Martin Andanar

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Martin Andanar 2018 (cropped).jpg

Si José Ruperto Martin Marfori Andanar (isinilang noong 21 Agosto 1974) na kilala rin bilang Martin Andanar, ay isang dating mamamahayag sa telebisyon at radyo at naging voice over talent din ng News5. Siya ay kasalukuyang kalihim ng Presidential Communications Office of the Philippines sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Naging pinuno si Andanar ng News5 Everywhere, ang online news video at audio portal ng TV5. Naging host din siya ng mga programa ng TV5 sa radyo at telebisyon tulad ng Aksyon sa Umaga, Andar ng mga Balita, at Punto Asintado sa Radyo5 92.3 News FM.

Noong Hunyo 2016, nang manalo si Duterte bilang pangulo ng bansa, inanunsiyo na si Andanar ang uupo bilang kalihim ng Communications Office ng Malacañang.

Personal na buhay

Si Martin Andanar ay isinilang noong 21 Agosto 1974 sa Maynila. Siya ay anak ni Wencelito Andanar na dating OIC governor ng Surigao del Norte noong 1986 hanggang 1988 at naging tagapangulo ng Philippine Coconut Authority noong 1982, at ni Rosario Marfori.

Nag-aral ng haiskul si Andanar sa Cagayan de Oro at sa Maynila. Nag-aral din siya ng isang taon sa kolehiyo sa University of the Philippines Los Baños bago siya lumipat sa Australia kasama ng kaniyang ina. Nagtapos siya ng Bachelor of Arts in Social and Political Studies and Film and Media Studies sa Federation Univeristy sa Australia. Natapos naman ni Andanar ang kaniyang Master in Entrepreneurship sa Asian Institute of Management noong 2007.

Noong 2008, ipinadala si Andanar kasama ang 30 pang Filipino Youth Leader ng US State Department sa Northern Illinois University para sa International Visitors Leadership Fellowship Program. Kumuha naman si Andanar ng Executive Course sa Public and Non-profit Management sa Georgetown University noong 2009. Natapos naman niya ang Senior Executive Fellows Program sa Harvard Kennedy School ng Harvard University noong Marso 2010.

Kumuha rin si Andanar ng kurso sa Public Policy Delivery noong 2015 at Countering Violent Extremism noong 2017 sa Lee Kuan Yew School of Public Policy sa Singapore. Mayroon din siyang maikling kurso sa FB News Literacy noong 2017 at APAC news literacy mula sa Hong Kong University. Nag-aral din siya ng doctorate studies on Public Administration sa University of the Philippines – Diliman.

Ikinasal si Andanar kay Alelee Aguilar, anak ng dating alkalde ng Las Piñas Vergel Aguilar. Mayroon silang dalawang anak at nakatira sila sa Muntinlupa.

Karera bilang mamamahayag

Unang napanood si Andanar bilang bahagi ng GMA News and Public Affairs. Siya ang naging tagapagbalita sa GMA Network News at isa sa mga unang host ng Unang Hirit noong 2000 hanggang 2002. Lumipat siya sa National Broadcasting Network (NBN) noong 2002 at naging tagapagbalita naman ng Teledyaryo hanggang 2004.

Muling lumipat si Andanar ng istasyon at naging bahagi ng news division ng ABC-5 na kalaunan ay nag-ibang bihis bilang TV5. Isa si Andanar sa naging haligi ng News5, ang news division ng TV5. Naging host siya ng mga programa tulad ng Sentro, TEN: The Evening News, Aksyon Weekend, Aksyon sa Umaga, Andar ng mga Balita, Punto Asintado, SOS: Stories of Survival, Crime Klasik, at Dokumentado. Pinangunahan din ni Andanar ang News5 Everywhere, ang online platform ng News5. Siya rin ang naging tinig o voice over ng Radyo Singko 92.3 News FM at AksyonTV.

