Martin Romualdez

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Rep. Ferdinand Romualdez (18th Congress PH).jpg

Si Ferdinand Martin Gomez Romualdez (isinilang noong 14 Nobyembre 1963) na kilala rin bilang Martin Romualdez, ay isang Pilipinong politiko, negosyante, at abogado. Siya ay House Majority Leader simula 2019. Si Romualdez din ay kongresista ng Unang Distrito ng Leyte, isang posisyong hinawakan din niya mula 2007 hanggang 2016.

Noong 2016, tumakbo si Romualdez bilang senador ngunit nabigo. Siya rin ang may-ari ng mga kompanya ng dyaryong Manila Standard, Journal Group of Publications, at ng mass media firm na Philippine Collective Media Corporation. Siya rin ang pambansang pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) Political Party.

Isa si Romualdez, kabilang ang kaniyang asawang si Yedda Romualdez, sa mga mambabatas na bumoto pabor sa pag-aalis ng prangkisa ng ABS-CBN. Siya rin ay pamangkin ni dating First Lady Imelda Romualdez-Marcos.

Pamilya at edukasyon

Si Ferdinand Martin G. Romualdez ay isinilang noong 14 Nobyembre 1963. Siya ay ikatlong anak nina Benjamin “Kokoy” Romualdez at Juliette Gomez. Mula sa maimpluwensiya at mayamang angkan si Romualdez. Ang ama niyang si Kokoy Romualdez ay naging gobernador ng Leyte at naging Ambassador to the United States at isa sa pinakamayamang Pilipino. Pamangkin siya ni Imelda Marcos na asawa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Pinsan niya rin si Senadora Imee Marcos at dating Senador Bongbong Marcos.

Nag-aral si Romualdez sa Cornell University sa United States noong 1981 hanggang 1985. Nagtapos siya sa kursong Bachelor of Arts in Government. Noong 1988 naman, nakuha niya ang kaniyang Certificate of Special Studies in Administration and Management mula sa Harvard University. Natapos naman niya ang kaniyang Bachelor of Laws sa University of the Philippines College of Law noong 1992.

Si Romualdez ay ikinasal kay Yedda Marie M. Kittilstvedt, isang dating beauty queen na naging kinatawan ng Pilipinas sa Miss International 1996. Mayroon silang apat na anak na sina Andrew Julian, Ferdinand Martin Jr., Mariabella Gabrielle, at Maddey. Si Yedda ay kasalukuyang bahagi ng kongreso at kinatawan ng party-list na Tingog Sinirangan.

Trabaho

Noong 1992, si Romualdez ay nagtrabaho bilang trustee at pangulo ng Doña Remedios Trinidad Romualdez Medical and Dr. Vicente Orestes Romualdez Educational Foundation. Naging direktor at legal counsel din siya ng CARPA Realty Development Corporation noong 1995. Naging chairman of the board rin siya ng Equitable PCI Bank at naging direktor ng ilang kompanya tulad ng Philippine Commercial International Bank, Equitable Card Network, EBC Investments Inc., Equitable Savings Bank, PCI Leasing Corporation, at PCI Capital Corporation.

Bilang kongresista

Noong 2007, nanalo si Romualdez bilang kongresista ng Unang Distrito ng Leyte. Tumakbo siya sa ilalim ng partidong Kabalikat ng Malayang Pilipino party ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sa pagkakaupo niya sa kaniyang unang termino sa Kongreso, siya ay naging tagapangulo ng House Committee on Small Business and Entrepreneurship Development at naging vice-chairman ng Oversight and Banks and Financial Intermediaries Committees. Naging bahagi din siya ng ilang House committees tulad ng ecology, economic affairs, higher and technical education, justice, revision of laws, social services, suffrage and electoral reforms, at ways and means.

Si Romualdez din, kasama ni dating Pampanga Representative Juan Miguel Arroyo, ang nagpaumpisa ng panawagan ng Charter Change sa House of Representatives noong 2009. Kilala ring malapit sa pamilya Arroyo si Romualdez.

Pagtakbo sa Senado

Abril 2014 pa lamang ay inihayag na ni Romualdez ang kaniyang interes sa pagtakbo sa Senado para sa halalan 2016. Noong 13 Oktubre 2015, naghain na siya ng kandidatura sa ilalim ng Lakas-CMD party kung saan siya ay kasalukuyang pangulo.

Noong ika-2 anibersaryo ng pananalasa ng Bagyong Ondoy sa Tacloban, inihayag ni Romualdez ang kaniyang suporta sa pagtakbo bilang pangulo ni noon ay Bise Presidente Jejomar Binay. Inendorso rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Romualdez.

Gayunman, nabigong manalo si Romualdez sa eleksiyon. Nagtapos siya sa ika-15 puwesto matapos makakuha ng 12,325,824 boto.

