Mark Villar

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Mark A. Villar dpwh portrait.png

Si Mark Aguilar Villar ay isang Pilipinong negosyante at politiko na kasalukuyang Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Nagsilbi rin siya bilang kongresista ng Las Piñas. Siya ay anak nina dating Senador Manny Villar at kasalukuyang Senador Cynthia Villar.

Personal na Buhay

Si Mark Villar ay ipinanganak sa Las Piñas noong 14 Agosto 1978. May dalawa siyang kapatid, sina Manuel Paolo at Camille Lydia. Nag-aral siya sa International School Manila sa lungsod ng Makati. Nagtapos siya ng kursong Ekonomika, Political Science, at Pilosopiya sa Wharton School of the University of Pennsylvania. Kumuha rin siya ng master's degree sa Business Administration mula sa University of Chicago Booth School of Business.

Bago pumasok sa politika, nagtrabaho siya sa negosyo ng kanilang pamilya na real estate. Naging Managing Director siya ng Vista Land & Lifescapes at Pangulo ng Crown Asia Corporation.

Siya ay ikinasal kay Emmeline Yan Aglipay, isang abogado at kasalukuyang Pangalawang Kalihim ng Department of Justice.[1] Sila ay may isang anak na babae na si Emma Therese.

Politika

Nag-umpisa si Villar bilang kongresista ng Las Piñas pagkatapos ng tatlong termino ng kaniyang ina sa lungsod. Siya ay naging Tagapangulo ng House Committee on Trade and Industry at Pangalawang Tagapangulo ng House Committee on Overseas Workers Affairs, Labor and Employment, at Science and Technology.

Kakapanalo niya lang ng kaniyang ikatlong termino nang siya ay alukin ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumama sa kaniyang gabinete. Tinanggap niya ang paanyaya ng pangulo at nagbitiw bilang kongresista.[2][3] Itinalaga ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang asawa ni Villar bilang pansamantalang kinatawan habang hinihintay magkaroon ng espesyal na halalan.[4]

Noong 13 Hulyo 2020, inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pagtatalaga ng apat na bagong anti-COVID czar na mangunguna sa mga programa ng pamahalaan ukol sa COVID-19. Si Villar ay itinalagang Chief Isolation Czar dahil sa malaking papel ng DPWH sa pagpapagawa ng mga quarantine facility sa buong bansa.[5]

Makalipas ang dalawang araw, ibinalita ni Villar na tinamaan siya ng COVID-19 na kaniya ring napagtagumpayan.[6][7]

Halalan 2022

Ayon kay Villar, pinag-iisipan niyang tumakbo sa Halalan 2022. Bukas siya na tumakbo sa Senado. Nito lamang Agosto 2021, inanunsyo ng PDP-Laban na apat sa mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte ang magiging bahagi ng kanilang senatorial slate. Kabilang dito si Villar.[8]

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.