MassKara Festival

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
MassKara Festival, Lungsod Bacolod, Negros Occidental

Ang MassKara Festival ay ipinagdiriwang sa Lungsod Bacolod, Negros Occidental tuwing Oktubre. Kilala ito bilang isa sa mga pinakamakukulay na pagdiriwang sa buong Pilipinas.

Kasaysayan

Parada ng mga taong nakasuot ng makukulay na kasuotan at ng nakangiting maskara ang pangunahing atraksiyon tuwing ipinagdiriwang ang MassKara Festival. Nagmula ang terminong MassKara sa mga salitang mass (malaking bilang) at kara (mukha). Samakatwid, ang MassKara ay nangangahulugang “maraming nakangiting mukha.” Ito rin ang dahilan kung bakit binansagan ang Lungsod Bacolod bilang “City of Smiles.”

Gayunman, masalimuot ang kuwento ng pagsisimula ng MassKara Festival dahil sa dalawang krisis na kinaharap ng lungsod noong 1980. Sa taong iyon, bumagsak ang ekonomiya ng Negros Occidental na nakasalalay sa pangunahin nilang produkto—ang asukal. Bumaba ang kita ng asukal noon dahil sa pagtaas ng popularidad ng mga alternatibong produkto mula sa Amerika. Pagtutubó ang pangunahing kabuhayan ng mga Bacoleno kaya malaki ang naging epekto nito sa kanila.

Ang ikalawang krisis na naganap sa parehong taon ay ang paglubog ng Barkong Don Juan. Tinatayang 700 Pilipino ang namatay sa paglubog, kabilang ang ilang mamamayan ng siyudad. May mga nagdadalawang-isip man kung itutuloy ba o hindi ang pagdiriwang dahil sa hindi umano ito naaangkop sa pagdadalamhati ng mga Bacoleno, nanindigan ang noon ay punongbayan ng lungsod na ituloy ang MassKara Festival upang maibalik sa mga mamamayan ang ngiti nito sa kanilang mukha.

Samakatwid, ang MassKara Festival ay nangangahulugan ng pagbangon mula sa matinding kagipitan at pagtatagumpay sa panahon ng krisis, trahedya, at kalamidad.

Unang ginanap ang MassKara Festival bilang panghalili sa kinagawian nang pagdiriwang sa Bacolod na kinatatampukan ng parada ng mga militar, pagkilala sa ilang mga piling personalidad, at mga programang musikal tuwing anibersaryo ng pagkakatatag ng naturang lungsod. Nagsimula ito noong panahon ng krisis sa naturang bayan.

Ang konsepto ng pagsasama ng mga salitang “mass” at “kara” ay nagmula sa dating pangulo ng Asosasyong Pang-sining ng Bacolod na si Ely Santiago, na sinuportahan naman ng dating tagapangasiwa sa turismo ng lungsod na si Romeo Geocadin at dating puno ng Kagawaran ng Turismo sa Negros Occidental na si Atty. Evelio R. Leonardia. Mula sa isang konsepto ay ipinagdiwang ang unang MassKara Festival noong 1981.

Makalipas ang tatlong taon, itinigil ang pagdiriwang ngunit dahil na rin sa pagsisikap ni Leonarida, nakakalap ang lungsod ng suporta mula sa pamahalaan at mga pribadong sektor upang maipagpatuloy ang pagdiriwang taun-taon.

Maskara

Ang mga kalahok sa pagdiriwang na ito ay nagsusuot ng makukulay na maskara. Nakangiti ang mga nasabing maskara na sumisimbolo ng ugali at pagkakakilanlan mg mga residente ng Bacolod.

Pagkilala

Kinikilala ang MassKara bilang isa sa pinakamalaki at pinakamagarbong piyesta sa bansa. Kinakatawan na rin ng MassKara ang Pilipinas sa iba't ibang malalaking selebrasyon sa Asya, tulad ng Chinggay Festival sa Singapore, Lunar Festival sa Hongkong, International Tourism Festival of Shanghai sa Tsina, at sa Midosuji Fetival Parade of Osaka sa Japan. Nakamit ng MassKara ang unang gantimpala sa Midosuji Festival para sa kategoryang kinabibilangan ng mga banyagang bansa.

Pagdiriwang

Bahagi ng pagdiriwang ang ilang mga kompetisyon sa pagsasayaw sa kalsada, kung saan lahat ng kalahok ay nakasuot ng makukulay na maskara at magagarbong pananamit. Kasama rin sa pagdiriwang ang patimpalak para sa pinakamagagandang binibini mula sa lungsod, ang MassKara Queen. Mayroon ding mga karnabal, mga kompetisyong pampalakasan at mga konsyerto.

Noong 2019, ipinagdiwang ang ika-40 taong anibersaryo nito na may temang “Bacolod, City of Smiles.”

Sa Panahon ng Pandemya

Dulot ng COVID-19 pandemic, idinaos sa unang pagkakataon ang MassKara Festival sa virtual na lunan. Ipinalabas noon sa SkyCable Channel 53 ang isang yugto ng pagdiriwang na pinamagatang “Bato’, Bacolod, bato’!” [Laban, Bacolod, laban!] na nagtampok sa mga nagwaging pagtatanghal mula sa mga nakalipas na taon. Inilunsad din ang “MassKara Pet Fashion Show 2020” na nagtatampok sa mga alagang aso at mga tagapag-alaga nito na nakabihis tulad ng mga kasuotan tuwing kapistahan.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.