Maria Asuncion Rivera

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Maria Asuncion Rivera ay ang pinaniniwalaang pinag-alayan ni Francisco Balagtas ng kaniyang walang-kamatayang awit, ang Florante at Laura.

Wagas na Pag-ibig

Ayon sa pananaliksik ni Hermenegildo Cruz, nagsagawa ng natatanging pag-aaral sa buhay ni Francisco Balagtas, ikinasal si Balagtas kay Juana Tiembeng noong Hulyo 1842. Gayunman, ibang babae ang itinuturing ni Balagtas na kaniyang wagas na pag-ibig, at ito ay si Maria Asuncion Rivera. Mababasa ito sa simulang pahina ng akda na pinamagatang “Kay Celia,” isang tula na binubuo ng 22 saknong. Sa huling saknong nito, napatutunayang si Rivera ang hinandugan niya ng awit dahil sa inisyal na MAR na binanggit dito.

“Ikaw na bulaklak niring dili-dili,

Celiang sagisag mo’y ang eMe A eRe;

sa birheng mag-ina’y ipamintakasi

ang tapat mong lingkod na si eFe Be.”

Ayon din kay Cruz, dalawang babaeng nililiyag ni Balagtas ang may inisyal na MAR at ito ay sina Rivera at isang nagngangalang Magdalena Ana Ramos. Gayunman, pinatotoo diumano ng mga kaanak ni Balagtas na si Rivera talaga ang inalayan niya ng “Kay Celia.” Batay sa mga pahayag sa tula, masasabi na tinugunan naman ni Rivera ang pagsinta sa kaniya ni Balagtas.

“Makaligtaan ko kayang di basahin

nagdaang panahon ng suyuan namin?

Kaniyang pagsintang ginugol sa akin

at pinuhunan kong pagod at hilahil?”

Gayunman, ang kanilang pag-iibigan ay natapos nang ikinasal si Rivera sa karibal ni Balagtas na si Mariano Kapuli, na pinaniniwalaang ginamit ang impluwensiya at kayamanan upang makulong ang makata. Ang kasawiang ito sa pag-ibig ni Balagtas ay masasalamin sa Florante at Laura, na kaniyang isinulat habang nasa bilangguan.

Pinagbatayan:

Francisco Balagtas, Florante at Laura, may pagsusuri at anotasyon ni Virgilio S. Almario (Quezon City: Adarna House, 2003), mp. 47–50.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.