Maria Clara

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Sa Noli Me Tangere, si Maria Clara ay ipinakilala bilang nag-iisang anak nina Kapitan Tiago at Donya Pia Alba. Ngunit taliwas sa itsura ng pinaniniwalaang ama, siya ay ipinanganak na mestisa. Nang magdalaga, marami ang humanga sa taglay na kagandahan ni Maria Clara, idagdag pa rito ang karangyaan ng kaniyang pamilya.

Pinagmulan

Ang pagkakaalam ng lahat, si Maria Clara ay biyaya sa mag-asawang sina Kapitan Tiago at Donya Pia Alba. Matagal na hindi nagkaroon ng anak ang mag-asawa bago sila magsayaw sa Obando, alinsunod sa payo sa kanila ni Padre Damaso. Gayunpaman, nang magdalantao si Donya Pia, naglaho ang kaniyang pagiging masayahin. Ang pinakanakalulungkot pa, siya ay namatay nang isilang ang anak.

Lumaki si Maria Clara sa pangangalaga ng kaniyang Tiya Isabel. Sa payo ni Padre Damaso na kaniya ring ninong. pumasok si Maria Clara sa Betario de Sta. Catalina upang matuto sa mahigpit na pagtuturo ng mga madre.

Ang Itinadhana (?)

Naging magkasintahan sina Crisostomo Ibarra at Maria Clara na mula pagkabata ay naging magkaibigan. Si Maria Clara ay may dalisay na pagmamahal sa kasintahan. Taglay niya ang pag-uugali ng pagiging sinaunang Pilipina, mahinhin at supil ang damdamin. Marami ang humahanga sa taglay na kagandahan ng dalaga. Dagdag pa rito, isa siyang anak ng pinakamayaman sa kanilang lugar. Marami siyang kaibigan. Marami ang nag-aalala sa kaniyang kalagayan. Bago umalis si Crisostomo patungong Europe, nagkasundo na sina Don Rafael, ama ni Crisostomo, at Kapitan Tiago na ipakasal ang dalawa.

Mga Hadlang sa Kaligayahan

Maraming kaganapan sa Noli Me Tangere ang nagpabago sa kapalaran ni Maria Clara. Kabilang na rito ang pagkakatuklas niya sa kung sino ang kaniyang tunay na ama at ang pagtugis at “pagkamatay” ng kasintahan. Itinakda siyang ikasal kay Linares. Tinanggap niya ito alang-alang sa alaala ng kaniyang ina at sa dalawang lalaking may malaking kaugnayan sa kaniya. Gayunpaman, nang malamang patay na si Crisostomo, ipinaglaban niya na siya ay magmadre na lamang kaysa maikasal sa lalaking hindi niya mahal.

Kalungkutang Nadarama

Sa una hanggang kalagitnaan ng nobela, walang gaanong diyalogo si Maria Clara. Inilalarawan lamang siya ni Rizal batay sa kaniyang ekspresyon ng mukha, pananahimik, at pagpipigil ng damdamin. May mahaba siyang diyalogo sa Kabanata 7 Suyuan sa Asotea, ngunit nandoon pa rin ang kaniyang likas na pagkamahiyain, maging sa harap ng kasintahan.

Sa Kabanata 23: Pangingisda, higit na pinalutang ni Rizal ang isang katauhan ni Maria Clara, ang pagiging malungkutin at ang paghihirap na dinadala niya sa kaniyang puso. Itinampok sa kabanatang ito ang isang malungkot na awit na inawit ni Maria Clara nang hiritan siya ng mga kaibigan na umawit. Tumahimik ang lahat. Saglit na nawala ang tawanan sa kanilang pangkat upang bigyang-daan ang kaniyang kalungkutan.

Ang kaniyang awit ay tungkol sa pangungulila sa minamahal na ina. Gayunman, ayon kay Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio S. Almario, matalinong pakana ni Rizal ang paglalagay ng isang awit sa kaniyang nobela dahil aninag sa tula ang paghahambing ni Rizal “sa pagiging ulila ni Maria Clara sa paglulunggati sa Inang Bayan.”

Narito ang sipi ng awit na isinalin ni Almario:

“Kay tamis mabuhay sa sariling bayan

Lahat kaibigan sa silong ng araw,

Buhay kahit simoy na buhat sa parang,

Aliw ang mamatay, umibig ay banal.


May sarili ka bang bayan?

Dahil ako’y nalulumbay,

Huwag akong hahanapan

Ng bayan kong akin lamang!


Maalab na halik sa labi’y kasaliw

Magmula sa dibdib ng ina paggising;

Ang hanap ng bisig siya ay yapusin

At napapangiti ang mata pagtingin.


May ina ka bang nagmamahal?

Dahil ako’y nalulumbay,

Huwag akong hahanapan

Ng ina kong akin lamang!


Kay tamis mamatay kung dahil sa bayan,

Lahat kaibigan sa silong ng araw,

Lason kahit simoy para sa sinumang

Walang bayan, walang ina’t minamahal.”

