Maria Lourdes Sereno

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Maria Lourdes Punzalan Aranal Sereno ay isang abogado at guro. Siya ang kauna-unahang babaeng Punong Mahistrado ng Korte Suprema ng Pilipinas.

Naitalaga bilang ika-169 na Kasamang Mahistrado, siya ang kauna-unahang pagtatalaga ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa Korte Suprema. Kasunod ni Manuel Moran, na naupo sa gulang na 51, si Serono ang ikalawang pinakabatang punong mahistrado sa gulang na 52.

Siya rin ang pinakabata sa mga pinagpilian para palitan si Renato Corona, ang kauna-unahang Punong Mahistradong nahatulang nagkasala sa pamamagitan ng impeachment court. Nanumpa si Serono bilang ikadalawampu't apat na Punong Mahistrado noong 24 Agosto 2012. Kung hindi mapatalsik o mamatay, mananatili siya sa pwesto hanggang sa gulang ng pagreretiro na 70 taong gulang.

Kasal siya kay Mario Jose E. Sereno at may dalawang anak, sina Maria Sophia at Jose Lorenzo.

Kabataan at pag-aaral

Tubong Siasi, Sulu ang ama ni Serono at nagtuturo naman sa isang pampulikong paaralan ang kanyang ina. Nagtapos si Serono nang may parangal sa Mababang Paaralan ng Kamuning at sa Mataas na Paaralan ng Lungsod Quezon. Bilang iskolar, nakapagtapos siya ng kursong Economics sa Atenedo de Manila at abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), Diliman kung saan siya ang tinanghal na valedictorian.

Nakapagtapos din siya ng masteral sa UP School of Economics. Bilang pinarangalan ng De Witte Fellowship at Ford-Rockefeller Scholarship, nakapagtapos siya ng masteral sa abogasya nang may pagdadalubhasa sa batas at ekonomiya, at batas sa kalakalang panlabas sa University of Michigan sa Estados Unidos.

Bilang abogado

Nagsimula si Serono bilang junior associate sa Sycip Salazar Feliciano and Hernandez law firm. Subali't umalis din matapos ang dalawang taon para matutukan ang pagpapalaki sa mga anak. Sa gulang na 38, itinalaga siya bilang legal counselor sa World Trade Organization's Appellate Body Secretariat sa Geneva, Switzerland.

Nang sumunod na taon, siya ang tanging babaeng kasapi ng 1999 Preparatory Commission on Constitutional Reform kung saan siya ang pinuno ng Steering Committee. Matapos ang isang taon, kasama si Mahistrado Jose Campos, Komisyoner Haydee Yorac, at iba pang dalubguro ng UP College of Law, itinatag nila ang Accesslaw, isang korporasyong nagbibigay ng unang sistema ng elektronikong pananaliksik na may karagdagang paliwanag sa batas ng Pilipinas.

Hiniling ng United Nations Development Program kay Serono na magsulat ng papel tungkol sa pagbabago sa hudikutura na siyang naging basehan para sa unang programang pagbabago na tinanggap ng Korte Suprema. Nauwi ito sa kauna-unahang pag-uusap sa pagitan ng mga Kasapi ng Korte Suprema at mga kinatawan ng iba't ibang sektor ng lipunan. Tumulong din siya sa mga proyekto ng Korte Suprema sa pagpagitan at pagpapalakad sa mga sistema ng kasong panghudikutura. Kasama ang ilang guro sa UP School of Economics, gumawa siya ng artikulong batay sa survey tungkol sa hustisya at halaga ng pamumuhunan.

Naglingkod din si Serono bilang tagapayong ligal sa iba't ibang kawanihan ng pamahalaan gaya ng Tanggapan ng Pangulo, Tanggapan ng Tagausig Panlahat, Manila International Airport Authority, at ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya. Naging pinuno rin siya ng tanggapan ng Information and Public Division ng UP Law Complex, at nagtuturo sa The Hague Academy of International Law sa Cambodia.

Upang ipagpatuloy ang interes sa pagbago sa mga polisiya at epekto nito sa pamamahala at ekonomiya, naupo siya bilang tagapagpaganap sa AIM Policy Center. Nagtuturo rin siya sa Philippine Judicial Academy.

Pagkilala

  • Parangal para sa Batas, The Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS), 1998

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.