Masjid Sheikh Karimul Makhdum

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Masjid Sheikh Karimul Makhdum ay ang pinakamatandang mosque ma matatagpuan sa Pilipinas.

Pagdating ng Islam sa Pilipinas

Ayon sa naitalang kasaysayan, isang Arabong misyonero ang nagpakilala ng Islam sa Mindanao. Ito ay si Makhdum Karim na nagpatayo ng pinakauna at pinakamatandang masjid sa Pilipinas—ang Masjid Sheikh Karimul Makhdum na matatagpuan hanggang ngayon sa Simunul, Tawi-Tawi na itinayo noong 1380.

Naging sentro ang nasabing masjid ng pananampalatayang Muslim sa Mindanao. Ayon din sa paniniwala ng mga Muslim, kinakailangang mapanatiling malinis ang masjid. Ito ang dahilan kung bakit ipinagbabawal ang pagsusuot ng sapin sa paa sa loob nito. Hinihiling din ang paglilinis at paghuhugas ng katawan ng bawat sasamba rito.

Mahalaga ang masjid sa kultura at relihiyong Islam. Ayon sa paniniwalang Muslim, sa masjid lamang sila dapat sumamba dahil ito lamang ang lugar na pinahihintulutang ipatayo ni Allah.

Dumaan din sa maraming renobasyon ang Masjid Sheikh Karimul Makhdum. Subalit ang apat na orihinal na pundasyong haligi ng mosque\ ay nakatayo pa rin na gawa sa puno ng ipil. Nasa tuktok din ng masjid ang simbolo ng Islam na tala at buwan.

Pambansang Pagkilala

Bilang pagkilala sa mga Muslim sa Mindanao, nagpatayo ng historical si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ng historical marker sa Sheikh Karimul Makhdum noong 1965. Bahagi ng National Cultural Heritage Act of 2009 ang pagdedeklara sa Masjid Sheikh Karimul Makhdum bilang pambansang dambana. Ito ay upang kilalanin ang naiambag ng Islam sa pagpapaunlad ng kultura ng Pilipinas. May nakalaan ding pondo ang pamahalaan upang mapangalagaan ito sa pamumuno ng National Historical Commission of the Philippines.

Noong May 2013, nilagdaan ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang Republic Act No. 10573 na kumikilala sa Masjid Sheikh Karimul Makhdum bilang opisyal na National Historical Landmark sa Pilipinas. Taunang ipinagdiriwang ang Sheikh Makdum Day tuwing Nobyembre 7.

Mga Sanggunian

  • Phillip Y. Kimpo Jr. “Masjid Sheik Karimul Makhdum.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.