Bilang PCCO Secretary

Si Andanar ay itinalaga ni Pangulong Duterte bilang Kalihim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) noong 30 Hunyo 2016. Nakompirma ng Commission on Appointments ang kaniyang pagkakatalaga noong 12 Oktubre 2016.

Bilang kalihim ng PCOO, pinangunahan ni Andanar ang pagbuo sa National Communications Strategy na nakatuon sa pagpapaunlad ng mga umiiral na media at communications resources ng pamahalaan at pagbuo ng mga bagong plataporma upang magkaroon nang mas malinaw at mas epektibong komunikasyon sa publiko. Si Andanar din ang nangunguna sa operasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan na nagbibigay impomrasyon sa publiko tulad ng Philippine Information Agency (PIA), Philippine News Agency (PNA), People’s Television Network (PTV), Philippine Broadcasting Service – Bureau of Broadcast Services (PBS-BBS), Bureau of Communications Services (BCS), National Printing Office (NPO), APO Production Unit, Radio Philippines Network (RPN), at Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC).

Isa sa mga pinakamalaking inobasyon sa pamumuno ni Andanar sa PCOO ay ang paggimit ng fiber optic internet connection. Naging makabago rin ang disenyo ng website ng mga ahensiya. Ipinatupad rin ang tatlong antas ng editing ng mga balita at impormasyong ilalabas nila upang masiguro ang kalidad.

Noong Hulyo 2017, lumabas sa isang artikulo ng The Philippine Star na si Andanar ang pinakamayamang opisyal sa kaniyang ahensiya. Noong taong ding iyon, idineklara ni Andanar ang kaniyang statement of assets, liabilities, and net worth (SALN) na may net worth na ₱152.27 milyon.

Presidential Task Force on Media Security

Si Andanar din ang humahawak sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na binuo noong Oktubre 2016 bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Duterte na bigyan ng proteksiyon ang mga manggagawa sa media.

Noong 2018 naglabas si Andanar ng Handbook on Personal Security Measures for Media Practitioners, isang dokumentong ipinakikita kung paano magagamit ang mga serbisyo ng pmahalaan para sa kanilang seguridad. Inilabas ito ni Andanar sa mga bahagi ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Naghain ng reklamo ang PTFoMS noong Disyembre 2018 laban sa pumatay sa radio personality mula sa Albay na si Joey Llana. Noong 2018 din ay nawala na sa listahan ng Reporters Without Borders ang Pilipinas bilang isa sa pinakamapanganib na lugar para sa mga mamamahayag. Ayon kay Andanar, ito raw ay resulta ng mga inisyatibo ni Duterte para sa kapakanan ng mga mamamayan. Noong 2020 din ay nawala na sa top five worst country for journalist ng Committee to Protect Journalists’ (CPJ) Global Impunity Index (GII). Sa kasalukuyan, nasa ikapitong puwesto ang Pilipinas.

Dutertenomics

Ang Dutertenomics ay isa sa mga pangunahing programa ng PCOO. Ito ay ang mga polisiyang pang ekonomiya ni Pangulong Duterte kabilang ang pagpapatayo ng mga impraestruktura at mga industriya. Ang Dutertenomics ay inilunsad ng Department of Finance (DOF) at PCOO sa isang forum na dinaluhan ng mga media mula sa bansa at ibang panig ng mundo kung saan tinalakay ang 10-point socioeconomic reform agenda ni Pangulong Duterte at ang layunin nitong mapababa ang kahirapan sa bansa at gawing isang middle-income economy ang Pilipinas sa 2022.

Interim Social Media Practitioner Accreditation

Noong 8 Agosto 2017, nilagdaan ni Andanar ang order no. 15 na tinatawag na “Interim Social Media Practitioner Accreditation” kung saan itinatakda ang ilang kwalipikasyon bago makapunta o makadalo ang isang social media publisher o blogger sa mga kaganapan sa Palasyo. Ayon sa order, kinakailangang nasa 18 anyos ang blogger at mayroong 5,000 follower upang makapag-cover kay Duterte. Ayon kay Andanar, malaking tulong ito upang maipalaganap ang responsableng pamamamahayag sa panahon ng social media.

