Max Alvarado

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Gavino Maximo Teodosio, higit na kilala bilang Max Alvarado, ay isang artistang Pilipino na nakilala sa kanyang pagganap sa maraming papel bilang kontrabida.

Buhay at Karera

Ipinanganak si Alvarado sa Lungsod Maynila noong 19 Pebrero 1929. Sina Gonzalo Teodosio at Maria Maximo ang kanyang mga magulang. Nagkaroon sila ng pitong anak ng kanyang asawang si Ester Hugo.

Ipinalabas noong 1949 ang dalawang unang pelikula ni Alvarado. Ito ang Kayumanggi (gamit ang pangalang Maximo Pompling) at Halik sa Bandila. Sa loob ng halos limang dekada bilang artista ay nakagawa siya ng mahigit sa 200 pelikula.

Nilinang ni Alvarado ang kanyang sariling estilo ng pag-arte bilang kontrabida. Binigyang-buhay niya sa pelikula ang mga kontrabida sa pamamaraang seryoso ngunit nakatatawa. Noong kanyang kasikatan ay itinuring siyang isa sa pinakamahuhusay na kontrabida sa pelikulang Pilipino.

Isa sa mga pinakakilalang karakter na ginampanan ni Alvarado ay si Lizardo, ang mahigpit na kalaban ni Flavio (ginampanan ni Fernando Poe, Jr.) sa serye ng mga pelikulang Ang Panday.

Bukod sa pagiging mahusay na kontrabida ay nasubukan din ni Alvarado ang maging bida sa ilang pelikula tulad ng Alias Chain Gang (1967), Totoy Guapo (1970), Baldo Is Coming (1971) at Gorgonya (1978).

Pumanaw si Alvarado noong 6 Abril 1997 dahil sa atake sa puso.

Mga Parangal

Itinanghal ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences si Alvarado bilang best supporting actor noong 1971 para sa kanyang pagganap sa pelikulang Ang Kampana sa Santa Quiteria. Nang taon ding iyon ay napili siya bilang best supporting actor para sa kanyang pagganap sa pelikulang Alyas Bagsik, na inilahok sa Quezon City Film Festival.

Ilang Pelikula

  • Kayumanggi (1949)
  • Halik sa Bandila (1949)
  • Sisa (1951)
  • Sandino (1952)
  • Sawa sa Lumang Simboryo (1952)
  • Dakilang Hudas (1955)
  • 7 Maria (1955)
  • Desperado (1956)
  • Lo-Waist Gang (1956)
  • Huling Mandirigma (1956)
  • Maskara (1957)
  • Kamay ni Cain (1957)
  • Bicol Express (1957)
  • Kalibre .45 (1957)
  • Pusakal (1957)
  • Pepeng Kaliwete (1958)
  • Sta. Rita de Casia (1958)
  • 4 na Pulubi (1958)
  • The Moises Padilla Story (1961)
  • Noli Me Tangere (1961)
  • Alias Chain Gang (1967)
  • Sa Manlulupig Di Ka Pasisiil (1968)
  • Totoy Guwapo (1970)
  • Baldo Is Coming (1971)
  • Ang Kampana sa Santa Quiteria (1971)
  • Nardong Putik (1972)
  • El Vibora (1972)
  • Zoom, Zoom, Superman! (1973)
  • James Wong (1973)
  • Kampanerang Kuba (1973)
  • Phantom Lady (1974)
  • Gorgonya (1978)
  • Ang Panday (1980)
  • Ang Pagbabalik ng Panday (1981)
  • Ang Panday (Ikatlong Yugto) (1982)
  • Ang Panday IV (Ikaapat na Aklat) (1984)
  • Inday Bote (1985)
  • Dugo ng Panday (1993)

Panlabas na Kawing

Sanggunian

  • CCP Encyclopedia of Philippine Art. Vol VIII. Philippine Film. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.
  • Bad Guys of Philipine Showbiz. (Hinango noong 15 Disyembre 2008).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.