Pagbabalik sa Kongreso

Tumakbong muli si Romualdez bilang kongresista ng Unang Distrito ng Leyte na hinawakan niya simula 2007 hanggang 2016. Walang kumalaban kay Romualdez sa posisyong ito. Ayon kay Romualdez, sa kaniyang muling pag-upo bilang kongresista ng Leyte ay ilalapit niya sa pangulo ang pangangailangan ng kaniyang mga nasasakupan at nais niya ring makipagtulungan kay Duterte upang maging mas maayos na bansa ang Pilipinas.

Noong Hunyo 2019, sinabi ni Romualdez sa isang pahayag na malakas ang laban niya sa pagiging bagong House Speaker. Ayon kay Romualdez, maraming kasamahan niya sa Kongreso ang nagpaabot sa kaniya ng suporta. Sinabi rin ng kaibigan ni Romualdez na si 2nd District Albay Representative Joey Salceda na nasa 178 na mambabatas ang magbibigay ng boto para kay Romualdez.

Gayunman, noong 22 Hulyo 2019, sa pagbubukas ng ika-18 Kongreso, si Taguig City – Pateros Representative Alan Peter Cayetano ang nahalal bilang bagong House Speaker matapos makakuha ng 266 na boto. Ito ay matapos iendorso ni Pangulong Duterte si Cayetano sa posisyon.

Sa kasalukuyan, si Romualdez ang Majority Leader ng House of Representatives.

Kontrobersiya

Nadawit ang pangalan ni Romualdez sa kontrobersiyal na mamamahaling hapunan ni Arroyo sa Amerika noong 2009. Sa inilabas na ulat ni noon ay Makati Mayor Jejomar Binay, gumastos daw si Arroyo at kaniyang mga kasama ng $20,000 o ₱950,000 para sa kanilang pagkain sa tanyag na Le Cirque restaurant sa New York City nang bumisita kay dating US President Barack Obama.

Kinumpirma naman ito ng Malacañang at sinabing kumain nga sa mamahaling restawran na iyon sina Arroyo. Gayunman, hindi naman daw si Arroyo ang gumastos nito kung hindi si Romualdez na sumama kay Arroyo sa kaniyang pagbisita sa Amerika. Pinuna ang magarbong hapunang ito dahil napaka-insensitibo raw na habang naghihirap ang mga Pilipino, gumastos nang halos isang milyong piso ang grupo nina Arroyo para sa isang kainan lang. Nasilip din si Romualdez sa kaniyang posisyon bilang Senior Vice President for Finance o chief fund raiser ng administrasyon para sa halalan 2010.

Bumoto rin si Romualdez at asawa nito kontra sa pagkaka-renew ng prangkisa ng ABS-CBN. Ngunit isang taon matapos ang pagkawala ng ABS-CBN sa ere, naglabas ng pahayag ang Philippine Collective Media Corporation na pagmamay-ari ni Romualdez na bukas ito sa pakikipagnegosasyon sa ABS-CBN na makapagpalabas ng kanilang mga programa sa kanilang kompanya at mapapanood sa buong Pilipinas. Sa kasalukuyan, wala pa ring nangyayaring negosasyon sa pagitan ng dalawang kompanya.

Halalan 2022

Unang lumabas ang pangalan ni Romualdez bilang kandidato sa pagkasenador. Gayunman, mas umingay ang pangalan ni Romualdez noong Hunyo 2021 bilang kandidato sa pagkabise presidente. Sinabi ni Pangulong Duterte sa isang pahayag na kung tatakbo si Romualdez ay susuportahan siya nito. Ayon kay Romualdez, natutuwa siya sa ginawang pag-eendorso sa kaniya ni Duterte. Bagaman ay bukas siya sa pagtakbo sa halalan 2022, hindi pa raw siya desidido sa kung anong posisyon sa tatakbo at nakatuon ang kaniyang pansin sa kaniyang trabaho sa kongreso at bilang pangulo ng Lakas-CMD. May mga balita rin na maaaring si Romualdez ang maging bise presidente ni Davao City Mayor Sara Duterte kung ito ay tatakbo sa pagkapangulo.

Lumabas din ang pangalan ni Pangulong Duterte na magiging kandidato sa pagkabise presidente. Ipinahayag naman ni Duterte ang interes niya sa pagtakabo. Ngunit sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na naniniwala siyang aatras si Duterte kung tatakbo si Romualdez. Ilang linggo matapos ang pahayag, kinompirma rin ni Duterte ang knaiyang pagtakbo at noong Setyembre 2021, inihayag na ng PDP-Laban na si Duterte ang ninonomina nila bilang kandidato sa pagka-bise presidente.

Sa ngayon, wala pa ring opisyal na desisyon si Romualdez sa kaniyang pagtakbo lalo’t maugong din ang balitang may posibilidad na tumakbo rin sa parehong posisyon ang kaniyang mga pinsang sina Bongbong at Imee Marcos.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.