Government Sattelite Network

Pinangunahan din ni Andanar ang pagbuo sa Government Satellite Network (GSN) na kayang makapag-transmit ng mga bidyo, larawan, tunog, at iba pang datos at kaya rin makapagbigay ng two-way o multiple 4k teleconference communication, internet, at iba’t ibang channel ng telebisyon sa buong Pilipinas gamit ang makabagong satellite at IPTV technology.

Emergency Warning Broadcast System

Ang Emergency Warning Broadcast System (EWBS) ay ang kauna-unahang early civil defense warning system para sa mga kalamidad ng Pilipinas na inumpisahang gamitin noong 10 Marso 2018. Ayon kay Andanar, ito raw ay makatutulong sa broadcast channel ng pamahalaan na PTV upang makapagbigay ng mga alerto at paalala sa oras ng sakuna.

Provincial Communications Officers’ Network

Ang Provincial Communications Officers’ Network (PCO Net) ay protekto ng PCOO na itinatag upang maisguro ang maayos at kapakipakinabang na pagdaloy ng impormasyon mula sa pangulo hanggang sa mga ahensiya ng pamahlaan, lokal na pamahalaan, at akademya sa pamamagitan ng isang plataporma kung saan makakakukuha sila ng mga impormasyong mula mismo sa Malacañang.

Ang PCO Net din angnaging daan sa pagkakatatag ng kauna-unahang National Information Covention (NIC) na dinaluhan ng 1,500 kawani ng pamahalaan at iba pang mga eksperto sa larangan ng komunikasyon. Ginawa ito ng tatlong araw sa Davao City.

Public Briefing (#LagingHanda PH)

Ang Laging Handa ay ang sinasabing unang komprehensibong programang pangkomunikasyon sa panahon ng krisis sa Pilipinas. Ang konsepto ay binuo ni Andanar noong 2016 na naglalayong pag-isahin ang pagkilos ng mga media agency ng pamahalaan sa pagbibigay ng kaalaman tungkol sa krisis. Nagamit ito nang lubos sa panahon ng pandemya kung saan binuo ang ilang programang pantelebisyon, radyo, at pang-internet sa pakikipagtulungan ng KBP.

Talumpati sa UN

Si Andanar ang nagbigay ng Philippine dignitary statement sa High-Level Segment sa 43rd Session of the Human Rights Council noong 26 Pebrero 2020. Dito ay binigyang diin niya ang polisiya ni Duterte sa kalayaan ng pamamahayag at karapatang pantao.

“We repeat the call for prudence in assessing claims particularly from sources who have enjoyed the hallowed status of human rights defenders while waging the longest insurgency in Asia and terrorizing communities in the Philippines.”

Duterte Legacy

Inumpisahan din ng PCOO ang kampanyang Duterte Legacy kung saan ipinakikita ang naging epekto ng pamumuno at mga programang sinimulan ni Duterte sa mga Pilipino. Nakatuon ito sa pagpapakita ng tagumpay ng mga programang ipinatupad na nakasentro sa pagpapanatili ng kaayusan, pagpapatayo ng impraestruktura para sa kaunlaran, at pagsugpo sa kahirapan.

Gayunman, mayroong ilang mga post sa social media na sinasabing hindi makatotohanan ang ilang ipinakikita ng Duterte Legacy campaign. Isa ang news website na Vera Files sa mga nagsabing hindi umano makatotohanan, kulang sa impormasyon, at mali ang kontekstong ipinalalaganap ng kampanya.

Iba pang proyekto

Noong Nobyembre 2018, nakipagpulong din si Andanar at iba pang opisyal ng PCOO sa mga nakaligtas sa Maguindanao massacre, kabilang ang pinuno ng mga Mangudadatu na si Esmael Mangundadatu at sinabing makakamit ang hustisya para sa mga ito. Pumunta rin si Andanar sa mismong pinangyarihan ng massacre at unang opisyal ng Communications team ng pamahalaan na dumalaw sa lugar.

