 ng Setyembre, 1933 sa kaniyang bayan sa San Miguel.

Noong 1962, nagpatayo ng isang historical marker para kay Dr. Viola sa San Miguel, Bulacan.

Mga Sanggunian

Almario, Virgilio S., et al. (1991). Filway's Philippine Almanac: Centennial Edition, Makati: Filway Marketing, Inc.

Ancheta, Celedonio A. Jose Rizal's Life and His Complete Works. Diliman, Quezon City: National Bookstore, Inc., 1977

Reyes, Raquel A.G. "Love, Passion and Patriotism: Sexuality and the Philippine Propaganda Movement, 1882-1892." Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2009.

Zaide, Gregorio F. Jose Rizal: Life, Works and Writings. Reprint, Mandaluyong City: National Bookstore, Inc., 2005.