Hugot ng Babaeng Sawî

Sa Kabanata 61 na pinamagatang “Ikakasal si Maria Clara” at Kabanata 63 na pinamagatang “Nagpaliwanag si Padre Damaso,” matutunghayan ang mga madamdaming linya ng dalaga na may malalim na pinaghugutan. Ipinaglaban na niya ang anomang natitira sa kaniya.

Narito ang ilan sa kaniyang mga linya na nagpabago sa kaniyang katauhan. Basahin nang madamdamin ang bawat isa.

“Ayoko ng katiwasayang handog mo sa akin. Ako lamang ang makapagdudulot ng katiwasayan sa aking sarili.”

“Kapag nalaman mo ang kasaysayan ko, ang malungkot na kasaysayang ibinunyag sa akin noong may sakit ako, maaawa ka sa akin at hindi mo ngingitian nang ganiyan ang aking paghihirap. Bakit hindi mo ako pinabayaang mamatay sa kamay ng aking ignoranteng doktor? Maaaring higit tayong maligaya!”

“Dapat ko bang ipagpakasakit ang aking pag-ibig alang-alang sa alaala ng aking ina, sa karangalan ng aking ama-amahan, at sa mabuting pangalan ng tunay kong ama? Maaari ko ba itong gawin nang hindi mo ako hahamakin?”

“Ano ang hindi gagawin ng isang anak alang-alang sa isang patay na ina at dalawang buhay na ama?”

“Ngayong patay na siya, walang lalaking makatatawag sa aking asawa niya...Noong buhay siya, maaari kong pababain ang aking sarili, dahil may nalalabi sa aking pampalubag-loob na alam kong buhay siya, at marahil, naaalala ako. Ngayong patay na siya...ang kumbento o ang libingan?”

“Kung mahal ninyo ako, huwag ninyo akong sawiin habambuhay. Patay na siya, ibig kong magmongha!”

“Ang kumbento o...ang kamatayan!”

Kahinaan at Kalakasan

Inilarawan din ni Rizal si Maria Clara na mapag-isa. Hindi kailanman naramdaman ng dalaga ang pagmamahal at suporta ng isang ina sapagkat namatay ang kaniyang ina ilang araw lamang matapos manganak. Wala siyang ibang mahingan ng tulong sa mga babae sa kaniyang paligid. Idagdag pa rito ang naging pagbubunyag tungkol sa kung sino ang tunay niyang ama at ang kaniyang mga pasakit nang pumasok sa kumbento. Marahil ito ang mga nakitang dahilan ng mga kritikong nagsasabi na babaeng mahina at walang sariling bait ang isang Maria Clara.

Sa kabila nito, hindi pa rin maipagkakaila na mas marami ang nagtatangi at kumikilala sa mga positibong naiambag ng imaheng ito sa lipunang Pilipino. Hindi ba’t nanatiling matatag si Maria Clara sa kabila ng mga kalungkutan at kakulangan? Hindi ba’t marami rin siyang isinakripisyo para sa kaniyang mga mahal sa buhay?

Sa Nagbabagong Panahon

Si Maria Clara bilang babae ay bahagi pa rin ng ating kasalukuyan—na dumaan din sa maraming hamon at pagbabago. Halimbawa nito ang mga pagbabagong naidulot sa kababaihang Pilipino nang dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas. Naging makabago ang pagiisip ng mga itinuturing nating Maria Clara nang mabigyan sila ng pagkakataon na makapag-aral at mapaunlad ang sarili. Muling nakita ang kahalagahan ng kababaihan sa panahong iyon kaya ginamit ang kakayahan ng mga babae sa pagtataguyod ng edukasyon at negosyo. Tila muling naging kabahagi ng lipunan ang kababaihang Pilipino.

Humahawak na rin ang kababaihan ng mahahalaga at matataas na katungkulan sa trabaho at sa lipunan. Nakikipagsabayan na rin ang mga babae sa mga gawaing dati ay ginagawa lamang ng mga lalaki. Sila ay patuloy na nagsusumikap upang magtagumpay.

Ang mga Maria Clara sa ating panahon ay nagtataglay ng mga katangiang maipagmamalaki—marangal, matapang, iginagalang, at may pakinabang sa lipunang kaniyang ginagalawan. Ang makabagong Maria Clara ay marunong mamuhay at makipamuhay—isang babaeng may disiplina, may tiwala sa sariling kakayahan, matalino, at matatag.

Kababaihang Pilipino

Ang tagumpay ng bawat Maria Clara ng ating panahon ay kasalukuyang natatamo dahil na rin sa suporta sa isa’t isa ng kababaihang Pilipino. Naririnig ang kanilang tinig sapagkat sila ay nagkakaisa sa pagtataguyod ng sarili, ng kapuwa, at ng bansa. Bumuo rin sila ng mga grupo na nagsusulong at nangangalaga sa mga karapatan ng kababaihan.

Mahigit 130 taon man ang lumipas mula nang unang nailimbag ang Noli Me Tangere, si Maria Clara ay kinikilala pa rin bilang isang natatanging persona.

Mga Sanggunian

  • Jose Rizal, salin ni Virgilio S. Almario. Noli Me Tangere. Quezon City: Adarna House, 1998.
  • Virgilio S. Almario. Rizal: Makata. Mandaluyong City: Avil Publishing, Inc., 2011.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.