Nagtayo rin ng Mindanao Media Hub na nagsisilbing pangunahing lugar ng pamahalaan ng brodkast sa Rehiyon 10 hanggang 13 na naghahatid ng mga programa at balitang para sa mga mamamahayan ng rehiyon.

Mga Kritisismo

Bilang bahagi ng PCOO, naging kontrobersiyal si Andanar nang minsang ipagtanggol ang mga kasamahan sa ahensiyang nasangkot sa pagre-red-tag ng mga mamamahayag, personalidad, at iba pang Pilipino na kumokontra sa pamahalaan. Ngunit giit ni Andanar sa isang pahayag, wala raw sinuman sa PCOO ang nag-red-tag ng sinuman. Sa mga ulat daw nila sa kanilang mga istasyon at pahayagan ng pamahalaan, wala raw maituturo na sila ay nasangkot sa red-tagging.

“The PCOO as an institution has never red-tagged anybody, you can check with our PTV broadcasts Radyo Pilipinas, the Philippine Information Agency, even the Philippine News Agency never red-tagged anybody.”

Noong Nobyembre 2016 naman ay sinabihan ni Senador Koko Pimentel si Andanar na muling balikan ang kaniyang kaalaman sa kasaysayan. Ito ay matapos sabihan ni Andanar na “temperamental brats” ang mga nagkikilos protesta laban sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ayon kay Pimentel, hindi raw dapat sabihan ang mga nagpoprotesta na sila ay “brat” dahil ang mga ito raw ay may prinsipyo at mula sa pinakamahirap na sektor ng lipunan.

Philippine Navy Reserve Force

Si Andanar din ay nanumpa bilang commissioned commander ng Philippine Navy Reserve Force noong 2 Oktubre 2020 sa Philippine Navy Headquarters. Ang pagkakatalaga kay Andanar ay alinsunod sa National Defense Act na nagbibigay ng ranggo sa sinumang tinalaga ng pangulo at inirekomenda ng Chief of Staff.

Halalan 2022

Noong Hulyo 2021, naglabas ng inisyal na listahan ang PDP-Laban sa mga posibleng kumandidato para sa kanilang partido. Kabilang sa mga pinagpipilian nilang pangalan ay si Andanar. Sinabi rin ni Andanar sa isang pahayag na hindi pa niya iniisip ang pagtakbo bilang senador at nakatuon siya sa kaniyang trabaho.

Noong Setyembre 2021, opisyal na inilabas ng PDP-Laban ang mga pangalang ineendorso nila sa pagtakbo sa Senado sa 2022. Wala si Andanar sa listahan. Gayunman, hindi pa rin opisyal na naglalabas ng pahayag si Andanar kung tatakbo ba siya sa 2022 o hindi na.

Mga parangal at pagkilala

  • 2004 18th PMPC Star Awards for Television Best Male Newscaster
  • 2008 22nd PMPC Star Awards for Television Best Male Newscaster
  • 2015 Gawad Sulo ng Bayan Awards TV Broadcaster of the Year
  • 2018 2nd Diamond Golden Awards Most Outstanding Public Servant
  • 2018 Gawad Pilipino Awards Dangal ng Sambayanang Filipino Award for Pinaka Mahusay sa Panglilingkod Bayan
  • 2019 Rotary Outstanding Surigaonon Award (ROSA) Outstanding Surigaonon in the field of government service
  • 2017 Federation University in Australia Distinguished Alumnus Award
  • 2018 Daily Tribune Best Media Personality
  • 2019 National Consumers Affairs Foundation outstanding media icon and broadcaster
  • 1st Mindanao Governance and Leadership Excellence Awards Outstanding Mindanaonon (2019)
  • 2019 Philippine Cancer Society Inc. (PCSI) Most Effective Communicator
  • 2019 Xavier University Outstanding Alumnus Award for Professional Service in Communication

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.